Paano Tunay na Matuto
Mag-aral sa halip na basta magtapos lang sa pag-aaral.
“Mag-aral na mabuti.” Ito na siguro ang pinakamadalas ipayo sa mga tinedyer.
Ngunit kahit sa mga nakikinig sa payong ito, tila mas maraming natututuhan ang ilan sa kanilang pag-aaral kaysa sa ibang tao—at hindi lang mga grado o degree o trabaho ang pinag-uusapan natin. Kung gayon ay ano ang kaibhan ng mga taong talagang “natututo” sa mga tao na basta “makatapos lang sa pag-aaral”?
Hindi ito tungkol sa likas na kakayahan kundi tungkol sa ilang priyoridad, pag-uugali, at kasanayan, tulad ng mga sumusunod.
Mga Priyoridad
1. Hangaring matutuhan ang mga bagay na espirituwal. Para matiyak na magtatagumpay kayo, sundin ang payo ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan:
“Dapat nating unahing matutuhan ang mga bagay na espirituwal. …
“… Ang unahing matutuhan ang mga bagay na espirituwal ay hindi nag-aalis sa atin sa pag-aaral ng mga sekular na bagay. Sa halip, ito ang nagbibigay sa atin ng layuning pag-aralan ang mga sekular na bagay at hinihikayat tayong pagsikapan pa ito.
“Para mabigyan ng tamang priyoridad ang espirituwal na pag-aaral, kailangan nating gumawa ng ilang mahihirap na desisyon kung paano gagamitin ang ating oras. Ngunit hindi dapat sadyain na hindi unahin ang espirituwal na pag-aaral. Huwag itong gawin kailanman. Hahantong iyan sa kapahamakan.”1
2. Manatiling balanse. Ang ibig sabihin ng balanse ay alam na alam ninyo ang inyong mga priyoridad. Makakatulong sa inyo na gawing priyoridad ang manatiling balanse para manatiling tama ang inyong pananaw. Sabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Tandaan, na anumang labis sa buhay na ito ay maaaring magdulot sa atin ng hindi balanseng buhay. Kasabay nito, ang sobrang kakaunti ng mahahalagang bagay ay lilikha ng gayon ding resulta.”2
3. Matulog nang sapat. Maliit na bagay lang siguro ito, ngunit malaking kaibhan ang nagagawa ng pagtulog nang sapat—at tiyak na mas mabuti ito kaysa mag-isip kung paano mananatiling gising sa klase. Napatunayan sa mga pagsasaliksik na mahalaga ang sapat na tulog para matuto, ngunit isinasakripisyo ito ng maraming tao para sa iba pang mga bagay (kadalasa’y sa paglilibang). Tiyaking nasa listahan ito ng inyong mga priyoridad. (Ngunit huwag namang sobra-sobra; tingnan sa numero 2 sa itaas at sa Doktrina at mga Tipan 88:124.)
Pag-uugali
1. Kayo ang responsable sa inyong pag-aaral (pati na sa inyong mga kabiguan). May kilala ba kayong mga tinedyer na umaasa pa rin sa tulong ng kanilang mga magulang sa lahat ng homework at proyekto nila sa paaralan? o nagpapaliwanag na mababa ang mga marka o grado nila dahil “Ayaw lang sa akin ng titser ko”? o isinisisi ito sa iba pang mga sitwasyon? Maging responsable sa inyong pag-aaral. Mamamangha kayo sa matututuhan ninyo talaga at magiging mas masaya kayo.
2. Ang pagkakaroon ng mataas na marka o grado ay iba sa mga bagay na natutuhan. Huwag ipagkamali ang simbolo (marka o grado) sa bagay na dapat nitong isagisag (pagkatuto at pagsisikap). Bagama’t ang mga marka o grado ay mahalagang panukat, tandaan na ang kaalaman at mga kasanayang natatamo ninyo ay mas mahalaga kaysa anumang marka o grado, mataas man o mababa. Sa ganitong pag-uugali, mas madalas kayong masisiyahan sa inyong mga grado.
3. Ang inyong pagpapahalaga sa sarili ay hindi dapat batay sa mga panlabas na bagay na tulad ng mga award, grado, at degree. Kung nauunawaan ninyo ang likas na kahalagahan ninyo bilang anak ng Ama sa Langit, liligaya kayo may mga gantimpala man o wala ang inyong mga nagawa. Sikaping makamtan ang inyong mga mithiin sa pag-aaral, ngunit huwag gawing sukatan ang mga gantimpala sa pagpapahalaga ninyo sa sarili.
