2014
Pagpapagaling ng Tagong mga Sugat
Setyembre 2014


Pagpapagaling ng Tagong mga Sugat

Halos lahat ng tinedyer sa ngayon ay malalantad sa pornograpiya bago sila mag-18 anyos. Mga magulang, narito ang ilang hakbang na gagawin.

Composite of 5 individual youth looking serious or hurt.

Sa matinding digmaan sa lungsod ng Cumeni, ikinuwento ni Helaman ang tungkol sa kanyang 2,060 kabataang mandirigma na “lumaban nang buong bagsik” sa kanilang mga kaaway (Alma 57:19). Bagama’t “wala ni isa mang katao sa kanila ang nasawi” sa digmaang iyon, “wala ni isang katao sa kanila ang [hindi] nakatanggap ng maraming sugat” (Alma 57:25). Marami sa mga kabataang kawal na ito ang nasugatan nang matindi kaya nawalan sila ng malay dahil sa pagkawala ng maraming dugo.

Ang mga kabataang mandirigmang ito ay lumaban sa digmaan na hindi kayang labanan ng mga magulang nila para sa kanila, at nakipaglaban sila dahil sinalakay ang kanilang bayan. Isa ring ganitong mapaminsalang digmaan ang nararanasan ng mga tinedyer sa ngayon, sa gayon ding mga kadahilanan. Tulad ng mga tao ni Ammon na hindi maaaring makidigma para sa kanilang mga anak, ang mga magulang sa ating panahon ngayon ay hindi rin maaaring makidigma sa espirituwal na digmaan para sa kanilang mga anak. Ngunit maaari nilang pag-aralang kilalanin ang mga espirituwal na sugat na dulot ng digmaang ito at bigyan ang kanilang mga anak ng sandata ng kaalaman at mga sangguniang kakailanganin nila para makaligtas.

Harapin Natin ang Katotohanan

Ipinapakita sa ilang pag-aaral na halos isandaang porsiyento ng mga tinedyer sa ngayon ang malalantad sa pornograpiya bago sila makatapos ng high school, at karamihan sa mga pagkalantad na iyon ay nangyayari sa Internet habang gumagawa ng homework ang bata.1 Hanggang noong 2008, tinatayang 9 sa 10 mga kabataang lalaki at halos sangkatlo ng mga kabataang babae ang iniulat na nalalantad sa pornograpiya.2 Ang karaniwang edad ng pagkalantad at adiksyon ay pareho rin: 11 taong gulang. Umaasa kami na bababa ang mga bilang na ito sa tulong ng impluwensya ng ebanghelyo, ngunit ipinapakita sa pagsasaliksik na ang mga Banal sa mga Huling Araw “ay hindi naiiba pagdating sa dami o tindi ng seksuwal na adiksyon.”3 Ang malungkot, ang tanong ay tila hindi na kung malalantad ba ang ating mga anak sa pornograpiya kundi kailan—at paano nila haharapin ito. Tunay ngang maaasahan natin na marami sa ating mga kabataan ang masusugatan sa digmaang ito. Ngunit hindi iyan nangangahulugan na sila ay masasawi.

Sa pagsisikap na protektahan ang kanilang mga anak, maaaring lubhang mag-alala ang mga magulang tungkol sa mga dapat at hindi dapat gawin sa paggamit ng Internet sa tahanan. Si Mark Butler, propesor ng family life sa Brigham Young University, ay kinikilala ang kahalagahan ng pagprotekta sa ating mga tahanan at pamilya at idinagdag pa na ang mga “solusyong ito sa teknolohiya ay simula pa lamang ng kasagutan. Ang pinakamahalagang pananggalang ay yaong inilagay natin sa ating puso, at ang espirituwal na pananggalang na ito ay nabubuo at natatamo sa tahanan.”4 Bagama’t ang mga Internet block at patakaran ng pamilya sa paggamit ng computer ay mahalaga at nakakatulong, ang pagkalulong sa pornograpiya ay madalas mangyari sa labas ng tahanan at mga pampublikong aklatan, sa tahanan ng mga kaibigan, o WiFi hotspots, kung saan walang ganito karaming sagabal sa Internet.

