Kalalakihan at Kababaihan at Kapangyarihan ng Priesthood
Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Agosto 20, 2013. Para sa buong teksto sa Ingles, magpunta sa speeches.byu.edu.
Huwag nating kalimutan kailanman na tayo ay mga anak ng Diyos, pantay-pantay sa Kanyang paningin na may magkakaibang responsibilidad at kakayahang iniatas Niya at binigyan ng karapatan sa kapangyarihan ng Kanyang priesthood.
Ang lolo kong si Elder Melvin J. Ballard (1873–1939), isang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol, ay naospital dahil sa malubhang sakit na leukemia noong 1939. Ikinuwento sa akin ng tatay ko, na nakaupo sa tabi ng kama ni Lolo, na si Lolo ay bumangong mag-isa sa kama, inilibot ang kanyang tingin sa paligid ng kanyang silid sa ospital na para bang nagsasalita siya sa isang kongregasyon, at malinaw na sinabi, “At higit sa lahat, mga kapatid, mag-isip tayo nang wasto.”
Sa aking sinabi, mangyaring isaisip at isipin nang wasto ang mga pangunahing doktrina ni Cristo na kinabibilangan ng pagmamahal ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak na babae, na natatangi at mahalaga sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Naniniwala ako na may ilang katotohanang kailangang maunawaan ng kapwa kalalakihan at kababaihan tungkol sa napakahalagang tungkulin ng kababaihan sa pagpapalakas at pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mundo.
Tayo ay mga minamahal na espiritung anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit. Nabuhay tayong kasama Niya sa premortal na daigdig. Upang maisagawa ang misyon na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39), gumawa ng plano ang Ama sa Langit para tulungan ang Kanyang mga anak na makamit ang kanilang pinakadakilang potensyal.
May ilang tao na nag-aalinlangan sa lugar ng kababaihan sa plano ng Diyos at sa Simbahan. Nainterbyu na ako ng maraming taga-media sa loob at labas ng bansa at masasabi ko sa inyo na karamihan sa mga mamamahayag na nakausap ko ay may haka-haka na tungkol sa paksang ito. Marami ang nagtatanong na nagpapahiwatig na itinuturing natin na walang gaanong karapatan ang kababaihan sa Simbahan. Napakalayo nito sa katotohanan.
Magmumungkahi ako ng limang mahahalagang puntong pagninilayan at iisipin nang wasto tungkol sa mahalagang paksang ito.
1. Hangad ng Ama at ng Anak ang ating kadakilaan.
Nilikha ng ating Ama sa Langit ang kababaihan at kalalakihan, na Kanyang mga espiritung anak. Ibig sabihin nito ang kasarian ay walang hanggan. Gumawa Siya ng plano na tutulong sa lahat ng magpapasiyang sumunod sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na matamo ang kanilang tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.
Ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak ay perpekto. Alam at nauunawaan Nila ang lahat ng bagay. Bukod pa riyan, ang Kanilang pag-asa para sa atin ay perpekto. Ang Kanilang gawain at Kanilang kaluwalhatian ay ang makita na nakamtan ng Kanilang mga anak ang kadakilaan.
Kung ang kadakilaan natin ang Kanilang pinakamahalagang mithiin at layunin, at kung batid Nila ang lahat ng bagay at Sila ay sakdal, kung gayo’y alam Nila kung paano tayo pinakamainam na maihahanda, matuturuan, at mapamumunuan upang magkaroon tayo ng pinakamalaking pagkakataon na maging marapat sa kadakilaan. Alam ng ating Ama sa Langit ang lahat, nakikita Niya ang mangyayari sa lahat, at nauunawaan Niya ang lahat. Ang Kanyang pag-unawa, Kanyang karunungan, at Kanyang pagmamahal sa atin ay perpekto. Tiyak na kailangan tayong sumang-ayon na alam ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak kung aling mga oportunidad ang kailangan ng mga anak na lalaki at babae ng Diyos upang higit na maihanda ang mag-anak ng tao para sa buhay na walang hanggan.
Bawat isa sa atin ay may pribilehiyong piliin kung maniniwala tayo na ang Diyos ang ating Ama, na si Jesus ang Cristo, at na Sila ay may plano para tulungan tayong makabalik sa Kanila. Ito, mangyari pa, ay nangangailangan ng pananampalataya. Ang ating mga patotoo, ang kapanatagan ng ating isipan, at mabuting kapakanan ay nagsisimula sa kahandaang maniwala na ang ating Ama sa Langit ang nakaaalam kung ano ang pinakamainam.
