2019
Kapangyarihang Madaig ang Kaaway
Nobyembre 2019


Kapangyarihang Madaig ang Kaaway

Paano natin mahahanap ang kapayapaang ito, maaalala kung sino tayo, at madadaig ang tatlong P ng kaaway?

Mga kapatid, salamat sa lahat ng ginagawa ninyo upang maging, at tulungan ang iba na maging, mga tunay na alagad ni Jesucristo at matamasa ang mga pagpapala ng banal na templo. Salamat sa inyong kabutihan. Kayo ay kahanga-hanga; kayo ay magaganda.

Dalangin ko na makilala natin ang nagpapatibay na impluwensya ng Espiritu Santo habang inuunawa natin nang lubos na tayo ay mga anak ng Diyos. Nakasaad sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”: “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at bilang gayon, bawat isa ay may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”1 Tayo ay “mga piling espiritu na inilaang bumangon sa kaganapan ng panahon upang makiisa sa paglalatag ng saligan ng dakilang gawain ng huling araw.”2 Ipinahayag ni Pangulong Russell M. Nelson: “Tinuruan kayo sa daigdig ng mga espiritu upang ihanda kayo para sa anumang bagay at sa lahat ng masasagupa ninyo sa bandang huli ng mga huling araw na ito (tingnan sa D at T 138:56). Ang turong iyan ay taglay ninyo!”3

Kayo ay hinirang na mga anak ng Diyos. May kapangyarihan kayong madaig ang kaaway. Gayunpaman, alam ng kaaway kung sino kayo. Alam Niya ang inyong banal na pamana at hangad Niyang limitahan ang inyong potensyal sa mundo at sa langit gamit ang tatlong P:

  • Panlilinlang

  • Pang-aabala

  • Pagpapahina ng loob

Panlilinlang

Ginamit ng kaaway ang panlilinlang noong panahon ni Moises. Ipinahayag ng Panginoon kay Moises:

“At, masdan, ikaw ay aking anak. …

“Ako ay may gawain para sa iyo, … at ikaw ay kawangis ng aking Bugtong na Anak.”4

Ilang sandali lamang matapos ang maluwalhating pangitaing ito, tinangka ni Satanas na linlangin si Moises. Kaiba ang mga salitang ginamit niya: “Moises, anak ng tao, sambahin mo ako.”5 Ang panlilinlang ay hindi lamang makikita sa paanyaya na sambahin si Satanas kundi sa paraan din ng paglalarawan niya kay Moises bilang anak ng tao. Tandaan, kasasabi pa lamang ng Panginoon kay Moises na isa siyang anak ng Diyos, nilalang na kawangis ng Bugtong na Anak.

Patuloy na tinangka ng kaaway na linlangin si Moises, ngunit hindi nagpatinag si Moises, nagsasabing, “Lumayo ka sa akin, Satanas, sapagkat itong nag-iisang Diyos lamang ang aking sasambahin, na siyang Diyos ng kaluwalhatian.”6 Naalala ni Moises kung sino siya—isang anak ng Diyos.

Ang sinabi ng Panginoon kay Moises ay angkop din sa atin. Nilalang tayo sa sariling larawan ng Diyos, at may gawain Siyang ipagagawa sa atin. Tinatangkang manlinlang ng kaaway sa pamamagitan ng pagpapalimot sa atin kung sino talaga tayo. Kung hindi natin nauunawaan kung sino tayo, mahihirapan tayong matukoy kung ano ang maaari nating kahinatnan.

Pang-aabala

Sinusubukan din ng kaaway na ilihis tayo palayo kay Cristo at sa landas ng Kanyang tipan. Ibinahagi ni Elder Ronald A. Rasband ang sumusunod: “Plano ng kaaway na ilihis tayo mula sa mga espirituwal na patotoo, samantalang ang nais ng Panginoon ay bigyan tayo ng liwanag at makibahagi tayo sa Kanyang gawain.”7

Sa ating panahon, napakaraming pang-aabala, kabilang na ang Twitter, Facebook, mga virtual reality na laro, at marami pang iba. Kamangha-mangha ang mga pag-unlad na ito sa teknolohiya, ngunit kung hindi tayo mag-iingat, maaari tayong ilihis ng mga ito mula sa pagkakamit ng ating dakilang potensyal. Ang tamang paggamit ng mga ito ay maaaring maghatid ng kapangyarihan ng langit at magtulot sa atin na makasaksi ng mga himala habang sinisikap nating tipunin ang nakalat na Israel sa magkabilang panig ng tabing.

Maging maingat tayo at hindi kaswal sa paggamit natin ng teknolohiya.8 Patuloy na maghanap ng mga paraan kung paano tayong mas mailalapit ng teknolohiya sa Tagapagligtas at magtutulot sa atin na maisakatuparan ang Kanyang gawain habang naghahanda tayo para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.

Pagpapahina ng loob

Sa huli, nais ng kaaway na panghinaan tayo ng loob. Maaari tayong panghinaan-ng-loob kapag ikinukumpara natin ang ating sarili sa iba o nadarama natin na hindi natin naaabot ang mga inaasahan sa atin, kabilang na ang mga sarili nating inaasahan.

Noong sinimulan ko ang pagkuha ng aking doctoral degree, pinanghinaan ako ng loob. Apat na estudyante lang ang tinanggap sa programa noong taong iyon, at napakatatalino ng ibang mga estudyante. Mas matataas ang nakuha nilang marka sa mga pagsusulit at mas marami silang karanasan sa trabaho at mas magaganda ang posisyon nila sa mga kumpanya, at kitang-kita ang kumpiyansa nila sa kanilang mga kakayahan. Pagkatapos ng aking unang dalawang linggo sa programa, pinanghinaan ako ng loob at napuno ako ng pag-aalinlangan, halos lamunin ako nito.

