Mensahe sa Visiting Teaching
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Mang-aaliw
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at mga papel na ginagampanan ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ipinangako ni Jesucristo, “Hindi ko kayo iiwang magisa: ako’y paririto sa inyo” (Juan 14:18). Bibigyan Niya tayo ng “putong na bulaklak na kahalili ng mga abo, ng langis ng kagalakan na kahalili ng pagtangis” (Isaias 61:3). Dahil nagdusa si Cristo sa Pagbabayad-sala para sa bawat isa sa atin, hindi Niya tayo kalilimutan. “Pinasan ng ating Tagapagligtas … ang ating mga pasakit at pagdurusa at pighati upang malaman Niya kung ano ang nadarama natin at kung paano tayo aaliwin,” sabi ni Linda S. Reeves, pangalawang tagapayo sa Relief Society general presidency.1
Ang kaalaman na aaliwin tayo ni Cristo ay magbibigay sa atin ng kapanatagan at inspirasyong tularan ang Kanyang halimbawa ng paglilingkod sa iba. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Ang ating kaalaman sa ebanghelyo at ating pagmamahal sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas ay aalo at magtataguyod sa atin at magdudulot ng kagalakan sa ating mga puso habang lumalakad tayo nang matuwid at sumusunod sa mga kautusan. Walang anumang bagay sa mundo na makadadaig sa atin.”2
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Juan 14:18, 23; Alma 7:11–13; Doktrina at mga Tipan 101:14–16
Mula sa Ating Kasaysayan
Sabi ni Sister Elaine L. Jack, ang ika-12 Relief Society general president: “Sa visiting teaching ay tinutulungan natin ang bawat isa. Ang mga kamay ay madalas makapangusap sa paraang hindi kayang isatinig. Maraming naipadarama ang mainit na yakap. Pinagkakaisa tayo ng sama-sama nating pagtawa. Ang isang sandali ng pagbabahagi ay nagbibigay-sigla sa ating mga kaluluwa. Hindi natin palaging mapagagaan ang pasanin ng isang taong may problema, ngunit mapapasigla natin siya upang mapagtiisan niya itong mabuti.”3
Ang mga kapatid nating pioneer sa Relief Society ay “lumakas … ang espirituwalidad … sa pagmamahal at habag sa isa’t isa. … Habang dumaranas sila ng karamdaman at kamatayan, nanalangin sila nang may pananampalataya para sa isa’t isa at inalo ang bawat isa. ‘Dumaloy ang pag-ibig ng Diyos sa bawat puso,’ pagsulat ni Helen Mar Whitney, ‘hanggang sa tila wala nang magawa ang masama sa pagpupumilit niyang pumagitan sa amin at sa Panginoon, at ang kanyang malupit na mga palaso, sa ilang pagkakataon, ay hindi na nakapanakit pa.’”4