4. Ang pagsisikap ay mas mahalaga kaysa “pagiging ismarte.” Kahit iniisip ninyo na mas nadadalian kayong mag-aral kaysa sa iba dahil sa taglay ninyong mga kakayahan, dapat ninyong ituring na bunga ng inyong pagsisikap ang inyong mga tagumpay sa halip na ituring na taglay na ninyo ito nang isilang kayo. At kung mahirapan kayo, huwag sumuko—pagsisikap ang tutulong sa inyo. Ang pag-uugaling ito ay tutulong nang malaki sa lahat ng aspeto ng inyong buhay, lalo na kapag nagtapos na kayo sa pag-aaral at nagtrabaho na. Walang madaling paraan para tunay na matuto—hindi ninyo mapapaniwala ang mga tao na nauunawaan ninyo ang isang bagay kahit hindi naman.
5. Marami na kayong alam, ngunit hindi lahat. Pag-isipang mabuti kung paano nagkakaugnay sa isa’t isa ang lahat ng iba’t ibang bagay na pinag-aaralan ninyo. Ngunit huwag pumasok sa anumang sitwasyon na inaakalang alam na ninyo ang lahat—walang ganoong tao. Mas mahihirapan kayong matuto sa ganyang ugali.
6. Pagkatuto ang mismong gantimpala. Maraming tao ang nagsasabing edukasyon ang paraan para makamtan ang isang layunin—paraan para umasenso sa buhay, makakuha ng magandang trabaho, at iba pa. Bagama’t maaaring totoo iyan, totoo rin na mas liligaya at matututo kayo kung ang mithiin ninyo mismo ay matuto. Huwag kayong palaging nagtatanong ng “Kasama ba ito sa pagsusulit?” o “Magagamit ba natin ito sa buhay natin?”
7. Huwag iwasan ang mga hamon dahil lamang sa posibleng mabigo kayo. Kapag mas handa kayong gawin ang mahihirap na bagay ngayon, magiging mas handa kayong harapin ang darating kalaunan. Halimbawa, ang mga tao na pinipili ang lahat ng pag-aaralan nila batay sa kadalian ng mga ito ay hindi ginagamit ang kanilang buong kakayahan at maaaring itinatago ang kanilang mga talento.
8. Maging mausisa. Marami kayong matututuhan kung kayo ay mausisa at magtatanong. Gayundin, kapag interesado kayo sa mga bagay-bagay, mas kagigiliwan kayo. Tandaan, natututo kayo sa lahat ng oras, sa lahat ng dako, hindi lang sa paaralan.
9. Magagawa ninyo iyan. Iba ang mahirap sa imposible. Maaaring mahirapan kayong matuto, ngunit makakaya ninyo iyan. Ang pag-aaral ay isa sa mga bagay na gagawin ninyo rito sa lupa.
Mga Kasanayan
1. Pag-aralan ang mga bagay na gusto mo; mahalin ang natutuhan mo. Hanapin ang mga bagay na talagang nakakatuwa at nakakawili sa iyo, at sikaping makamtan ang mga ito. Ngunit alamin din kung paano makikita ang kahalagahan ng lahat ng itinuturo sa inyo.
2. Magbasa para malibang. Araw-araw, magbasa ng makabuluhang babasahin: mga aklat, magasin, website, anumang nagbibigay ng kaalaman o inspirasyon. Ang mga nagbabasa ng makabuluhang materyal ay karaniwang mas magaling sa paaralan at mas maligaya sa buhay.
3. Pansinin kung paano ninyo hinaharap ang problema. Ang mabatid ang mga bagay na nagbibigay sa inyo ng problema at mabatid ang mga pamamaraang higit na akma sa inyo para mabawasan ang bigat nito ay mahahalagang kasanayan sa buhay.
4. Humingi ng tulong kapag kailangan ninyo—at magpatulong sa mga taong talagang makakatulong. Maniwala man kayo o hindi, ang paghingi ng tulong ay isang kasanayan. Ang tanggaping wala na kayong magawa at paghingi ng nararapat na tulong bago maging huli ang lahat ay makakagawa ng malaking kaibhan.
5. Gamitin nang matalino ang inyong oras. Ang ibig sabihin ng matalinong paggamit ng oras ay tiyakin na ang mga bagay na sinasabi ninyong mga priyoridad ninyo ay talagang mga priyoridad ninyo. Maghanap ng isang sistemang komportable kayo at tutulong sa inyo na makamtan ang inyong mga mithiin.