2014
May Nagsabi sa Akin na Huminto
Setyembre 2014


May Nagsabi sa Akin na Huminto

Ronald D. Colby, Utah, USA

illustration of man's hand holding a flashlight

Mga paglalarawan ni Bradley Clark

Isang magdamagang kamping na naroon na ang lahat ng uri ng aktibidad na gagawin sa labas ang naiplano para sa mga araw ng Biyernes at Sabado, at nasabik akong samahan ang anak ko. May part-time job si Carl at kinailangang magtrabaho sa araw ng Biyernes, kaya iminungkahi kong sunduin siya sa Biyernes ng gabi paglabas niya sa trabaho. Binalak naming pumarada sa isang tulay sa itaas ng campsite at maglakad pababa pagkatapos.

Pagdating namin sa tulay, madilim na, nakasilip lang ang buwan at may ilang bituing nagniningning sa kalangitan. Ang daan patungo sa campsite ay napakakitid sa ibabaw ng talampas papunta sa tabing ilog. Nasa mga 300 yarda (275 m) kami sa itaas ng ilog nang magsimula kaming maglakad.

Di-kalayuan pababa ng daan nagsimulang lumamlam ang liwanag ng flashlight namin, at ang daan ay tila naglalaho paminsan-minsan sa aandap-andap na liwanag. Biglang may nagsabi sa akin na huminto. Tumigil ako kaagad ngunit pagkatapos ay lumakad pa ako nang dalawang hakbang. Naramdaman o narinig ko ulit ang pagsabing, “Hinto!”

Muli akong huminto. Muntik na akong mabangga ni Carl, na nasa likuran ko lang.

“Ano ang nangyayari, Itay?” tanong niya.

Sinabi ko sa kanya ang tungkol sa pahiwatig, at idinagdag ko na kailangan na naming umuwi at na babalik kami kinaumagahan.

“Itay, nakikita ko na ang campfire,” sagot niya. “Wala nang isang milya (1.6 km) ang layo niyon.”

Dahil nadama ko na ang pahiwatig ay nagmula sa Espiritu Santo, iginiit ko na huwag na kaming humakbang pa. Namatay na ang flashlight, kaya maingat kaming umakyat pabalik sa daan. Nalungkot si Carl at hindi gaanong umimik habang pauwi kami.

Maagang-maaga kinabukasan nagbalik kami sa tulay at muli kaming nagsimulang maglakad. Kahit paano makakasali si Carl sa mga aktibidad sa Sabado. Nagmadali kami hanggang sa, biglang-bigla, nawala ang daan! Pagkatapos ay natanto namin. Nakarating kami sa mismong lugar kung saan kami huminto kagabi.

“Itay, hindi kukulangin sa 100 yarda (91 m) iyon pababa sa ilog,” sabi ni Carl. “Muntik na tayong mamatay!”

Matarik ang talampas na kinaroroonan namin pababa sa ilog. Sa harap namin ay may puwang sa daan na mga 12 talampakan (3.6 m) ang lapad, na dulot ng huling bagyo.

Nagyakap kami ni Carl habang dumadaloy ang aming mga luha. Pagkatapos ay umakyat kami papunta sa ibang daan at nakarating sa campsite. Oras na ng almusal pagdating namin.

Dapat ay nalagyan ng babala ang unang daan pero walang nakalagay roon. Salamat na lang at binalaan kami ng Espiritu Santo.

Di-kalayuan pababa ng daan nagsimulang lumamlam ang liwanag ng flashlight namin, at ang daan ay tila naglalaho paminsan-minsan sa aandap-andap na liwanag.