2014
Buklatin Mo ang Iyong Aklat ni Mormon
Setyembre 2014


Buklatin Mo ang Iyong Aklat ni Mormon

Eduard Mayer, Upper Austria, Austria

illustration of man reading a book

Bilang miyembro ng Vienna Austria Stake high council, dumadalo ako sa isang ward sa Vienna minsan sa isang buwan. Dahil nakatira ako 120 milya (190 km) mula sa Vienna, madalas akong sumakay ng tren para makarating doon.

Isang araw ng Linggo, pagkauwi ko mula sa pagbisita sa ward, nanlumo ako nang matuklasan kong wala ang pitaka ko. Nag-alala ako dahil hindi ko alam kung nawala ko ang pitaka ko o kung nadukot ito. Nasa pitaka ko ang kaunting pera, ang temple recommend ko, isang credit card, at iba pang mahahalagang card.

Kinabukasan nahirapan akong magtuon sa trabaho. Paulit-ulit kong tinanong ang sarili ko, “Kailan ko huling ginamit ang pitakang iyon? Naiwan ko ba iyon sa kung saan?” Tinawagan ko ang pulis, ang istasyon ng tren, at ang bishop ng ward na dinaluhan ko. Walang nakakita roon. Nagdasal din ako, at tumindi ang mga panalangin ko sa paglipas ng maghapon. Hindi ako gaanong nakatulog nang gabing iyon.

Nang magdasal ako kinaumagahan, nakadama ako ng malakas na espirituwal na pahiwatig na buklatin ang aking Aklat ni Mormon para mahanap ang sagot sa problema ko. Agad kong binale-wala ang pahiwatig na iyon dahil wala namang kinalaman ang Aklat ni Mormon sa nawawalang pitaka ko.

Naramdaman kong muli iyon: “Bakit ka nag-aalinlangan? Nauuna ang pananampalataya bago ang himala! Buklatin mo lang ang aklat. Ang unang talatang mababasa mo ang sasagot sa problema mo.”

Hindi ko pinansin ang pahiwatig dahil inisip kong imposibleng mangyari iyon. Ngunit ayaw akong tigilan ng pakiramdam na iyon kaya nagpasiya akong sundin ito. Tumayo ako, nagpunta sa mesa ko, at dinampot ko ang aking Aklat ni Mormon. Bumilis ang pintig ng puso ko sa pag-asam. Hindi ko binuklat-buklat ang mga pahina. Binuklat ko lang ang aklat at binasa ang Jacob 3:1: “Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan.” Labis akong naantig at hindi na ako nakapagbasa pa.

Isasamo ng Panginoon ang aking kapakanan! Pumasok ako sa trabaho na panatag at maginhawa ang pakiramdam. Alas-11:00 n.u. nakatanggap ako ng tawag mula sa pulis sa istasyon ng tren at ipinaalam sa akin na may nagbalik ng pitaka ko. Pagkaraan ng isang araw natanggap ko ang pitaka ko. Walang nawala.

Pinanatag ako ng Panginoon sa aking mga paghihirap. Isinamo Niya ang aking kapakanan. Sa pamamagitan ng Aklat ni Mormon sinagot ng aking Ama sa Langit ang aking panalangin sa tuwiran at personal na paraan. Mahal ko na noon pa man ang Aklat ni Mormon, at pagkatapos ng karanasang ito, lalo itong naging mahalaga sa akin.

Nang magdasal ako kinaumagahan, nakadama ako ng malakas na espirituwal na pahiwatig na buklatin ang aking Aklat ni Mormon para mahanap ang sagot sa problema ko.