2014
Ang Pamumuhay ayon sa Ebanghelyo ay Nagpapala sa Aking Pamilya
Setyembre 2014


Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary

Ang Pamumuhay ayon sa Ebanghelyo ay Nagpapala sa Aking Pamilya

Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!

Ano ang ilan sa mga pagpapalang naibigay sa inyo ng Ama sa Langit? Ang ilang pagpapala ay madaling makita, tulad ng magandang daigdig na nilikha ng Ama sa Langit o isang bagong silang na kapatid na lalaki o babae sa inyong pamilya. Ngunit kung minsan ay kailangan ninyong magtuon para mapansin ang mga pagpapala ng Ama sa Langit. Sa kuwentong ito tungkol kay Nephi, tingnan kung mahahanap ninyo ang mga pagpapalang ibinigay kay Nephi at sa kanyang pamilya dahil ipinamuhay nila ang ebanghelyo. (Maaari din ninyong basahin ang kuwento sa 2 Nephi 5.)

Binalaan ng Panginoon si Nephi na dalhin ang kanyang mga tao sa ilang para hindi sila masaktan ng mga Lamanita. Si Nephi ay masunurin. Tinipon niya ang kanyang pamilya at lahat ng naniniwala sa salita ng Diyos. Naglakbay sila sa ilang nang maraming araw. Sa huli ay nagtayo sila ng tirahan at nagtrabaho. Nagtanim sila ng mga binhi, at lumago ang kanilang mga pananim. Nag-alaga sila ng maraming hayop. Nagtayo sila ng mga gusali at templo, kung saan nila masasamba ang Diyos. Tinuruan ni Nephi ang mga tao mula sa mga banal na kasulatan, at sinunod nila ang mga kautusan.

Isinulat ni Nephi na ang kanyang mga tao ay “namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27). Ibig sabihin ay nabuhay sila sa paraan na nakatulong sa kanila na maging maligaya. Kapag ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, tumatanggap tayo ng mga pagpapalang magpapaligaya sa atin.

Ang Templo ni Nephi, ni Michael T. Malm; paglalarawan ni Thomas Child