Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Ang Simbahan sa Korea—Maningning ang Liwanag ng Ebanghelyo sa Kabila ng Paghihirap
Inilatag ng naunang mga miyembro ng Simbahan sa Korea ang pundasyon ng pananampalataya na pinagsasaligan ngayon ng libu-libong miyembro.
Ang gawaing misyonero ay nasimulan sa Korea noong 1950s pagkaraan ng Korean War. Ngunit ang unang pakikipag-ugnayan ng Simbahan sa Korea ay noong Enero 1910, nang sina Alma Owen Taylor, na na-release kamakailan bilang pangulo ng Japan Mission, at Elder Frederick A. Caine, isang misyonerong naglingkod sa Japan, ay bumisita nang ilang linggo sa Korea at China. Inaprubahan ng Unang Panguluhan ang kanilang paglalakbay sa mga bansang iyon upang tingnan kung posibleng masimulan doon ang gawaing misyonero. Napuna ni Pangulong Taylor na tumitindi ang interes ng mga Koreano sa Kristiyanismo samantalang halos malugmok na ang kanilang bansa sa ilalim ng pamumuno ng mga Hapon. Gayunman, inisip niya kung mas interesado ang mga Koreano sa Kristiyanismo dahil sa pulitika kaysa tanggapin si Cristo bilang kanilang walang-hanggang Tagapagligtas.
Ang Pagbabagong-loob ni Dr. Kim Ho Jik
Pagkalipas ng ilang dekada mula nang bumisita si Pangulong Taylor, nakaranas ng matitinding pagsubok ang mga Koreano, kabilang na ang pandarayuhan ng mga Hapon at pananakop ng militar, ang Asia Pacific War, pang-aapi ng Russia at China, sapilitang pamamahala ng mga komunista sa North Korea, at ang Korean War.
Gayunman, dahil sa tulong ng langit, nagsimulang magningas ang munting pag-asa ng mga Koreano sa New York, USA. Ipinadala ni Syngman Rhee, pangulo ng Korea, si Kim Ho Jik, direktor ng Suwon Agricultural Experimentation Station, sa Estados Unidos para pag-aralan kung paano mas mapapabuti ang kalusugan ng mga Koreano. Pinili ni Ho Jik ang Cornell University, na may napakagandang graduate study program sa nutrisyon. Noong 1949 nagsimula siyang kumuha ng doctoral degree—at dumalo rin sa iba’t ibang miting ng mga simbahan sa iba’t ibang dako ng Ithaca, New York, para hanapin ang “tunay na simbahan.”1
Kinaibigan ni Ho Jik ang isang lalaking nagngangalang Oliver Wayman. Hindi tulad ng ibang mga kakilala ni Ho Jik, si Oliver ay hindi umiinom ng alak o naninigarilyo at hindi nagmumura kahit kailan. Hindi rin siya nagtatrabaho tuwing Linggo. Isang araw tinanong ni Ho Jik si Oliver, “Bakit ganyan ang pamumuhay mo?” Para masagot ang tanong na iyan, binigyan siya ni Oliver ng isang aklat na may pamagat na The Articles of Faith ni Elder James E. Talmage (1862–1933) ng Korum ng Labindalawang Apostol.
Binasa ni Ho Jik ang The Articles of Faith sa loob ng isang linggo at pagkatapos ay binasa niya ang Aklat ni Mormon. Naniwala siya sa dalawang aklat at sinabi niya kay Oliver na ang Aklat ni Mormon ay “mas kumpleto at mas madaling maunawaan kaysa sa Biblia.”2 Tinanggap ni Ho Jik ang mensahe ng ebanghelyo na parang tuyong lupang napatakan ng pinakahihintay na ulan. Lumakas ang kanyang pananampalataya sa pagdaan ng mga araw. Nagsimula siyang magpaturo sa mga missionary at nagpasiyang magpabinyag.
Noong Hulyo 29, 1951, nabinyagan ang 46-na-taong-gulang na si Kim Ho Jik sa Susquehanna River—ginusto niyang magpabinyag malapit sa pinagbinyagan kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery mahigit 100 taon na ang nakalipas. Nang paahon na siya mula sa tubig, narinig niya ang isang malinaw na tinig na nagsasabing, “Pakanin mo ang aking mga tupa.” Dahil sa impresyong iyan inilaan niya ang nalalabi pa niyang buhay sa pagtulong na mapasimulan ang pangangaral ng ebanghelyo sa Korea.
