2014
Kapag Gusto ng mga Kaibigan Mo na Malaman ang Dahilan
Setyembre 2014


Kapag Gusto ng mga Kaibigan Mo na Malaman ang Dahilan

Kapag mas inuunawa mo ang iba, mas matutulungan mo silang maunawaan ang iyong mga pamantayan.

Three young women sitting together on a beach.  One is playing a guitar.

Noong si Kathy R. ay 17-taong-gulang na tinedyer sa Arizona, USA, kadalasa’y kailangan niyang ipaliwanag sa mga kamag-anak niya ang ilang bagay na ginawa niya—o hindi niya ginawa bilang Banal sa mga Huling Araw.

“Naaalala ko na nagkausap kami minsan ng tiya ko,” sabi ni Kathy. “Sabi niya, ‘Hindi kayo pinapayagan ng Simbahan ninyo na manigarilyo o uminom ng alak, ‘di ba?’ Sinabi ko sa kanya na itinuturo ng Simbahan na hindi makakabuti ang pag-inom ng alak at paninigarilyo pero binigyan ako ng Ama sa Langit ng kalayaang piliin ang gusto ko, at dahil alam ko ang dapat, pinili kong huwag manigarilyo o uminom ng alak.”

Ayon kay Kathy, mas magandang isagot ito sa sitwasyon niya kaysa sabihing, “Salungat sa mga pamantayan ko ang paninigarilyo at pag-inom,” bagama’t kung minsan ay maaaring iyan ang nararapat isagot.

“Akala kasi ng tiya ko, pinipilit ng mga simbahan ang mga tao na sumunod, kaya nang ipaliwanag ko sa kanya na malaya tayong magpasiya, talagang naging interesado siya sa sinabi ko,” sabi ni Kathy. “Nang ipaliwanag ko na nangako ako sa aking sarili na hindi ako maninigarilyo o iinom, handa siyang suportahan ako.”

Samahan ng Malasakit ang Pagbabahagi

Tulad ng ipinakita ng karanasan ni Kathy, maaaring mas madali sa iyo na ipaliwanag ang mga pamantayan ng Simbahan sa iba kung itatanong mo muna sa iyong sarili kung ano ang alam mo tungkol sa mga taong kinakausap mo. Ano ang naghikayat sa kanila na magtanong? Gusto lang ba nilang usisain ang pinaniniwalaan mo? May partikular ba silang itinatanong at naghahanap sila ng tapat na sagot, o nag-aalangan sila, umaasang mauunawaan mo ang nasasaloob nila bago sila lubusang magtiwala sa sinasabi mo? Anong bagay ang interesado silang pakinggan?

Maaaring ipaisip o ipadama sa iyo ng Espiritu kung ano ang makatutulong sa kanila. Kung gayon, sundin ang paramdam. Hindi mo kailangang magbigay ng mahabang mensahe tungkol sa paniniwala mo o makipagtalo pa tungkol sa doktrina. Gawin itong simpleng pag-uusap. Ipaliwanag lang ang mga espirituwal na mithiin mo para sa iyong sarili at kung paano mo nakamtan ang mga ito.

Tandaan na makatwiran lang na ipaalam sa kanila na maaaring hindi mo masagot ang lahat ng tanong, pero maaari mo silang ipakilala sa iba, tulad ng mga missionary, na makakatulong sa kanila na matagpuan ang kanilang hinahanap.

Tandaan, hindi ito tungkol sa gusto mong sabihin; tungkol ito sa kung ano ang handa nilang pakinggan. Hayaang maipahayag ninyo sa isa’t isa ang mga saloobin ninyo at pinaniniwalaan. Isama ang iyong patotoo kapag angkop at tulutang magpatotoo ang Espiritu Santo sa katotohanan. Iyan ang pinakamainam na paraan para matulungan ang iba na maunawaan kung ano ang mga pamantayan at kung bakit mo sinusunod ang mga ito. (Tingnan sa 1 Nephi 10:17–19.)

Ang Halimbawa ng Pamumuhay ng Ebanghelyo

Naaalala ni Laurent B. ng France kung ano ang pakiramdam ng ikaw mismo ang nagtatanong. Noong siya ay 15-taong-gulang na tinedyer at dumalo sa mga pulong ng Simbahan sa unang pagkakataon, napansin niya na masaya ang mga miyembro, lalo na ang mga kabataan.

“Marami akong tanong,” sabi niya. “Hindi tulad ng mga estudyante sa paaralan namin, hindi sila naninigarilyo o umiinom at iginagalang ng mga kabataang lalaki at babae ang isa’t isa. Lahat ay tila may direksyon at layunin sa buhay, at lubos itong nakaakit sa akin.”

Naging kaibigan niya sina Jean-Michel L., 16, at ang kapatid nitong si Eva, 14. “Ipinaliwanag nila na ang Word of Wisdom ay mga tuntunin ng malusog na pamumuhay,” paggunita ni Laurent. “Ibinahagi nila ang kanilang nadarama tungkol sa kalinisang-puri at ipinaliwanag na ito ay utos mula sa Ama sa Langit, na nais tayong maging matatapat na mag-asawa sa kawalang-hanggan.

“Hindi lang nila ipinaliwanag ang kanilang mga pamantayan sa akin, kundi nakita ko mismo na ipinamuhay nila ang kanilang pinaniniwalaan,” sabi ni Laurent. “Kapag sinusunod mo ang mga kautusan, pinasasaya ka nito, at ang kaligayahan mo ay tutulong sa mga tao na gustuhing malaman kung bakit ganoon ka mamuhay.”

Natutuhan ni Laurent sa kanyang karanasan na hindi ang pagbanggit ng mga pamantayang sagot ang pinakamainam na paraan para maibahagi ang nalalaman mo. Ang pinakamainam na paraan ay ipamuhay ang pinaniniwalaan mo. At tulad ng sabi sa banal na kasulatan, “lagi kayong handa ng pagsagot sa bawa’t tao na humihingi sa inyo ng katuwiran tungkol sa pagasang nasa inyo” (I Ni Pedro 3:15).

Mga Araling Pang-Linggo

Paksa sa Buwang Ito: Mga Kautusan