2. Ang Simbahan ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Simbahan ng Panginoon, at ang Kanyang Simbahan ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at mga susi ng priesthood. “Ang mga susi ng Priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamunuan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo. Ang paggamit ng awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan ng mga mayhawak ng susi nito (tingnan sa D at T 65:2; 81:2; 124:123) … [at] may karapatang mangulo at mangasiwa sa Simbahan sa loob ng kanilang nasasakupan.”1
Ang may mga susi ng priesthood ay ginagawang posible para sa lahat ng naglilingkod o nagsisilbi nang tapat sa ilalim ng kanilang pamamahala na gamitin ang awtoridad ng priesthood at magkaroon ng kapangyarihan ng priesthood. Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay naglilingkod sa Simbahan sa ilalim ng pamamahala ng mga taong mayhawak ng mga susi.2
Uulitin ko ang sinabi ko sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013: “Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para bumuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. … Sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood.”3
Bakit ang kalalakihan—at hindi ang kababaihan—ang inorden sa mga katungkulan sa priesthood? Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na “ang Panginoon,” at hindi ang tao, “ang nagtalaga na ang kalalakihan sa Kanyang Simbahan ang dapat magkaroon ng priesthood” at nagkaloob sa kababaihan ng “kakayahang kumumpleto sa napakaganda at kagila-gilalas na organisasyong ito, na walang iba kundi ang Simbahan at kaharian ng Diyos.”4 Hindi inihayag ng Panginoon kung bakit Niya itinatag ang Kanyang Simbahan ayon sa paraang ginawa Niya.
Ang bagay na ito, tulad ng marami pang iba, ay may kinalaman sa ating pananampalataya. Naniniwala ba tayo na ito ang Simbahan ng Panginoon? Naniniwala ba tayo na inorganisa Niya ito alinsunod sa Kanyang mga layunin at karunungan? Naniniwala ba tayo na ang Kanyang karunungan ay lalong higit pa kaysa sa ating karunungan? Naniniwala ba tayo na inorganisa Niya ang Kanyang Simbahan sa paraang magiging pinakamalaking pagpapala ito sa lahat ng Kanyang mga anak, kapwa mga lalaki at babae?
Pinatototohanan ko na ang mga bagay na ito ay totoo. Pinatototohanan ko na ito ang Simbahan ng Panginoon. Ang kababaihan ay mahalaga sa pamamahala at gawain ng Simbahan sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga lider sa Relief Society, Young Women, at Primary; sa pamamagitan ng paglilingkod bilang mga guro, full-time missionary, at temple ordinance worker; at sa tahanan, kung saan nagaganap ang pinakamahalagang pagtuturo sa Simbahan.
Huwag nating kalimutan na tinatayang kalahati ng lahat ng pagtuturong nagaganap sa Simbahan ay ginagawa ng kababaihan. Karamihan sa mga lider natin ay mga babae. Maraming pagkakataon at aktibidad sa paglilingkod ang ipinaplano at pinangangasiwaan ng kababaihan. Ang partisipasyon ng kababaihan sa mga ward at stake council at sa mga general council sa headquarters ng Simbahan ay nagbibigay ng kinakailangang kabatiran, karunungan, at balanse.
Mahigit 20 taon ko nang itinuturo ang kahalagahan ng mga council, kabilang na ang mahalagang partisipasyon ng mga babaeng lider. Alam ko na hindi pa ito nauunawaan ng ilang kalalakihan, kabilang na ang ilang lider ng priesthood, at hindi pa rin nila lubos na isinasali ang ating mga babaeng lider sa mga ward at stake council. Alam ko rin na inaapi ng ilang kalalakihan ang kababaihan at sa ilang bihirang sitwasyon ay inaabuso nila ang kababaihan. Kasuklam-suklam ito sa paningin ng Diyos. Natitiyak ko na ang kalalakihang humahamak sa kababaihan sa anumang paraan ay mananagot sa Diyos sa kanilang mga ginagawa. At sinumang lider ng priesthood na hindi isinasali ang mga babaeng lider nang may paggalang at pagtanggap ay hindi iginagalang at ginagamit nang maayos ang mga susing ibinigay sa kanya. Hihina ang kanyang kapangyarihan at impluwensya hanggang sa matutuhan niya ang mga paraan ng Panginoon.