Pagsapit ng Setyembre 1951 walang nanalo o natalo sa Korean War, kaya bumalik na si Dr. Kim sa Korea. Nagkaroon siya ng matinding hangaring ipangaral ang ipinanumbalik na ebanghelyo. Dumalo siya sa simbahan sa U.S. military camp sa Busan, kung saan siya nagturo sa klase ng Doktrina ng Ebanghelyo at nagbahagi ng kanyang patotoo sa mga bisitang Koreano. Itinuro ng mga sundalong Amerikano ang ebanghelyo sa mga kabataan sa wikang Ingles, at si Dr. Kim ang nagsalin nito para sa kanila. Epektibong paraan ito para maibahagi ang ebanghelyo, at dahil tiwala ang mga Koreano kay Dr. Kim, maraming naimpluwensyahan ng kanyang halimbawa.
Matapos ang labis na pagdurusa sa Korean War, sabik na tinanggap ng mga tao ang ebanghelyo ni Jesucristo. Sa wakas ay nagbunga ang katapatan ni Dr. Kim noong Agosto 3, 1952, nang mabinyagan ang unang apat na tao sa Busan, Korea.
Kalaunan ay sinabi ni Dr. Kim sa isang grupo ng mga Banal, “Walang halaga sa akin kung ibuwis ko man ang aking buhay, o pera, o posisyon, makasama ko lang ang aking Tagapagligtas.”3 Nakita sa kanyang buhay ang katapatang ito na paglingkuran ang Diyos.
Kahit wala ni isa mang misyon sa bansa, mabilis na lumaganap ang ebanghelyo sa Korea. Humanga sa pag-unlad na ito ang mga Kapatid. Noong Setyembre 1954, pagbalik niya sa Utah matapos pumunta sa Korea, ipinahayag ni Elder Harold B. Lee (1899–1973) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kanyang pag-asa na hindi magtatagal ay opisyal nang sisimulan ng Simbahan ang pangangarangal ng ebanghelyo sa Korea. Inilarawan niya ang pananampalataya at kasigasigan ng mga Koreanong Banal.4 Noong Abril 7, 1955, hinati ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Japanese Mission sa Northern Far East Mission at Southern Far East Mission. Nakasama ang Korea sa Northern Far East Mission. Gusto ng mga Koreanong Banal sa mga Huling Araw na padalhan sila ng mga missionary sa Korea, ngunit alam nilang hindi matatag ang sitwasyon ng pulitika sa Korea, kaya naghintay sila at nanalangin nang taimtim.
Ang Pagsisimula ng Gawaing Misyonero
Noong Agosto 2, 1955, habang nakatayo sa magandang burol na Jang-Choong Dan sa Seoul, inilaan ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972), na noon ay Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang Korea para sa pagsisimula ng full-time missionary work at ipinagdasal na mabalik ang kapayapaan at kaunlaran sa bansa.5 Nang gabing iyon inorganisa niya ang Korea District, at si Kim Ho Jik ang pangulo. Kalaunan ay bumisita siya sa Busan upang iorganisa ang Busan Branch.
Noong Abril 1956, kahit hindi pa matatag ang sitwasyon ng pulitika sa Korea, nabigyang-inspirasyon ang bagong tawag na pangulo ng Northern Far East Mission na ipadala sina Elder Richard Detton at Elder Don Powell sa Korea. Naihanda na ng mga sundalong Amerikanong Banal sa mga Huling Araw at ng 64 na mga miyembrong Koreano, gaya ni Dr. Kim, ang daan para matanggap ang nagpapalakas na ebanghelyo, at ang mga missionary ang naglaan ng espirituwal na pangangalaga. Napakaraming tao ang naniwala at nanalig, at nagsimulang lumago ang Simbahan.
Ang Pananampalataya ng mga Naunang Miyembro
Ang pananampalataya ng mga Koreanong Banal ay patuloy na lumakas ngunit sinubukan nang madalas. Ginunita ni Brother Chun Nak Seo, na matapos mabinyagan ay sumali sa hukbong sandatahan para gampanan ang kanyang tungkulin sa militar, ang ilang mahihirap na panahon: “Sa tatlong taon ng paglilingkod ko sa militar, nasubukan ang aking pananampalataya at patotoo. Isang araw lasing ang company commander at nagdala ng maraming alak at pilit itong ipinainom sa mga sundalo sa kanyang pulutong. Dahil alam ng mga kasamahan ko na LDS ako, lagi nilang inuubos ang laman ng baso para sa akin. Ngunit nang gabing iyon, mahigpit akong binantayan ng lasing na commander at inutusan akong inumin ang alak sa baso. Sinabi kong hindi ako umiinom ng alak, pero inutusan niya akong uminom. Pero muli ko siyang sinuway. Inilabas niya ang kanyang baril at itinutok sa akin at inutusan akong uminom. Lahat ay pigil-hininga at nakamasid. Muli kong sinabi nang malinaw, ‘Hindi po ako umiinom ng alak, sir.’ Pakiramdam ko’y napakatagal ng sandaling iyon. Sa huli ay sinabi niya, ‘Suko na ako’ at ibinaba ang baril. Nakahinga nang maluwag ang lahat at nagbalikan na sa kuwartel. Kinabukasan, lumapit sa akin ang company commander at humingi ng paumanhin sa ginawa niya nang nakaraang gabi. Kalaunan ay lumalapit na siya sa akin paminsan-minsan para humingi ng payo tungkol sa mga personal na bagay.”6
Si Brother Chun ay naglingkod bilang full-time missionary sa Korea at kalaunan ay bilang bishop ng Alameda Ward sa Maryland, USA.
