2014
Pambihirang mga Binatilyo
Setyembre 2014


Hanggang sa Muli Nating Pagkikita

Pambihirang mga Binatilyo

Mula sa “Stories from the General Authorities: An Uncommon People,” New Era, Peb. 1974, 28–29.

“Bakit ka nakipag-toast sa akin ng isang basong gatas?”

Nakatanggap ako ng liham mula sa isang missionary sa California. Sinabi niya na isa sa mga samahan ng kababaihan ang naghahanda noon ng pananghalian sa hotel. Ang babaeng nangangasiwa ay naglagay ng ekstrang pinggan sa mesa, at sinabi nito, “Kapag dumating ang susunod na sundalo, pauupuin natin siya sa lugar na ito sa mesa.” Aba, nagkataon na isa siyang binatang Mormon.

Nang ipasa nila ang kape, hindi niya ginalaw ang kape. Madali lang sanang sabihin ng binatang iyon na, “Okey lang, wala rito si Inay. Wala rito si Itay. Wala rito ang bishop ko. Ako lang ang lalaking kasama ng lahat ng babaeng ito. Hindi makakasama sa akin ang munting tasa ng kape.”

Ngunit kailangan niyang maging halimbawa ng pagpuri sa Panginoon na tumawag sa kanya mula sa kadiliman tungo sa kagila-gilalas na liwanag, at hindi niya ito ininom. Inalok nila siya ng tsaa, at inayawan din niya iyon. Pagkatapos ay gusto nilang malaman ang lahat tungkol sa kanya. Iyon ang nagbigay ng pagkakataon para masabi niya sa kanila kung paano siya pinalaki. At nang matapos na silang kumain, sinindihan nila ang kanilang mga sigarilyo at ipinasa-pasa ang mga ito. Siyempre pa, tumanggi ang batang sundalo. Sa sandali ring iyon nagpasiya ang isa sa mga babaing iyon, “Kung sakaling kumatok ang mga Mormon Elder sa bahay ko, papapasukin ko sila. Gusto kong malaman pa ang tungkol sa mga taong nakapagpapalaki ng isang binatang katulad ng nakaupo sa mesa natin ngayon.”

Isa pang binatang Mormon ang ipinadala sa silangan sa isang officers’ training school. Dumating ang bagong commanding officer sa kampo, at nagkaroon sila ng salu-salo para parangalan ito. Doon, sa tabi ng bawat pinggan, ay may kopita. Nang dumating ang tamang sandali, bawat isa sa mga magiging potensyal na opisyal na iyon ay tumayo hawak ang kanyang kopita para makipag-toast sa bagong opisyal na iyon. Lahat sila maliban sa isang binatilyo, at itinaas niya ang isang basong gatas.

Siyempre, nakita iyon ng opisyal. Diretso siyang nagpunta sa binatang iyon pagkatapos ng kasayahan, at sinabi niya, “Bakit ka nakipag-toast sa akin ng isang basong gatas?”

“Kasi po, Sir,” sabi niya, “Hindi pa po ako nakatikim ng alak kahit kailan. Ayaw ko pong tumikim nito; ayaw ng mga magulang ko na tumikim ako nito; at palagay ko po hindi rin ninyo gugustuhing uminom ako nito. At gusto kong makipag-toast sa inyo, kaya naisip kong masisiyahan kayo kung makikipag-toast ako sa inyo ayon sa nakasanayan kong inumin.”

Sabi ng opisyal, “Magreport ka sa headquarters bukas ng umaga,” at sinabi sa kanya kung anong oras.

Palagay ko hindi nakatulog ang binatang iyon, ngunit nang magpunta siya sa tinutuluyan ng opisyal kinaumagahan, ginawa siyang tauhan ng opisyal na ganito ang paliwanag: “Gusto kong mapaligiran ako ng mga taong may tapang na gawin ang iniisip nilang tama anuman ang iniisip ng iba tungkol dito.”

Hindi ba napakaganda niyan! Pambihira siyang binata, hindi ba? Umaasa ako na kayong lahat ay pambihira. Sana kung sakaling malagay kayo sa sitwasyong tulad niyon, tama ang gagawin ninyong desisyon.

Larawan ng kopita ng alak na kuha ni Ziviani/iStock/Thinkstock; larawan ng gatas na kuha ng denphumi/iStock/Thinkstock