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga reaksyon ay nakatuon sa paglikha ng mas marami at matibay na regulasyon. Marahil maaakit nito ang ilan na hindi gumawa ng di-magandang pag-uugali, ngunit ang iba ay magiging mas malikhain na lang sa kanilang pag-iwas. Kahit kailan ay hindi magkakaroon ng sapat na mga patakaran na napakaganda ng pagkalikha para mapigilan at malunasan ang bawat sitwasyon. … Sa huli, isang gabay ng moralidad sa puso ng bawat tao ang epektibong makadaraig sa mga dahilan at sintomas ng pagkabulok ng lipunan.”5 Sa huli, ang pinakamatibay na depensang maituturo ninyo sa inyong mga kabataan ay ang hangaring magkaroon ng matwid na pamumuhay.

Mga Palatandaan ng Adiksyon

Hindi natin maaaring abusuhin ang ating pisikal na katawan nang hindi rin napipinsala ang ating espiritu, at ang gayong uri ng pinsala ay laging nag-iiwan ng mga espirituwal na pilat.

Ang mapagmasid na mga magulang ay mahihiwatigan ang pagkalulong sa pornograpiya sa pag-oobserba sa sumusunod na mga palatandaan. Paalala: ang mga palatandaang ito ay maaaring hindi magpahiwatig ng pagkalulong sa pornograpiya. Kung ang tinedyer ninyo ay nagpapakita ng ilan sa mga pag-uugaling ito, nagpapahiwatig ito ng mas malalim na problema na maaaring kabilangan ng pagkalulong sa droga, pornograpiya, pananakot, o iba pang bagay. Anuman ang dahilan, magagamit ninyo ang mga palatandaang ito para malaman ninyo na dapat kayong magsimula ng magiliw at bukas na pakikipag-usap sa inyong mga anak.

A mother and teenage daughter sitting and talking at a kitchen table in Paraguay.

Bumabang Pagpapahalaga sa Sarili

Ang mga kabataang may problema sa pornograpiya ay kadalasang dumaranas ng matinding kahihiyan na nagpapababa ng pagpapahalaga nila sa sarili. Kabilang sa ilan sa mga palatandaan ng kawalan ng pagpapahalaga sa sarili ang pagbaba ng mga marka sa paaralan, kawalan ng gana sa mga aktibidad, at kawalan ng pakialam sa kalusugan o hindi pagtulog sa tamang oras.

Hindi Pakikisalamuha

Ang adiksyon sa pornograpiya ay lihim na ginagawa, at mapapansin ninyong humihiwalay ang inyong tinedyer sa oras ng pamilya at mga aktibidad. Ito ang pinaka-karaniwang palatandaan ng problema sa pornograpiya. Ang mga tinedyer na gumugugol ng napakahabang oras sa kanilang silid na nakakandado ang pintuan at inihihiwalay ang kanilang sarili sa iba ay maaaring hindi lamang nahihiya. Kahit kasama sila sa mga pagtitipon, ang mga tinedyer na ito ay kadalasang nahihirapang makisalamuha sa iba. Ang kagustuhang mapag-isa ay mas nakikita habang tumitindi ang adiksyon, at madalas magalit ang mga tinedyer kapag pinakikialaman sila. Ang mga may problema sa pornograpiya ay nagkakaroon ng mga maling pananaw tungkol sa sarili nilang kahalagahan at sa kabanalan ng iba, at lumalayo sila sa mga tao na inaakala nilang mas banal dahil nadarama nila na sila ay hindi karapat-dapat, nahihiya, at mapagpaimbabaw.

Depresyon

Ang depresyon ay maaaring sintomas ng adiksyon at maaari ding humantong sa adiksyon. Ang patuloy na pagpapahayag ng kawalan ng pag-asa, negatibong pag-uugali, at pag-amin ng panlulumo ay maaaring pawang palatandaan ng depresyon. Ang mga tinedyer na nagbibiro tungkol sa pagpapakamatay ay nagpapakita ng depresyon. Kabilang sa iba pang mga palatandaan ng depresyon ang mas marami o mas kaunting kumain kaysa karaniwan, hindi makatulog o sobrang matulog, at panghihina ng katawan—talagang anumang bagay na maituturing na kakaibang kilos.

Kabilang sa iba pang mga palatandaan ng pagkalulong sa pornograpiya ang mas matinding galit, kasinungalingan, kayabangan, at pagkabalisa o pagkainip sa espirituwal na mga kapaligiran.

Hindi natin maililista ang lahat ng palatandaan ng pagkalulong sa pornograpiya. Ang mga magulang ang higit na makapagsasabi kung lubos na protektado ang kanilang mga tinedyer laban sa pornograpiya o hindi kapag kinausap nila nang tapatan ang mga ito tungkol sa seksuwalidad at sa kanilang emosyonal at espirituwal na kalusugan.