Si Brother Jung Dae Pan ay kabilang din sa mga taong naturuan ng ebanghelyo ng mga unang missionary na naglingkod sa Korea. Tumigil siya ng pag-aaral sa Seoul National University para mag-aral sa isang kolehiyo sa teolohiya. Pinangarap niyang maging pastor at pamunuan ang mga Kristiyano sa Korea.
Isang araw binigyan siya ng isang kaibigan ng kopya ng Aklat ni Mormon sa Ingles dahil wala pang nakalathala nito sa wikang Korean. Napilitan siyang basahin ang aklat. Binasa pa nga niya ito sa klase. Nang tanungin siya ng kanyang mga kaklase kung ano iyon, sinabi niya na ito ay isang aklat na katulad ng Biblia at inirekomenda niyang bumili sila niyon.
Kalaunan nagkaproblema si Brother Jung sa kolehiyo. Ipinatawag siya ng mga administrador at sinabi nila na nagpapatangay siya sa tukso ni Satanas na mapunta sa maling pananampalataya, at pinapili siya kung mananatili siya sa paaralan o pipiliin niya ang Aklat ni Mormon. Hindi siya nahirapang magdesisyon dahil alam na niya na ang Aklat ni Mormon ay totoo.
Gayunman, matapos sumapi si Brother Jung sa Simbahan, nahirapan siyang makisama sa iba at naghirap siya. Ang scholarship sa kolehiyo at suportang pinansyal mula sa dating simbahan ay itinigil, at iniwan siya ng lahat ng kaibigan niya. Inalagaan siya ni Dr. Kim. Kalaunan, nag-ambag nang malaki si Brother Jung sa paglago ng Simbahan sa Korea sa pamamagitan ng pagsasalin ng Doktrina at mga Tipan at pag-edit sa mga himno. Ang magagandang titik na isinalin niya ay umaantig pa rin sa puso ng mga miyembrong Koreano.
Unti-unting dumami ang matatag na mga miyembro. Noong Hulyo 1962, opisyal na inorganisa ang Korean Mission. Si Gail E. Carr, isang returned missionary na naglingkod sa Korea, ang tinawag na bagong mission president. Isinama ng bagong pangulong ito sa unang mga priyoridad niya ang pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon sa wikang Korean. Matapos ang maraming pagninilay-nilay at panalangin, itinalaga niya ang gawain ng pagsasalin sa isa sa mga full-time missionary na si Elder Han In Sang. Tagumpay na natapos ni Elder Han ang isang bagong pagsasalin, matapos repasuhin ang dalawang naunang pagsasalin,7 at ang Aklat ni Mormon ay inilimbag sa wikang Korean sa unang pagkakataon noong 1967.
Nang maisalin na ang Aklat ni Mormon sa kanilang wika, maraming Koreano ang nagsimulang magsiyasat sa Simbahan sa paanyaya ng kanilang mga kaibigan. Napakaraming bisita kaya hindi na kinailangang maghanap ang mga missionary ng mga investigator, at maghapong nagturo ang ilang missionary.