Ngayon, mga kapatid, kahit mahalaga at tatanggapin ang inyong mungkahi sa mga epektibong council, tiyaking hindi ninyo ginagampanan ang tungkuling hindi sa inyo. Ang pinakamatagumpay na mga ward at stake council ay yaong ang mga lider ng priesthood ay may tiwala sa kanilang mga babaeng lider at hinihikayat ang mga ito na mag-ambag sa mga talakayan at lubos na iginagalang at sinasang-ayunan ng mga babaeng lider ang mga desisyon ng council na ginawa sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood na mayhawak ng mga susi.
3. Ang kalalakihan at kababaihan ay magkapantay sa paningin ng Diyos.
Ang kalalakihan at kababaihan ay magkapantay sa paningin ng Diyos at sa paningin ng Simbahan, ngunit ang magkapantay ay hindi nangangahulugang magkapareho. Ang mga responsibilidad at banal na mga kaloob ng kalalakihan at kababaihan ay magkaiba ng katangian ngunit magkatumbas ang kahalagahan o impluwensya. Hindi itinuturing ng Diyos na mas mabuti o mas mahalaga ang isang kasarian kaysa sa isa. Ipinahayag ni Pangulong Hinckley sa kababaihan na ‘ang ating Walang Hanggang Ama … ay hindi nilayon kailanman na mas mababa ang kahalagahan ninyo kaysa Kanyang pinaka-natatanging mga nilalang.”5
Ang ilan ay nalilito at hindi makapag-isip nang wasto kapag inihahambing ang mga tungkulin ng kalalakihan sa kababaihan at ang mga tungkulin ng kababaihan sa kalalakihan.
Naliligiran ako ng mga babae sa buong buhay ko. May 3 akong kapatid na babae. (Ako lang ang anak na lalaki.) Ako ay may 5 anak, 24 na apo, at 19 na apo-sa-tuhod na puro babae. At, siyempre, napagpala ako sa 63 taong pagsasama namin ng asawa kong si Barbara. Matagal na akong natutong makinig sa kanya. Natutuhan ko na kapag sinabi niya na matagal na niyang pinag-iisipan ang isang bagay o malakas ang kutob niya tungkol sa isang bagay ukol sa pamilya, makabubuting makinig ako dahil sa halos lahat ng pagkakataon ay nabigyan siya ng inspirasyon. Alam ko mismo kung paano nag-aalinlangan kung minsan ang kababaihang young adult at mga bata pang ina tungkol sa kanilang kahalagahan at kakayahang mag-ambag. Ngunit saksi ako na kapag ibinaling nila ang kanilang isipan at mga dalangin sa langit, bibiyayaan sila ng lakas at matibay na paniniwala na nauunawaan ng Ama at ng Anak ang kanilang damdamin.
Ang mga babae ay naparito sa lupa na may kakaibang espirituwal na mga kaloob at kakayahan. Totoo ito lalo na pagdating sa mga anak at pamilya at sa kapakanan at pangangalaga ng iba.
Ang kalalakihan at kababaihan ay may iba’t ibang kaloob, lakas, at pananaw at mga inklinasyon. Iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan ang lalaki at babae upang makabuo ng pamilya, at kailangan ang kalalakihan at kababaihan upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Ang mag-asawang matwid na nagtutulungan ay kinukumpleto ang isa’t isa. Pag-ingatan nating huwag tangkaing baguhin ang plano at layunin ng ating Ama sa Langit sa ating buhay.
4. Lahat ng anak ng Diyos ay mapagpapala ng priesthood.
Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay pumunta sa templo, kapwa sila pinagkakalooban ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng priesthood. Bagama’t ang awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood, at ang mga susi ng priesthood ay taglay lamang ng marapat na kalalakihan, ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood ay maaaring matanggap ng lahat ng anak ng Diyos.
Tulad ng paliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972): “Ang mga pagpapala ng priesthood ay hindi lamang para sa kalalakihan. Ang mga pagpapalang ito ay ipinagkakaloob din … sa lahat ng matatapat na kababaihan ng Simbahan. … Ibinibigay ng Panginoon sa kanyang mga anak na babae ang bawat espirituwal na kaloob at pagpapalang maaaring matamo ng kanyang mga anak na lalaki.”6
Ang mga taong lumusong sa tubig ng binyag at tumanggap kalaunan ng kanilang endowment sa bahay ng Panginoon ay nararapat sa sagana at kahanga-hangang mga pagpapala. Ang endowment ay literal na kaloob na kapangyarihan. Lahat ng pumapasok sa bahay ng Panginoon ay nangangasiwa sa mga ordenansa ng priesthood.