Lulong ang Anak Ko. Ano Ngayon ang Gagawin Ko?

Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Anuman ang adiksyong [nakabitag] sa isang tao, laging may pag-asa” dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.6

Ang ugat nito, “lahat ng adiksyon ay mga maling pamamaraan ng pagharap sa mga problema sa buhay,” sabi ni Propesor Butler. Ang mga anak na hindi pa natututong tumanggap ng kasalanan, kahihiyan, kalungkutan, o sakit ay madalas na babaling sa nakalululong na mga gawain para maging manhid sa nadarama nilang hindi maganda. Kahit ang di-gaanong mabibigat na problema tulad ng kagipitan, pagkainip, o kalungkutan ay maaaring humantong sa pagkalulong kung hindi nauunawaan ng anak kung paano ito haharapin.

Healing Hidden Wounds

Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na makaisip ng magagandang estratehiya sa pagharap sa mga problema sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa. Ang sumusunod na mga tanong ay maaaring makatulong sa inyo na suriin ang sarili ninyong mga estratehiya sa pagharap sa mga problema: Kapag kayo ay nagigipit, pagod, o nawawalan ng pag-asa, inihihiwalay ba ninyo ang inyong sarili? Umaasa ba kayo sa paglilibang para takasan ang inyong mga problema sa halip na harapin ang mga ito? Ipinapakita ba ninyo na ang pinakamabuting paraan para malutas ang mga problema ay ang manalig sa Ama sa Langit, sa Tagapagligtas, at sa inyong mga ugnayan sa iba?

Dapat matutuhan ng mga anak na makilala ang mga palatandaan ng mga espirituwal na sugat tulad ng dalamhati, kasalanan, at pasakit nang sa gayon ay matuto sila mula sa pasakit na ito. Ang sakit ng kalooban ay hindi masama. Inilarawan ng nakababatang Alma ang mga pasakit ng kanyang mga kasalanan na walang “kasinghapdi” at “kasingpait” (Alma 36:21); si Pedro ay “nanangis ng kapaitpaitan” matapos niyang itatwa ang Tagapagligtas (Lucas 22:62); at si Zisrom ay nagdusa “dahil sa kasamaan niya” (Alma 15:3). Matutulungan ninyo ang inyong mga anak na matutong unawain na ang pasakit ay hindi isang kasuklam-suklam na damdaming dapat iwasan kundi isang tagapagturo na maaaring humantong sa kahanga-hangang pag-unlad. Ginamit nina Alma, Pedro, at Zisrom ang mga pasakit ng kanilang mga kasalanan para mahikayat silang magsisi, at sila ay naging matatapat na sugo ng ebanghelyo. Ang inyong halimbawa at patnubay ay makakatulong sa inyong mga anak na matutong pahalagahan ang pagsisisi kaysa adiksyon.

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “May mahalagang kaibhan sa pagitan ng kalungkutan dahil sa kasalanan na humahantong sa pagsisisi at ng kalungkutang humahantong sa kawalan ng pag-asa.

“Itinuro ni Apostol Pablo na ang ‘kalumbayang mula sa Dios ay gumagawa ng pagsisisi sa ikaliligtas … datapuwa’t ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay [na]kamamatay’ [II Mga Taga Corinto 7:10; idinagdag ang pagbibigay-diin]. Ang kalumbayang mula sa Diyos ay naghihikayat ng pagbabago at pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang kalumbayang ayon sa sanglibutan ay hinahatak tayo pababa, pinapawi ang pag-asa, at inuudyukan tayong magpatangay pa sa tukso. …

“Ang tunay na pagsisisi ay tungkol sa pagbabago, hindi paghihirap o pagdurusa. Oo, ang taos-pusong dalamhati at taos na pagsisisi dahil sa pagsuway ay kadalasang masakit at napakahalagang mga hakbang sa sagradong proseso ng pagsisisi. Ngunit kapag ang pagkabagabag ay humantong sa pagkasuklam sa sarili o pinigilan tayong bumangong muli, humahadlang ito sa halip na maghikayat sa atin na magsisi.”7

