Mga Propeta sa Lumang Tipan
Isaias
“Si Isaias ayon sa lahat ng pamantayan ang propeta sa Lumang Tipan na nagpropesiya tungkol sa Mesiyas na ang mga salita ay alam ng lahat.”1 —Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol
Ako ang anak ni Amoz, at ang kahulugan ng pangalan ko ay “ang Panginoon ay kaligtasan.”2 Nagpagal ako bilang propeta sa Jerusalem sa loob ng 40 taon, mula 740–701 b.c. Nagpropesiya ako sa Jerusalem sa panahon ng pamumuno ng apat na hari, at ako ang punong tagapayo ni Haring Ezechias, kaya ako nagkaroon ng malaking impluwensya sa relihiyon.3
Hindi ko lamang ipinropesiya ang mangyayari sa sarili kong panahon at mga tao kundi pati na ang mga mangyayari sa hinaharap na makakaapekto sa buong sangkatauhan. Ipinropesiya ko ang pagsilang ng Tagapagligtas: “Narito, isang dalaga ay maglilihi, at manganganak ng isang lalake, at tatawagin ang kaniyang pangalan na Emmanuel.”4 Ipinahayag ko na si Jehova ay pinahiran ng langis “upang ipangaral ang mabubuting balita sa mga maamo; … upang magpagaling ng mga bagbag na puso, upang magtanyag ng kalayaan sa mga bihag, at magbukas ng bilangguan sa nangabibilanggo.”5 Ipinropesiya ko rin na matapos ang Kanyang Ikalawang Pagparito, “ang Panginoon ng mga hukbo ay maghahari sa bundok ng Sion, at sa Jerusalem; at sa harap ng kaniyang mga matanda ay may kaluwalhatian.”6
Itinatago ng paggamit ko ng simbolismo at tula ang aking mga turo mula sa mga taong hindi handang unawain o sundin ang mga ito. Gayunman, ang mga masigasig na pag-aralan ang aking mga turo sa tulong ng Espiritu Santo ay mauunawaan ang aking mga propesiya.7
Ako ang huli sa mga pangunahing propeta na nagturo sa mga lipi ng Israelita bago sila nagsimulang kumalat mula sa Banal na Lupain.