Mensahe ng Unang Panguluhan
Handa Ba Tayo?
Malapit sa dati kong tinirhan at pinaglingkuran, nagpatakbo ang Simbahan ng isang manukan, na ang mga tauhan ay mga boluntaryo mula sa lokal na mga ward. Kadalasan ay mahusay ang patakbo sa manukan, at nagsusuplay sa bishops’ storehouse ng libu-libong sariwang itlog at daan-daang librang dressed chicken. Gayunman, may mga pagkakataon na hindi lang kinalyo ang mga kamay ng mga boluntaryo at baguhang magsasaka kundi nakadama rin sila ng pagkadismaya.
Halimbawa, lagi kong maaalala ang panahon na tinipon namin ang mga kabataang Aaronic Priesthood para linisin ang manukan sa panahon ng tagsibol. Nagtipon sa manukan ang masaya at masigla naming grupo at mabilis nilang binunot, tinipon, at sinunog ang malaking bunton ng mga damong ligaw at kalat. Sa liwanag ng nagbabagang mga siga, kumain kami ng mga hotdog at binati namin ang aming sarili sa maayos naming trabaho.
Gayunman, may isang problema lang na nakasira. Nabulabog ng ingay at apoy ang maseselan at nerbiyosong 5,000 paitluging manok kaya karamihan dito ay biglang nalagasan ng balahibo at hindi na nangitlog. Mula noon hinayaan na naming tumubo ang kaunting damong ligaw para dumami ang mga itlog.
Walang miyembro ng Simbahan na tumulong sa paglalaan sa mga nangangailangan ang nakakalimot o nagsisisi sa karanasang iyon. Ang kasipagan, katipiran, pag-asa sa sarili, at pagbabahagi sa iba ay hindi na bago sa atin.
Dapat nating tandaan na ang pinakamagandang sistema ng pag-iimbak ay ang pagkakaroon ng bawat pamilya sa Simbahan ng suplay ng pagkain, damit, at iba pang mga pangangailangan sa buhay, kung maaari.
Mangyari pa, may mga pagkakataon na kailangan ng ating mga miyembro ang tulong ng Simbahan. Kabilang sa storehouse ng Panginoon ang panahon, mga talento, mga kasanayan, habag, inilaang materyal, at pananalapi ng matatapat na miyembro ng Simbahan. Ang mga mapagkukunang ito ay magagamit ng bishop sa pagtulong sa mga nangangailangan.
Hinihimok namin ang lahat ng Banal sa mga Huling Araw na maging maingat sa kanilang pagpaplano, maging masinop sa kanilang pamumuhay, at iwasan ang sobra-sobra o di-kailangang pangungutang. Makakayanan ng mas maraming tao ang kahirapan ng buhay kung mayroon silang imbak na pagkain at kasuotan at wala silang utang. Ngayon nakikita natin na kabaligtaran nito ang sinusunod ng marami: marami silang utang at walang makain.
Inuulit ko ang ipinahayag ng Unang Panguluhan ilang taon na ang nakararaan:
“Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay pinayuhan na sa loob ng maraming taon na paghandaan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagtatabi ng kaunting halaga. Hindi masusukat ang karagdagang seguridad at kapanatagan ng loob na dulot nito. Responsibilidad ng bawat pamilya na maglaan, hanggang sa abot ng kanilang makakaya, para sa sarili nilang mga pangangailangan.
“Hinihikayat namin kayo saanmang sulok kayo ng mundo nakatira na paghandaan ang kahirapan sa pamamagitan ng pagsasaayos ng inyong kabuhayan. Hinihimok naming maging matipid kayo sa inyong paggastos; disiplinahin ang sarili sa pamimili upang maiwasan ang pag-utang. Agad na magbayad ng inyong utang, [at] palayain ang sarili sa pagkaaliping ito. Regular na magtabi ng maliit na halaga upang unti-unting makapagtabi ng reserbang pondo.”1
Handa ba tayo para sa mga biglaang pangangailangan sa ating buhay? Napahusay na ba natin nang husto ang ating mga kasanayan? Masinop ba ang ating pamumuhay? May reserba ba tayong suplay na magagamit? Masunurin ba tayo sa mga utos ng Diyos? Sumusunod ba tayo sa mga turo ng mga propeta? Handa ba tayong ipamahagi ang ating kabuhayan sa mga maralita, sa mga nangangailangan? Tapat ba tayo sa Panginoon?
Nabubuhay tayo sa magulong panahon. Madalas ay hindi natin alam ang mangyayari sa hinaharap; dahil dito, kailangan nating maghanda para sa mga panahon ng kawalang-katiyakan. Pagdating ng panahon ng pagpapasiya, wala nang panahon para makapaghanda.