Susume!
Ang “sumulong nang may pananampalataya” ay mga katagang dapat gumabay sa ating buhay.
Sa wikang Hapon ng himnong “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” (Mga Himno, blg. 151), ang mga salitang Ingles na onward at forward ay isinalin bilang susume. Ang salitang iyan ay may mahalagang kahulugan para sa akin dahil sa nangyari ilang taon na ang nakararaan noong ako ang stake president sa Fukuoka, Japan.
Bumisbiita noon ang Pangulo ng Simbahan na si Gordon B. Hinckley (1910–2008), at hinilingan akong samahan siya. Sa isang pulong, 300 full-time missionary ang nagtipon para pakinggan ang propeta. Napuspos ng Banal na Espiritu ang kapilya, at marami sa amin ang napaluha sa kagalakan. Inawit namin ang “Tinawag Upang sa Diyos Maglingkod” sa wikang Hapon, at inulit-ulit namin ang susume, susume. Tinanong ni Pangulong Hinckley ang mission president, na katabi niya sa upuan, “Ano ang ibig sabihin ng susume?”
“Ang ibig sabihin po niyan ay ‘sumulong,’” sagot ng mission president.
Napakaganda ng pulong. Hinikayat at binigyang-inspirasyon ni Pangulong Hinckley ang mga missionary. Pagkatapos, kumaway na siya at nagpaalam at nilisan ang gusali. Nang sumakay na siya sa kotse ko para bumalik sa hotel, may isang salita siyang sinabi sa akin, sa wikang Hapon: “Susume!”
Isang Napakagandang Mensahe
Ang salitang iyon ay naging motto ko: “Sumulong! Maging positibo! Harapin ang bukas nang may pananampalataya!” Ito rin ang mensaheng ibinigay sa mga kabataan ng Simbahan sa huling bahagi ng Para sa Lakas ng mga Kabataan. Matapos repasuhin ang mga pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga pamantayan ng Panginoon, sa bahaging may pamagat na “Sumulong nang may Pananampalataya,” ganito ang nakasaad: “Kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito, mas gagawing makabuluhan ng Panginoon ang buhay ninyo kaysa magagawa ninyo kung kayo lang mag-isa. Daragdagan Niya ang inyong mga oportunidad, palalawakin ang inyong pananaw, at palalakasin kayo. Ibibigay Niya ang tulong na kailangan ninyo upang makayanan ang mga pagsubok at hamon sa buhay. Lalong lalakas ang inyong patotoo at matatagpuan ninyo ang tunay na kaligayahan kapag nakilala ninyo ang inyong Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo, at madarama ang pagmamahal Nila sa inyo” ([2011], 43).
Itinuturo sa atin ng ebanghelyo na sumulong nang may pananampalataya. “Magsihanap kayo, at kayo’y mangakasusumpong; magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” (Mateo 7:7). Para sa akin, ang ibig sabihin nito ay susume.
Isang Bantog na Kuwento
Ang samurai ang maharlikang militar ng Japan noong medieval age at sa simula ng makabagong panahon. Pinag-uusapan pa rin ng mga Hapones ang isa sa kanila, si Ryoma Sakamoto, na namatay noong 1867. Ang isa sa mga dahilan kaya popular pa rin siya ngayon ay dahil laging positibo ang kanyang pananaw. Wala siyang kinatakutang sinuman o anuman. Nagpunta siya saanman siya kailangan. Dahil naniwala sa tuntunin na lahat ng tao ay nilikhang pantay-pantay, ginawa niya ang lahat para makapagtatag ng bagong pamahalaan. Ngunit siya ay pinatay nang pataksil, at kahit maraming beses siyang sinaksak ng espada ng isa pang samurai, hindi siya sumuko. Pinilit niyang tumayo at sumulong. Bantog na bantog ang kuwentong ito sa Japan.
Nauunawaan ko na lahat tayo ay may mga pagsubok at pagdurusa, at kung minsan ay maaari nating madama na inaatake tayo ng ating mga kalaban. Tutuksuhin tayo ni Satanas na maging negatibo ang ating pag-iisip at mawalan ng pag-asa.
Ngunit pinatototohanan ko sa inyo na ang ebanghelyo ay nagbibigay sa atin ng lakas na sabihing susume at magpatuloy. Ang ebanghelyo ay hindi nagbibigay sa atin ng mga negatibong mensahe. Kailangan tayong manindigan at sumulong nang may pananampalataya, dahil nangako sa atin ang Panginoon na hindi tayo madaraig. “At ang Panginoon, ay siyang nagpapauna sa iyo; siya’y sasa iyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan ka: ikaw ay huwag matatakot, ni manglupaypay” (Deuteronomio 31:8).
Ang Pinagmumulan ng Kaligayahan
Mahal kong mga kaibigan, gusto kong lumigaya kayo. Ang tunay na kaligayahan ay dapat isalig sa kaalaman na ang ating Ama sa Langit ay buhay. Mahal at kilala Niya ang bawat isa sa atin. Alam niya ang lahat ng tungkol sa atin—ang ating mga kahinaan, kalakasan, mabuting ugali, masamang ugali, hamon, at pagdurusa. Dahil mahal Niya tayo, isinugo Niya ang Kanyang Anak upang iligtas tayo. Si Jesucristo ang aking Tagapagligtas. Siya ang Tagapagligtas ng aking pamilya. Siya ang inyong Tagapagligtas. Ginagabayan Niya tayo. Inaakay Niya tayo. Alam ko na ang Simbahang ito ang Kanyang Simbahan, at alam ko na si Pangulong Thomas S. Monson ang ating buhay na propeta.
Ipinapangako ko sa inyo na kung kayo ay may positibong pananaw at hahanapin ninyo ang mabubuting bagay, ang Banal na Espiritu ay sasainyo. Kung iisipin ninyo ang Diyos at ang mabubuting bagay, gagabayan kayo ng Banal na Espiritu. Mahihikayat ninyo ang inyong sarili na “sumulong,” at sa kabila ng inyong mga pagsubok, magpapatuloy kayo nang may pananampalataya.