Malaki rin ang naging bahagi ng kasigasigan ng mga Koreanong Banal sa gawaing misyonero sa pag-unlad ng Simbahan. Ang isang kahanga-hangang member missionary ay si Lee Sung Man ng Jamsil Ward, na sumapi sa Simbahan noong mahigit 50 anyos na siya. Marami siyang masasaya at malulungkot na karanasan sa buhay; gayunman, laging maganda ang kanyang pananaw tungkol sa kanyang relihiyon. Noong siya ay taga-repair ng sapatos, may salansan siya ng mga kopya ng Aklat ni Mormon sa kanyang talyer at sinasabi niya sa mga parukyano na libre silang kumuha ng isa kung babasahin nila ito. Mahigit 50 katao, kabilang na ang kanyang mga kamag-anak, ang sumapi sa Simbahan dahil sa kanya. Binasa niya ang mga pamantayang banal na kasulatan nang maraming beses. Nakita nila ang mga ito sa kanyang tabi nang mamatay siya.8
Unang Stake at Templo ng Korea
Noong 1973, maraming Koreanong Banal sa mga Huling Araw ang nagsimulang umasa na hindi magtatagal ay magkakaroon sila ng isang stake. Noong Marso 8, 1973, inorganisa ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang unang stake sa Korea. Mga 800 katao ang dumalo sa miting. Ang makasaysayang unang stake sa Korea ay inorganisa na may walong ward at dalawang branch. Maaari na ngayong sumunod kay Jesucristo ang mga miyembro ng Simbahan sa Korea sa ilalim ng pamumuno sa stake ng mga Koreanong lider ng Simbahan at tumanggap ng mga pagpapala mula sa isang inorden na Koreanong patriarch.
Mas tumindi pa ang gawaing misyonero. Halos 1,200 katao ang nabinyagan noong 1973. Hindi nagtagal ay mahigit na sa 8,000 ang kabuuang bilang ng mga miyembro sa Korea, kabilang na ang mahigit 700 mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood sa 31 mga ward at branch.
Pagkaraan ng labindalawang taon, matapos ang patuloy na pagdami, ang mga Koreanong Banal ay biniyayaan ng pinakaaasam nilang templo. Noong Disyembre 14, 1985, inilaan ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na dating Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang Seoul Korea Temple. Ang templong ito ay makabuluhan lalo na kay Pangulong Hinckley, na may espesyal na koneksyon sa mga Koreanong Banal. Sabi niya, “Ang mga Koreano ay nagdusa sa kalupitan ng digmaan, ngunit gusto nila ng kapayapaan at mababait silang tao. Mas napaluha ako sa Korea kaysa sa iba pang lugar sa mundo.”9 Nag-alay ng panalangin sa paglalaan si Pangulong Hinckley, at napaluha ang maraming dumalo. Maginaw nang araw na iyon, ngunit ang magiliw na Espiritu ng Panginoon ay namalagi sa templo nang araw na iyon at inantig ang puso ng lahat.
Makikita sa isa sa mga painting sa loob ng templo si Sister Ho Hee Soon, na nabinyagan noong Agosto 1970. Nagsimula siyang gumawa sa gawain ng templo noong mahigit 80 anyos na siya. Nagsagawa siya ng endowment para sa di-kukulangin sa 1,500 katao. Noon lang 2007, nagsagawa siya ng mga ordenansa para sa mga patay para sa mahigit 600 katao. Isang Amerikanong painter, na naantig sa kanyang paglilingkod, ang nagpinta ng kanyang larawan at ibinigay ito sa Seoul Temple upang gunitain ang kanyang walang-humpay na pagsisikap na tumulong sa pagliligtas ng mga kaluluwa.
Marami pang mga Koreanong Banal ang masigasig sa gawain sa templo. Ang Masan stake (na ngayo’y Changwon stake), halimbawa, ay nagsimulang regular na pumunta sa templo noong 1995. Tuwing ikalawang Biyernes ng bawat buwan, isang inarkilang bus ang sumusundo noon sa mga miyembro sa mga lungsod ng Jinhae-gu, Changwon, Jinju, Sacheon, at Geoje papuntang Seoul. Dumarating ang bus sa templo nang alas-2:00 o alas-3:00 n.u., at umiidlip nang dalawang oras ang mga miyembro bago makibahagi sa mga ordenansa ng initiatory nang alas-5:00 n.u. Pagkatapos ay dumadalo sila sa mga endowment session hanggang bago maghating-gabi bago umuwi sa kanilang tahanan nang pasado alas-10:00 n.g. Kinabukasan naman nagsisimba sila at bumibisita sa mga miyembro sa buong maghapon. Paggunita ni Brother Kim Choongseok, ang stake president noon, “Pagod na pagod sila pero masaya.”
Ngayon pagkaraan ng ilang dekada, matatag na ang Simbahan sa Korea. Sinusuportahan ng mga lokal na lider ng Simbahan ang pagpapahalaga sa pamilya at iba pang mga priyoridad ng propeta. Mas maraming miyembrong Koreano ang kumikilala sa kahalagahan ng pagsamba nang sama-sama bilang pamilya—pagdaraos ng family home evening, panalangin ng pamilya, at pag-aaral ng banal na kasulatan. At mas marami nang mga Koreanong tinedyer ang nagmimisyon kaysa dati. Dahil sa liwanag ng ebanghelyo, nagtatatag ang mga miyembrong Koreano ng isang kinabukasan na kasingningning ng kanilang pananampalataya.