2014
Alam Ko na ang Kailangan Kong Gawin
Setyembre 2014


Alam Ko na ang Kailangan Kong Gawin

Ang awtor ay naninirahan sa Central Region, Uganda.

Kung hindi ko itatatwa ang Simbahan, kailangan akong umalis sa aking paaralan.

drawings of signs pointing in different directions

Paglalarawan ni David Habben

Nag-aaral ako sa isang paaralang pinangangasiwaan ng isa sa mga simbahan sa aking bansa. Kamakailan pinili ako ng mga kaklase ko na maging class counselor. Isang araw habang nagpaplano ako ng ituturo, nabasa ko ang buklet ng Simbahan tungkol sa batas ng kalinisang-puri. Ipinasiya kong magturo sa mga kaklase ko tungkol sa kalinisang-puri at humingi ako sa mga full-time missionary ng mga buklet, na ipinamigay ko sa oras ng klase.

Pagkatapos kong magturo, maraming estudyante ang gusto pang malaman ang tungkol sa Simbahan, kaya tinuruan ko sila at binigyan ng iba pang mga materyal ng Simbahan, kasama na ang Aklat ni Mormon. Hindi ko alam na hindi pala ito inaprubahan ng punong-guro.

Isang araw ipinatawag niya ako sa kanyang opisina at itinanong kung ano ang relihiyon ko. Nang sabihin ko sa kanya, itinanong niya kung bakit ako namimigay ng “Biblia” ng Simbahan sa mga estudyante. Sinabi ko sa kanya na binigyan ko lang ang mga nanghingi nito.

Matapos ang mahabang pag-uusap tungkol sa Simbahan, na nilinaw niya na naniniwala siyang hindi ito ang Simbahan ng Diyos, sinabi niya sa akin, “Alam kong wala ka nang mga magulang, ngunit ikinalulungkot ko—kailangan kang umalis sa paaralan ko dahil marami sa magagaling na estudyante ko ang makukumbinsi mo na sumapi sa simbahan ninyo.” Sinabi niya sa akin na pumili ako: ang Simbahan o ang pag-aaral ko.

Tumawag siya ng pulong at sinabi sa buong paaralan na hindi na ako mag-aaral sa paaralan dahil miyembro ako ng Simbahang Mormon at ang sinumang estudyanteng sumusunod sa akin ay kailangan ding umalis.

Pagkatapos ng pulong, itinanong niya kung ano ang pinili ko: simbahan ko o pag-aaral ko. Nadama ko ang Espiritu na nagsasabi sa akin na panindigan ko ang alam ko: na ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang totoong Simbahan. Nagpatotoo ako sa kanya noong paalis na ako. Sinabi niya sa akin na bumalik sa susunod na linggo para kunin ang isang liham na nagpapatunay na hindi na ako nag-aaral sa paaralang iyon.

Pagdating ko nang sumunod na linggo, nagbago ang isip niya! Hindi na niya ako pinapaalis sa paaralan. Napakasaya ko, dahil pinanindigan ko ang alam kong totoo.

Ang karanasang ito ay nagturo sa akin na laging panindigan ang alam nating totoo. Ang Panginoon ay laging nariyan para sa atin. Kung itinatwa ko ang Simbahan, tiyak na sasabihin ng mga estudyante na hindi totoo ang itinuro ko sa kanila, pero ngayon ay alam na nila na alam ko ang katotohanan.