2014
Pagpapalakas sa mga Kabataan sa Pamamagitan ng mga Aktibidad na Nagpapatatag sa Espirituwalidad
Setyembre 2014


Pagpapalakas sa mga Kabataan sa Pamamagitan ng mga Aktibidad na Nagpapatatag sa Espirituwalidad

Kailangan ba ninyo ng mga ideya para sa isang aktibidad ng mga kabataan? Bumisita sa lds.org/youth/activities para sa mahigit 160 mga ideya.

Bilang magulang o lider ng kabataan, gusto ninyong palakasin ang inyong mga anak at ang mga kabataan sa inyong ward o branch. Lumalaki sila sa panahon na ang mga pamantayan ng mundo ay lumalayo na sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Madalas nilang madama na mag-isa silang nagsisikap na ipamuhay ang ebanghelyo. Mabuti na lang, lumalakas sila sa pakikibahagi sa makabuluhang mga aktibidad kasama ang iba pang mga kabataan.

Mapapalakas at Masasagip ng mga Aktibidad ang mga Kabataan

Ang matagumpay na mga aktibidad ay naglalaan sa mga kabataan ng isang kaaya-ayang kapaligiran para matutuhan at maipamuhay ang ebanghelyo. Tinutulungan nito ang mga kabataan na maghanda para sa kanilang mga tungkulin sa hinaharap, mapahusay ang kanilang mga talento at interes, matuto ng mga kasanayan sa pamumuno, at magkaroon ng mga kaibigan sa pakikisalamuha nila sa iba pang mga kabataang lalaki at babae. Ang mga aktibidad ay magbibigay ng mga pagkakataon sa mga kabataan na magsagawa ng makabuluhang paglilingkod sa ibang tao sa komunidad. Matutulungan din kayo ng mga aktibidad na magkaroon ng positibong ugnayan sa mga kabataan.

Ang di-gaanong aktibong mga miyembro at ang mga hindi kasapi sa ating simbahan ay maaari ding masiyahan sa masaya at kaswal na kapaligiran sa mga aktibidad ng mga kabataan. “Ang mga aktibidad ang isa sa mga pinakamabisang paraan para tulungan at sagipin ang iba,” sabi ni David L. Beck, Young Men general president. “Maaaring maraming kabataan ang hindi muna tanggapin ang paanyayang dumalo sa sacrament meeting o makinig sa mga missionary sa halip ay handang sumama sa atin sa masayang aktibidad. Maraming naging miyembro ng Simbahan ang nag-ulat na una nilang nalaman ang ebanghelyo nang anyayahan sila ng isang kaibigan sa isang aktibidad ng mga kabataan.”

Ang isa sa mahahalagang sangkap na ikatatagumpay ng mga aktibidad ay ang pakikibahagi ng mga kabataan. Sa inyong patnubay, mahalagang papel ang magagampanan ng mga kabataan sa pagpaplano; sila ang mas nakakaalam ng kanilang mga interes, mithiin, hangarin, at katanungan. Kapag mga quorum at class presidency ang namuno sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga aktibidad batay sa mga pangangailangan ng mga kabataan sa ward o branch, mas masigasig at interesado ang mga kabataan at sa huli ay magkakaroon sila ng mas magagandang karanasan.

Iba’t Ibang Aktibidad

Sa lds.org/youth/activities, makikita ninyo ang mahigit 160 mga ideya para sa aktibidad na magbibigay-inspirasyon sa mga kabataan habang nagpaplano sila. May mungkahi ring mga paraan sa site para tulungan kayong matukoy ang mga pangangailangan ng mga kabataang lalaki at babae, at mga magagamit sa pagpaplano at pakikipag-ugnayan upang tulungan ang mga lider ng mga kabataan at adult na gamitin ang kanilang mga ideya. Maaari din ninyong isumite sa site ang sarili ninyong mga ideya sa aktibidad.

May mungkahi sa site na mga aktibidad sa paglilingkod sa iba, pagbabahagi ng ebanghelyo, pagpapalusog ng katawan, pagtatanghal ng musika at sining, paghahanda para sa mga tungkulin sa hinaharap, paggawa ng mga gawain sa templo at family history, at marami pang iba. Habang ang mga kabataan ay tumatanda at nahaharap sa mas maraming responsibilidad, kailangan nila ng iba’t ibang kakayahan at karanasang magpapahusay sa kanila sa landas ng kadakilaan. “Upang maghanda para sa gawain na ibinigay ng Ama sa Langit para sa kanila,” sabi ni Elder Paul B. Pieper ng Pitumpu, “kailangan ng ating mga kabataan ng mga karanasang tutulong sa kanila na umunlad sa espirituwal, pisikal, intelektuwal, at sa lipunan. Ang iba’t ibang kategorya ng mga aktibidad sa website ay nagpapatibay sa maraming pagkakataon na dapat nating ilaan sa ating mga kabataan.”

Ang mga aktibidad sa site ay magdaragdag ng kaalaman sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pag-uugnay ng mga aktibidad sa mga alituntuning natututuhan ng mga kabataan sa mga aralin tuwing Linggo at sa Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad.

Kapag nagtulungan ang mga kabataan, lider, at pamilya sa pagpaplano at pagsasagawa ng mga aktibidad na nag-aanyaya sa lahat ng kabataan na lumapit kay Cristo, magiging mas handa ang bagong henerasyon na gampanan ang gawain ng Panginoon sa lupa.

Masayang 5K

Magdaos ng isang 5K na karera sa pagtakbo o paglakad para sa mga kabataan at sa komunidad.

Mabuting asal sa pagsasayaw

Talakayin at ipakita ang mga tamang paraan ng pagsasayaw.

Mga kasanayang magagamit natin sa paglilingkod

Matuto ng mga bagong kasanayan at pagkatapos ay gamitin ang mga ito sa paglilingkod sa iba.

Pagtatanghal ng mga talento

Magplano ng pagtatanghal ng mga talento ng buong ward o ng mga kabataan.

Missionary open house

Magplano, maghanda, at mag-anunsyo ng missionary open house, kaganapang pangkultura, o iba pang aktibidad sa lokal na meetinghouse.