Sampung Sekreto ng Tunay na Popularidad
Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.
Saan ko makikita ang sekreto sa pagiging popular? Sa Bagong Tipan?
“Tayo ang pinakamagaling!” sigaw ng cheerleader sa isang high school football game. Humanga ako sa kanyang pantay-pantay na mga ngipin at magandang ngiti. Minasdan ko ang kanyang pagtawa at pakikipag-usap sa mga babae at pakikipagbiruan sa mga lalaki.
“Siguro ang saya-saya niya,” naisip ko, habang iniisip ang sarili kong kalungkutan. Dahil sa trabaho ng aking ama kinailangan naming lumipat tuwing ikatlo hanggang ikalimang taon, kaya mahirap para sa amin ng kapatid ko na magkaroon ng matagalang pakikipagkaibigan.
Ang cheerleader ay kilalang mahalay manamit at mahilig pumunta sa mga party na may inuman. Habang minamasdan ko siya, nagsimula akong asamin ang popularidad na inakala kong angkin niya. Gustung-gusto kong magkaroon ng mga kaibigan kaya sa maikling sandali ay naisip ko kung dapat ko bang ibaba ang aking mga pamantayan para maging katulad niya.
Habang pauwi kaming magkapatid, awang-awa ako sa sarili ko, at tahimik akong nagdasal sa Ama sa Langit. Hiniling ko sa Kanya na ipaalam sa akin ang sekretong papawi ng lungkot at kawalan ko ng tiwala sa sarili. Bagama’t hindi pa ako miyembro ng Simbahan sa panahong ito, malakas na ang pananampalataya ko sa Diyos.
Agad pumasok sa isipan ko ang ideyang ito, “Tigilan mo na ang pag-iisip tungkol sa sarili mo.”
“Iyan ba ang sekreto?” malungkot kong naisip. “Paano ako matutulungan niyan na maging popular?”
Kalaunan nang linggong iyon, nabasa ko ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa I Mga Taga Corinto 13. Nakatulong ito para maunawaan ko na sinisikap ng Ama sa Langit na turuan akong magkaroon ng pag-ibig sa kapwa-tao sa halip na magtuon sa pagtrato nila sa akin. Kinuha ko ang mga katangian ng pag-ibig sa kapwa-tao na nakalista roon at isinagawa ang mga ito. Nang gawin ko ito, nakita kong nagbago ang mga karanasan ko sa paaralan. Narito ang ilan sa mahahalagang bagay na natutuhan ko.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Mapagpahinuhod
Sinikap kong maging mas mapagpasensya sa mga tao sa paaralan. Tinukso ako ng isang batang lalaki sa gym class, pero sinikap kong gantihan ng kabaitan at mga ngiti ang kanyang masamang biro. Kalaunan ay tumigil na siya sa panunukso sa akin. Sa katapusan ng taon, naging mabuti kaming magkaibigan.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Magandang-loob
Noon pa man ay hinahangaan ko na ang isang batang babae sa klase ko na mabait sa lahat, popular man sila o hindi. Sinimulan kong tularan ang kanyang halimbawa at humanap ako ng mga pagkakataong magpakita ng kabaitan sa iba.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Hindi Nananaghili
Kinainggitan namin ng kapatid kong babae ang mga talento ng isang basketball player sa aming paaralan, at dati-rati ay nagsasabi kami ng hindi maganda tungkol sa kanya. Nagpasiya ako na sa halip na mainggit ay matuwa ako sa kanyang mga tagumpay. Sinimulan ko ring paghusayin ang sarili kong mga talento. Nang gawin ko ang mga bagay na ito, hindi na ako nainggit, at naging mas masaya ako.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Hindi Mapagpalalo
Paminsan-minsan ay naisip ko na mas mabuti ako kaysa ilang tao dahil ipinamuhay ko ang mas mataas na mga pamantayan ng kagandahang-asal. Nang maisip ko ang Tagapagligtas, na nagpakumbaba at minahal ang lahat ng tao, nagpasiya akong baguhin ang ugali ko. Nang sikapin kong magpakumbaba at magpakabait, ginusto ng mga tao na kaibiganin ako.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Hindi Nag-uugaling Mahalay
Mahal ko ang Panginoon at mataas ang mga pamantayan ko noon. Alam ko na malulungkot ako kapag hindi ko napanindigan ang mga pamantayang ito.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Hindi Nayayamot
Minsan, may sinabi ang isang guro na nakasakit ng damdamin ko. Sa halip na gumanti, tinanong ko siya kung may problema siya sa araw na iyon. Inamin niya na may problema nga siya at pagkatapos ay humingi ng paumanhin. Nasabi niya ang mga bagay na iyon dahil sa personal niyang mga problema at wala iyong kinalaman sa akin.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Nagagalak sa Katotohanan
Ang isang bagay na itinuro sa akin ng mga kaibigan kong Banal sa mga Huling Araw ay na masama ang magtsismis at magkalat ng kasinungalingan. Sinikap kong umiwas sa tsismis at baguhin ang paksa kapag may nagsimulang magsabi ng masama.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Pinaniniwalaan ang Lahat, Inaasahan ang Lahat
Sinimulan kong tingnan ang mabuti sa mga tao at maging maganda ang pananaw. Nang baguhin ko ang ugaling ito, naging masaya ang mga taong nakakasama ko. Dahil dito gusto nila akong makasama nang mas madalas.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao ay Tinitiis ang Lahat
Nang magkasakit nang malubha ang kapatid ko at hindi na siya makalakad nang normal, iniwasan siya ng marami sa mga kaibigan niya dahil nakakatawa siyang maglakad. Nakita kong nalungkot siya, at natanto ko ang kahalagahan ng pagiging tapat sa mga tao sa panahon ng mga pagsubok.
Ang Pag-ibig sa Kapwa-tao Kailanman ay Hindi Nagkukulang
Nang magpadama ako ng pagmamahal sa aking kapwa-tao, nagkaroon ako ng maraming tunay at nagtatagal na kaibigan. Napawi ang aking kalungkutan, at natanto ko na walang halaga ang popularidad kumpara sa tunay na yaman ng pagkakaibigan at paggalang na nagmumula sa pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo.
Nagpapasalamat ako sa Ama sa Langit na nag-ukol ng panahon na ituro sa isang sophomore sa high school ang sekreto ng pagkakaroon ng matagalang mga pagkakaibigan.