Bakit Mahal Ko ang Aklat ni Mormon
Steve Rahawi, California, USA
Halos 30 taon na ang nakararaan nagpunta ako sa Utah sa unang pagkakataon. Hindi ako namuhay na tulad ng isang Kristiyano pero gusto kong magbago. Hindi ko lang talaga alam kung paano.
Noong ikalawang gabi ko sa Utah, tumigil ako sa isang hotel sa munting bayan sa katimugang Utah. Nang ibigay sa akin ng babae sa opisina ang isang susi sa silid, itinanong ko kung siya ay isang Banal sa mga Huling Araw. Magiliw siyang sumagot ng, “Opo.” Nakangiting idinagdag pa niya, “Nabasa na ba ninyo ang napakaganda naming aklat, ang Aklat ni Mormon?” Kapwa nagulat at naging interesado, sinabi ko sa kanyang hindi pa.
“May isang kopya po sa silid ninyo,” sabi pa niya. “Walang kapana-panabik sa bayang ito para sa inyo, kaya makabubuting basahin na lang ninyo ang napakagandang aklat na ito.”
Pinasalamatan ko siya at dinala ko na ang bagahe ko sa aking silid. Pagdating doon nakita ko ang isang maroon paperback na may pamagat na Aklat ni Mormon sa ibabaw ng lamesita sa tabi ng kama.
Wala sa loob na binuksan ko ang aklat sa bandang gitna at binasa ko ang ilang talata, pero hindi nakatuon ang isipan ko rito. Wala akong naunawaang anuman. Malungkot na inilapag ko ang aklat at lumabas ako ng silid, na hungkag ang damdamin. Inikot ko ang paligid sakay ng kotse hanggang sa makakita ako ng isang bar—isang madilim at pangit na lugar. Pumasok ako at agad akong nalungkot at nawalan ng pag-asa. Tumayo ako roon nang ilang minuto at saka ako tumalikod at mabilis na lumabas, na determinadong huwag nang sayangin ang isang sandali ng buhay ko saanmang bar.
Masigla akong bumalik sa aking silid sa hotel at dinampot ko ang Aklat ni Mormon. Lumuhod ako sa harap ng Panginoon, na hindi ko gaanong kilala, at sumamo sa Kanya na maawa sa akin. Hiniling kong patawarin Niya ako sa mga pagkakamali ko sa buhay at tulungan akong maunawaan ang babasahin ko sa Aklat ni Mormon, upang malaman ko kung si Joseph Smith ay tunay na propeta, at malaman kung ang Simbahang Mormon ay para sa akin.
Mapitagan kong binuklat ang aklat at binasa ang unang talatang nakita ko: “Ako ay nagpupuri sa kalinawan; ako ay nagpupuri sa katotohanan; ako ay nagpupuri sa aking Jesus, sapagkat kanyang tinubos ang aking kaluluwa mula sa impiyerno” (2 Nephi 33:6). Nag-alab ang puso ko at napaluha ako. Ang mga salitang ito ay nagbigay sa akin ng malaking liwanag ng pag-asa—ng liwanag ni Jesucristo na nag-aanyaya sa akin na lumapit sa Kanya.
Umiiyak, muli akong lumuhod at nanalangin, nagmamakaawa sa Panginoon na akayin ako. Pagkatapos ay muli kong binuklat ang aklat at sinimulang basahin ang unang kabanata ng 1 Nephi. Napuspos ako ng pagkamangha sa walang-kaparis na kapangyarihan, kadalisayan, at katotohanan ng mga salita at patotoo ni Nephi. Nagbasa ako hanggang alas-2:00 kinaumagahan, binuksan ng Panginoon ang aking pang-unawa habang nagbabasa ako.
Makalipas ang anim na buwan, nabinyagan akong miyembro ng kamangha-mangha at totoong Simbahang ito. Alam ko na tinulungan ako ng Panginoon na makita at mabasa ang Aklat ni Mormon—ang aklat na bumuo ng aking pananampalataya at patotoo kay Jesucristo.