2014
Ang Aklat na Dilaw ang Pabalat
Setyembre 2014


Ang Aklat na Dilaw ang Pabalat

Ang awtor ay naninirahan sa Bolivia.

Si Randol ay nanirahan sa Bolivia. Gustung-gusto niyang pumasok sa eskuwela, at iningatan niyang mabuti ang kanyang mga aklat sa paaralan. Ang paborito niyang aklat ay dilaw ang pabalat at may nakakatuwang mga drowing.

Isang araw hindi makita ni Randol ang kanyang dilaw na aklat. Tinulungan siya ng kanyang nanay at tatay sa paghahanap, pero hindi pa rin nila ito matagpuan.

Lungkot na lungkot si Randol. “Magdasal tayo,” sabi ng tatay ni Randol. “Hihingi tayo ng tulong sa Ama sa Langit.”

Pagkatapos ng panalangin, may naisip na ideya ang tatay ni Randol.“Kausapin natin ang tito mo,” sabi nito. “Siguro ganyan din ang aklat na ginamit ng kanyang mga anak at baka ipahiram nila iyon sa iyo.”

“Ito na ang sagot sa aming panalangin,” naisip ni Randol.

Nagpunta ang pamilya ni Randol sa tindahan ng kanyang tito. Tinanong nila ito tungkol sa aklat na dilaw. Sinabi ng tito niya na hindi gumamit ng gayong aklat ang kanyang mga anak kahit kailan.

Nagulumihanan ngayon si Randol. Hindi ba sasagutin ng Ama sa Langit ang kanilang panalangin?

Sa sandaling iyon, dumating sa tindahan ni Tito ang ilang tao na nagbebenta ng mga aklat. May dala silang aklat na dilaw ang pabalat!

Binili ng tatay ni Randol ang aklat. Nagpasalamat si Randol sa Ama sa Langit sa pagsagot sa kanyang panalangin.

Mga paglalarawan ni Bryan Beach