2014
Pagdarasal nang Tulad ni Alma para sa Aking Kaibigan
Setyembre 2014


Pagdarasal nang Tulad ni Alma para sa Aking Kaibigan

Ang awtor ay naninirahan sa Federal District, Brazil.

“At ito ay dahil sa nanalangin siya nang may pananampalataya” (Alma 31:38).

composite photo of young men talking and young man praying

Ang aking matalik na kaibigan ay kasama kong nagsimba nitong nakaraang dalawang linggo. Pero nang anyayahan ko siyang muli, sinabi niyang hindi siya sasama sa akin. Gusto niyang magpakapuyat at lumabas sa araw ng Linggo kasama ang mga kaibigan para magsaya. Tinanggap ko ang sagot niya, pero ang totoo ay nalungkot ako dahil gusto ko talagang sumama siya at madama niya ang Espiritu at maturuan siya ng Diyos. Nang makauwi na ako, pumunta ako sa aking silid at nagdasal, at sinabi ko sa Ama sa Langit ang dahilan ng kalungkutan ko at hiniling na panatagin ako at patnubayan.

Pagkatapos kong magdasal, nagpunta ako sa kusina para maghugas ng mga pinggan. Itinanong ng aking ama kung sasamang muli sa akin sa simbahan ang kaibigan ko kinabukasan. Nang sabihin ko sa kanya ang sinabi ng kaibigan ko, nakita ng aking ama na nag-aalala at nalulungkot ako. Ang tanging sinabi niya ay, “Ginawa mo na ang bahagi mo. May kalayaang pumili ang mga tao. Nagpunla ka na ng binhi.” Napanatag ang puso ko sa mga salita ng pananampalataya ng aking ama.

Bilang paghahanda para sa Sunday School, binasa ko ang Alma 30–32. Sa kabanata 31, nanalangin si Alma sa Panginoon nang buong puso para sa kanyang mga kapatid na Zoramita, na tumanggi sa mga pamamaraan ng Panginoon at nagsimulang magkasala. Habang binabasa ko ang kanyang mga salita, inantig ako ng Espiritu, at nahikayat din akong manalangin.

Lumuhod ako at nag-alay ng panalangin na tulad ng kay Alma para sa aking matalik na kaibigan. Tulad ni Alma, sinabi ko sa Ama sa Langit na “ang [kanyang] kaluluwa ay [mahalaga] at [siya] ay [aking] kapatid; kaya nga, ipagkaloob ninyo sa [akin], O, Panginoon, ang kapangyarihan at karunungan, upang madala [kong] muli [siya], na [aking] kapatid sa inyo” (Alma 31:35).

Kinabukasan naghanda ako para magsimba, batid na hindi sasama sa akin ang kaibigan ko. Gayon pa man, payapa ang puso ko dahil, tulad ni Alma, nagdasal ako nang may pananampalataya. Nang papunta na ako sa simbahan, tumawag ang aking kaibigan. Itinanong niya kung nakaalis na ako ng bahay at kung puwedeng sunduin ko siya sa kanila. Nagkaroon kami ng magandang pulong nang Linggong iyon, at alam ko na pinatotohanan ng Espiritu ang katotohanan sa kanya.

Alam ko na hindi lang kaibigan ko ang pinagpala sa araw na iyon dahil sa Aklat ni Mormon at sa panalangin na may pananampalataya. Ang sarili kong patotoo tungkol sa Panginoon at sa aklat na ito ay tumibay pa, at ang patotoong iyan ang naghikayat sa akin na magmisyon at nagbigay-daan sa akin na saksihan ang katotohanan. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay naglalapit sa atin sa Diyos, na itinuturo nito sa atin na lumapit kay Cristo, at na ililigtas Niya ang ating kaluluwa.