Ang ating Ama sa Langit ay bukas-palad sa Kanyang kapangyarihan. Lahat ng lalaki at babae ay may karapatan sa kapangyarihang ito para makatulong sa kanilang buhay. Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mapaglingkuran ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama.
5. Kailangan ng Simbahan ang tinig at pananampalataya ng kababaihan.
Kailangan pa natin ng mabuti, maimpluwensyang tinig at pananampalataya ng kababaihan. Kailangang matutuhan nila ang doktrina at maunawaan ang ating pinaniniwalaan nang sa gayon ay makapagpatotoo sila tungkol sa katotohanan ng lahat ng bagay—ibinahagi man ang mga patotoong iyan sa campfire ng Young Women camp, sa testimony meeting, sa blog, o sa Facebook. Matatapat na kababaihang Banal sa mga Huling Araw lamang ang makapagpapakita sa mundo kung ano ang kaanyuan at pinaniniwalaan ng kababaihang nakipagtipan sa Diyos.
Hindi makakayanan ng sinuman sa atin na tumayo na lamang at pagmasdan na binabalewala at isinasantabi ang mga layunin ng Diyos. Inaanyayahan ko lalo na ang kababaihan sa buong Simbahan na hangarin ang patnubay ng langit upang malaman ang magagawa nila para maibahagi ang kanilang pananampalataya at patotoo. Hindi ito magagawang mag-isa ng mga General Authority at ng mga pangkalahatang pinuno na kababaihan. Hindi ito magagawang mag-isa ng mga full-time missionary. Hindi ito magagawang mag-isa ng mga lider ng priesthood at auxiliary. Kailangang ipagtanggol nating lahat ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang plano. Kailangang ipagtanggol nating lahat ang ating Tagapagligtas at patotohanan na Siya ang Cristo, na ang Kanyang Simbahan ay naipanumbalik na sa lupa, at na mayroong tama at mali.
Kung gusto nating magkaroon ng lakas ng loob na magsalita at ipagtanggol ang Simbahan, kailangan nating ihanda ang ating sarili sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Kailangan nating patibayin ang sarili nating patotoo sa pamamagitan ng masigasig at araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at isamo sa Diyos na tuparin ang Kanyang pangako kay Moroni na “malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay” (Moroni 10:5) kung hahangarin natin ito sa pamamagitan ng mapagpakumbabang panalangin at pag-aaral.
Huwag sayangin ang oras sa pagtatangkang baguhin o ibahin ang plano ng Diyos. Wala tayong panahon para diyan. Walang-katuturan ang pagtatangkang alamin kung paano ioorganisa ang Simbahan ng Panginoon sa ibang paraan. Ang Panginoon ang pinuno ng Simbahang ito, at sinusunod nating lahat ang Kanyang tagubilin. Kailangan kapwa ng kalalakihan at kababaihan ng ibayong pananampalataya at patotoo tungkol sa buhay at Pagbabayad-sala ng ating Panginoong Jesucristo at ng dagdag na kaalaman sa Kanyang mga turo at doktrina. Kailangan nating linisin ang ating isipan para maituro ng Espiritu Santo ang ating gagawin at sasabihin. Kailangan nating mag-isip nang wasto sa magulong mundong ito na nagbabalewala sa mga bagay ng Diyos.
Mga kababaihan, ang lawak at tindi ng inyong impluwensya ay kakaiba—impluwensyang hindi kayang tularan ng kalalakihan. Walang ibang makapagtatanggol sa ating Tagapagligtas nang may higit na paghihikayat o kapangyarihan kaysa sa inyo—mga anak na babae ng Diyos na malalakas ang loob at matibay ang paniniwala. Ang kapangyarihan ng tinig ng isang babaeng nagbagong-buhay ay hindi masusukat, at kailangan ng Simbahan ang inyong mga tinig ngayon nang higit kailanman.
Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na panahon at oras na upang magkaisa tayo—kalalakihan at kababaihan, mga kabataang lalaki at babae, mga batang lalaki at babae. Dapat tayong manindigan para sa plano ng ating Ama sa Langit. Dapat natin Siyang ipagtanggol. Siya ay isinasantabi. Hindi tayo dapat magpabaya bilang mga miyembro ng Simbahan at huwag tulutang patuloy na mangyari ito nang hindi natin matapang na isinasatinig ang ating damdamin at isipan.
Nawa’y pagkalooban tayo ng Diyos ng lakas ng loob na pag-aralan ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo at pagkatapos ay ibahagi ito tuwing may pagkakataon tayo.