Makakayanan ng inyong mga anak ang kanilang mga espirituwal na sugat kapag hinangad at inasam nila ang matwid na pamumuhay. Ang pananaw na ito ay mabubuo sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at taos-pusong pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw.8 Pinayuhan ni Propesor Butler ang mga magulang: “Sa bisa ng inyong mga halimbawa, lumikha ng nakahihikayat na pananaw ng kagalakan, kapayapaan, at kaligayahan ng isang matwid na pamumuhay. Mahaba ang lalakbayin sa paghahangad ng matwid na pamumuhay, ngunit paghahangad ang unang hakbang.” Maaaring matagal pa bago tumindi ang hangaring magpakabanal. “Ang likas na tao ay hindi madaling iwaksi at kadalasan ay matagal itong maalis,” sabi ni Propesor Butler. At bagama’t hindi inaalis ng salitang adiksyon ang pananagutan sa mga pagpili, ibig sabihin ay madalas na kinakailangan ang tiyaga at patuloy na pagtulong (tulad ng addiction recovery program ng Simbahan) sa mas nakakapinsalang gawi para mapaglabanan ito.

Cropped version of Christ talking to a rich young man. Christ has His arms extended as He gestures toward a poorly dressed man and woman. The painting depicts the event wherein Christ was approached by a young man who inquired of Christ what he should do to gain eternal life. Christ instructed him to obey the commandments and to give his wealth to the poor and follow Him. The young man was unable to part with his wealth and went away sorrowfully. (Matthew 19:16-26) (Mark 10:17-27) (Luke 18:18-27)

Pag-asa sa Hinaharap

Gaya ng mga mandirigma ni Helaman, ang ating mga kabataan ay madalas magpakita ng “labis na katapangan” kapag naharap sa kasamaan (Alma 56:45). Tulad ng mga mandirigmang iyon sa Aklat ni Mormon na nanalig sa pananampalataya ng kanilang mga magulang, kailangan din nating ipahayag ang ating patotoo at katapatan sa ebanghelyo upang masabi ng ating mga kabataan na, “Hindi kami nag-aalinlangan, nalalaman ito ng aming mga ina [at mga ama]” (Alma 56:48). Nangako ang Panginoon, “Ako ang makikipaglaban sa inyong mga digmaan” (D at T 105:14). Kapag nanampalataya ang ating mga kabataan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, sila ay magiging “malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20).

Mga Tala

  1. Tingnan sa John L. Hart, “In Your Family? Undetected, Pornography Invades Homes, Ruins Lives,” Church News, Mar. 3, 2007; ldschurchnews.com.

  2. Tingnan sa Jason S. Carroll at iba pa, “Generation XXX: Pornography Acceptance and Use among Emerging Adults,” Journal of Adolescent Research, 23, blg. 1 (2008): 6–30.

  3. John L. Hart at Sarah Jane Weaver, “Defending the Home against Pornography,” Church News, Abr. 21, 2007, ldschurchnews.com.

  4. Mark Butler, mula sa isang interbyu sa awtor, Ago. 2, 2013; tingnan din sa Mark H. Butler, Spiritual Exodus: A Latter-day Saint Guide to Recovery from Behavioral Addiction; Boyd K. Packer, “The Shield of Faith,” Ensign, Mayo 1995, 7.

  5. D. Todd Christofferson, “Disiplinang Moral,” Liahona, Nob. 2009, 106.

  6. M. Russell Ballard, “O Yaong Tusong Plano Niyang Masama,” Liahona, Nob. 2010, 110.

  7. Dieter F. Uchtdorf, “Magagawa Na Ninyo Iyan Ngayon!” Liahona, Nob. 2013, 56.

  8. Tingnan sa M. Russell Ballard, “O Yaong Tusong Plano Niyang Masama,” 110.

  9. Bruce Carpenter, mula sa isang interbyu ng may-akda, Set. 12, 2013.

Ang mga patakaran ng pamilya sa paggamit ng computer ay mahalaga, ngunit huwag tayong masyadong mag-alala sa mga dapat at hindi dapat gawin sa paggamit ng Internet.

Kailangan nating ipabatid ang ating patotoo at katapatan sa ebanghelyo sa ating mga kabataan.

Kapag nanampalataya ang ating mga kabataan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, gagaling ang kanilang mga espirituwal na sugat.

Paglalarawan ng diawka/iStock/Thinkstock

Detalye mula sa Si Cristo at ang Mayamang Binatang Pinuno, ni Heinrich Hofmann, sa kagandahang-loob ng C. Harrison Conroy Co.