Napagdesisyunan ko na kung tatapusin ko ang apat na taong programang ito, kailangan kong tapusing basahin ang buong Aklat ni Mormon bawat semestre. Sa pagbabasa ko araw-araw, natanggap ko ang pahayag ng Tagapagligtas na ang Espiritu Santo ang magtuturo sa akin ng lahat ng mga bagay at magpapaalaala ng lahat.9 Pinagtibay nito kung sino ako bilang anak ng Diyos, ipinaalala nito sa akin na hindi ko dapat ikumpara ang aking sarili sa iba, at binigyan ako nito ng kumpiyansa sa aking banal na tungkulin na magtagumpay.10

Mga mahal kong kaibigan, huwag ninyong hayaan na nakawin ng sinuman ang inyong kaligayahan. Huwag ninyong ikumpara ang inyong sarili sa iba. Tandaan ang mga magiliw na salita ng Tagapagligtas: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man.”11

Kaya, paano natin ito gagawin? Paano natin mahahanap ang kapayapaang ito, maaalala kung sino tayo, at madadaig ang tatlong P ng kaaway?

Una, tandaan na ang dakila at pangunang utos ay ibigin ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas.12 Ang lahat ng ginagawa natin ay dapat dahil sa pagmamahal natin sa Kanya at sa Kanyang Anak. Habang pinapayabong natin ang ating pagmamahal para sa Kanila sa pamamagitan ng pagsunod sa Kanilang mga kautusan, madaragdagan ang ating kakayahang mahalin ang ating sarili at ang iba. Magsisimula tayong maglingkod sa ating pamilya, mga kaibigan, at mga kapit-bahay dahil makikita natin sila kung paano sila nakikita ng Tagapagligtas—bilang mga anak ng Diyos.13

Pangalawa, manalangin sa Ama sa pangalan ni Jesucristo araw-araw, araw-araw, araw-araw.14 Sa panalangin ay madarama natin ang pagmamahal ng Diyos at maipapakita natin ang ating pagmamahal para sa Kanya. Sa panalangin ay nagpapasalamat tayo at nakakahingi tayo ng lakas at tapang na isuko ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos at magabayan at mapatnubayan sa lahat ng bagay.

Hinihikayat ko kayo na “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, … upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya.”15

Pangatlo, basahin at pag-aralan ang Aklat ni Mormon araw-araw, araw-araw, araw-araw.16 Mas nagiging maganda ang pag-aaral ko ng Aklat ni Mormon kapag may iniisip akong partikular na katanungan. Kapag nagbabasa tayo nang may katanungan, maaari tayong makatanggap ng paghahayag at malalaman natin na totoo ang sinabi ni Propetang Joseph Smith nang ipahayag niya na, “ang Aklat ni Mormon ang pinakatumpak sa anumang aklat sa mundo, … at ang isang tao ay malalapit sa Diyos sa pamamagitan ng pagsunod sa mga tuntunin nito, nang higit kaysa sa pamamagitan ng alin mang aklat.”17 Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng mga salita ni Cristo at tumutulong sa atin na alalahanin kung sino tayo.

Sa huli, mapanalanging makibahagi sa sakramento linggu-linggo, linggu-linggo, linggu-linggo. Sa pamamagitan ng mga tipan at ordenansa ng priesthood, kabilang na ang sakramento, ay makikita ang kapangyarihan ng kabanalan sa ating buhay.18 Itinuro ni Elder David A. Bednar: “Ang ordenansa ng sakramento ay isang banal at paulit-ulit na paanyayang magsisi nang taos at espirituwal na mapanibago. Ang pakikibahagi ng sakramento, kung tutuusin, ay hindi nagpapatawad ng mga kasalanan. Ngunit kapag naghahanda tayo nang seryoso at nakikibahagi sa banal na ordenansang ito nang may bagbag na puso at nagsisising espiritu, ang pangako ay mapapasaatin sa tuwina ang Espiritu ng Panginoon.”19

Habang mapagpakumbaba tayong nakikibahagi sa sakramento, inaalala natin ang pagdurusa ni Jesus sa sagradong halamanan na tinawag na Getsemani at ang Kanyang pagpapakasakit sa krus. Ipinapahayag natin ang ating pasasalamat sa Ama para sa pagpapadala ng Kanyang Bugtong na Anak, ang ating Manunubos, at ipinapakita natin ang ating kahandaan na sundin ang Kanyang mga kautusan at lagi Siyang alalahanin.20 Ang sakramento ay may kaugnay na espirituwal na kaalaman at pagkaunawa—ito ay personal, ito ay makapangyarihan, at ito ay kinakailangan.

Aking mga kaibigan, nangangako ako na kapag nagsisikap tayong ibigin ang Diyos nang ating buong puso, nananalangin sa pangalan ni Jesucristo, pinag-aaralan ang Aklat ni Mormon, at mapanalanging nakikibahagi sa sakramento, magkakaroon tayo ng kakayahan, sa pamamagitan ng lakas ng Panginoon, na madaig ang mga panlilinlang ng kaaway, mabawasan ang mga pang-aabala na naglilimita sa ating dakilang potensyal, at labanan ang pagpapahina ng loob na nakakabawas sa ating kakayahan na madama ang pagmamahal ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Mauunawaan natin nang lubos kung sino tayo bilang mga anak ng Diyos.

Mga kapatid, ibinabahagi ko sa inyo ang aking pagmamahal at ipinapahayag ang aking patotoo na alam kong buhay ang Ama sa Langit at si Jesus ang Cristo. Mahal ko Sila. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Diyos sa mundo. Mayroon tayong banal na katungkulan na tipunin ang Israel at ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ng Mesiyas. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.