Paghahanda para sa mga Oportunidad sa Buhay
Gusto ba ninyo ng magandang kinabukasan? Mag-aral!
Kapag patung-patong na ang homework ninyo at iniisip ninyo kung sulit ba ang lahat ng pagsisikap ninyo, alalahanin ang payo na ito mula sa Unang Panguluhan. Matutulungan kayo ng kanilang mga salita na puno ng karunungan na malagpasan ang susunod na bunton ng pag-aaralan nang may kaunti pang pagsisikap.
Dahil malaki ang impluwensya ng edukasyon sa inyong kinabukasan at ito ay “mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit na tutulong sa inyong maging higit na katulad Niya” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [2011], 9), matutuklasan ninyo na sulit ang bawat pagsisikap.
Pangulong Thomas S. Monson
Pagtuturo ng Langit
“Ang ilang aral sa buhay ay natututuhan sa inyong mga magulang, samantalang ang iba ay natututuhan ninyo sa paaralan o sa simbahan. Gayunman, may mga pagkakataon na alam ninyo na ang ating Ama sa Langit ang nagtuturo at kayo ay Kanyang estudyante.”
“Who Honors God, God Honors,” Ensign, Nob. 1995, 48.
Ang Dagat ng Buhay
“Ang buhay ay isang dagat kung saan napapakumbaba ang mapagmataas, nabubunyag ang hindi gumagawa ng tungkulin, at nahahayag ang mga lider. Para makamtan ang inyong mga mithiin, kailangan ninyong tandaan ang lahat ng kailangang gawin. Kailangan ninyong matuto sa karanasan ng iba, manindigan sa mga prinsipyo, palawakin ang inyong mga interes, unawain ang mga karapatan ng iba na makamtan din ang sarili nilang mga mithiin, at maasahan sa paggawa ng inyong tungkulin.
“Ang mga pagsisikap ninyo sa pag-aaral ay magkakaroon ng malaking epekto sa inyong mga oportunidad kapag nakatapos na kayo. Kapag nahirapan kayong makakuha ng matataas na marka o grade, huwag balewalain ang kahalagahan ng matuto talaga kayong mag-isip.”
“Great Expectations” (Brigham Young University devotional, Ene. 11, 2009), 4; speeches.byu.edu.
Maghanda Muna Bago Gumawa
“Mas kailangan ngayon ang paghahanda para sa mga oportunidad at responsibilidad sa buhay kaysa rati. Nabubuhay tayo sa isang pabagu-bagong lipunan. Ang matinding kompetisyon ay bahagi ng buhay. Malaki na ang pagkakaiba ng tungkulin ng asawa, ama, lolo, tagapaglaan, at tagapagtanggol sa nakalipas na henerasyon. Ang paghahanda ay hindi bagay na marahil o baka. Ito ay isang kautusan. Ang lumang kasabihang ‘Mabuti pa ang taong walang kamuwang-muwang’ ay tuluyan nang naglaho. Maghanda muna bago gumawa.”
“Duty Calls,” Ensign, Mayo 1996, 43.
Pangulong Henry B. Eyring
Determinasyong Matuto
“Bilang anak ng Diyos, ang inyong tadhana, kung sapat ang iyong pagsisikap at mananatiling tapat, ay maging katulad Niya. Ang ibig sabihin niyan ay walang bagay na totoo na hindi mo matututuhan, dahil alam Niya ang lahat ng katotohanan.
“Karamihan sa mga tao ay tumitigil sa pag-aaral dahil sa takot. Natatakot silang hindi matuto. Hindi kayo kailangang matakot kung kayo ay tapat. Maaaring matigil ang inyong pag-aaral sa eskwela sa kung anong dahilan, ngunit nais kong malaman ninyo nang may lubos na katiyakan na maaari ninyong matutuhan ang anumang nais ng Diyos na matutuhan ninyo. Naniniwala riyan ang magagaling na mag-aaral. Sila ay may determinasyon na matututo sila.”
“Do What They Think You Can’t Do,” New Era, Okt. 1989, 6.
Kilala Kayo ng Panginoon
“Ang inyong buhay ay binabantayang mabuti, na katulad ng buhay ko. Parehong alam ng Panginoon ang kailangan Niyang ipagawa sa inyo at ang kailangan ninyong malaman para magawa ito. Maaasahan ninyo nang may tiwala na naghanda Siya ng mga oportunidad para matuto kayo. Hindi ninyo lubos na matutukoy ang mga oportunidad na iyon, katulad ko noon. Ngunit kapag inuna ninyo ang mga espirituwal na bagay sa inyong buhay, ituturo sa inyo kung ano ang dapat ninyong matutuhan, at magaganyak kayo na lalo pang magsikap.”
“Real-Life Education,” New Era, Abr. 2009, 6.
Pangulong Dieter F. Uchtdorf
Inutusang Mag-aral
“Para sa mga miyembro ng Simbahan, hindi lamang magandang ideya ang edukasyon—ito ay isang kautusan. Dapat nating matutuhan ang ‘mga bagay maging sa langit at sa lupa, at sa ilalim ng lupa; mga bagay na nangyari na, mga bagay na nangyayari, mga bagay na malapit nang mangyari; mga bagay na nasa tahanan, mga bagay na nasa ibang bansa’ [tingnan sa D at T 88:79–80].”
“Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay,” Liahona, Nob. 2009, 58.
Matiyagang Pagsusumigasig
“Noong 10 taong gulang ako, naging mga refugee ang pamilya ko sa ibang lupain. Noon pa man ay mahusay na akong estudyante—ibig kong sabihin, hanggang sa makarating kami sa West Germany. …
“Dahil malaking bahagi ng kurikulum ang bago at [di-pamilyar] sa akin, napag-iwanan ako. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nag-isip-isip ako kung hindi ako ganoon katalino para mag-aral.
“Mabuti na lang may guro akong nagturo sa akin na magtiyaga. Itinuro niya sa akin na sa [patuloy] at palagiang pagsisikap—matiyagang [pagsusumigasig]—ay matututo ako.
“Sa paglipas ng panahon, naging malinaw ang mahihirap na subject—kahit ang English. Unti-unti naunawaan ko na kung lagi kong gagamitin ito, matututo ako. Hindi iyong naging madali, pero sa pagtitiyaga ay nagawa ko.”
“Patuloy na Magtiyaga,” Liahona, Mayo 2010, 57.