2023
Paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng Patuloy na Pagkatuto
Abril 2023


Digital Lamang

Paglapit sa Diyos sa pamamagitan ng Patuloy na Pagkatuto

Ang edukasyon ay isang walang hanggang mithiin dahil ang pagiging katulad ng Diyos ay isang walang hanggang hangarin.

tumatakbong tao na napalilibutan ng mga planeta, isang aklat, at isang bumbilya

Naging mahirap para sa akin na makapagtapos ng kolehiyo. Hindi dahil sa lahat ng isinakripisyo ko para patuloy na makapag-aral, ngunit dahil sa bahagi ng sarili ko na kinailangan kong isuko sa pag-alis. Bawat napakagandang klase sa pagdaan ng mga linggo o matagumpay na pagkumpleto ng mga buwanang proyekto sa pagsasaliksik ay sulit ang bawat segundo ng pag-aaral. Subalit natutuhan ko na ang pag-aaral ko—at ninyo—ay hindi dapat tumigil kapag nagtapos ka na sa pag-aaral.

Kung nakatapos na tayo ng isang kurso ilang dekada na ang nakararaan o may trabaho na tayo na mahusay na nating nagagawa, maaari at dapat tayong patuloy na mag-aral, dahil mas marami tayong dapat matutuhan kaysa inaakala natin. Noong mag-aral si Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ng physics at matematika sa kolehiyo, nahirapan siya. Pinanghinaan siya ng loob na nagtulak sa kanya na tumigil sa pag-aaral at pag-isipan na huwag nang mag-aral pa.

Ngunit isang gabi, ikinuwento niya na “dumating ang tulong bilang isang tinig, isang tunay na tinig sa aking isipan. Hindi ko tinig iyon. Mahina at mapagmahal na tinig iyon—ngunit makapangyarihan. Ganito ang sinabi ng tinig: ‘Kapag natanto mo kung sino ka talaga, malulungkot ka na hindi ka nagsikap nang husto.’”1

Ang kaalamang ito ang humikayat kay Pangulong Eyring na tapusin ang kolehiyo, pumasok sa graduate school, at kalaunan ay naging guro. Maaaring kuntento na tayo sa kung ano ang natapos natin o kasalukuyang trabaho, ngunit nakikita ng Diyos ang potensyal natin na kahit tayo ay hindi natin palaging nakikita. Walang mawawala sa atin at ang lahat ay matatamo natin sa pamamagitan ng patuloy na pag-aaral.

Ang Ating Responsibilidad na Matuto

Ang patuloy na pag-aaral ay hindi lamang isang bagay na maaari nating gawin. Sinabi ni Pangulong Nelson, “Dahil sa ating mataas na pagpapahalaga sa katalinuhan ng tao, itinuturing natin ang pagtatamo ng edukasyon na isang sagradong responsibilidad.”2

Bakit kaya isang sagradong responsibilidad ang magtamo ng maraming kaalaman? Sa Doktrina at mga Tipan 88:79–80, tinuruan tayo na pag-aralan ang maraming paksa upang “kayo ay maging handa sa lahat ng bagay kapag kayo ay muli kong isusugo upang gawin ang tungkulin kung saan ko kayo tinawag, at ang misyon na aking iniatas sa inyo.” Magagamit at dapat nating gamitin ang ating kaalaman para pagpalain ang iba at tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos.

Bukod pa rito, mahal na mahal tayo ng Diyos kaya nais Niya tayong makitang umuunlad. Bilang mga espiritung anak ng ating Ama sa Langit, may kakayahan tayo na wala sa iba pang nilalang sa mundo—ang maging katulad Niya. Nalaman natin mula sa mga banal na kasulatan na ang Diyos “sa kaalaman ay ganap” (Job 37:16), kaya ang ating layunin na maging perpekto ay dapat kabilangan ng pagsisikap na magkaroon ng mas perpektong kaalaman.

Nakasaad sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Mayroon kayo ng kapwa temporal at espirituwal na mga dahilan para hangarin at gustuhing matuto. Ang edukasyon ay hindi lamang tungkol sa pagkita ng pera. Bahagi ng inyong walang-hanggang mithiin ang maging higit na katulad ng Ama sa Langit.”3 Ang edukasyon ay isang walang hanggang mithiin dahil ang pagiging katulad ng Diyos ay isang walang hanggang hangarin.

Ang alituntunin na patuloy na matuto ay hindi isang oportunidad na para lamang sa mga taong makakapag-aral sa kolehiyo. Sinabi ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung hindi posibleng makapag-aral, huwag ninyong hayaang maging hadlang iyan sa pagkakaroon ng lahat ng kaalamang matatamo ninyo. Sa mga ganitong kalagayan, ang pinakamahuhusay na aklat, kung iisipin, ay maaari ninyong maging ‘unibersidad’—isang silid-aralan na laging bukas at tinatanggap ang sinumang gustong mag-aral.”6

Itinuro sa Doktrina at mga Tipan 88:118: “Maghanap kayo sa mga pinakamabubuting aklat ng mga salita ng karunungan, maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya.” Kabilang sa “pinakamabubuting aklat” ang banal na kasulatan at mga turo ng mga buhay na propeta. At para matuto ng iba pang mga kasanayan at kaalaman, madalas din tayong nangangailangan ng mga ideya mula sa iba pang mga mapagkukunan, tulad ng mga aklat mula sa pinagkakatiwalaang mga eksperto, mga kagamitan sa pag-aaral ng mga community college, mga online educational site, mga balita, mga pagdiriwang ng lokal na kultura, at iba pa. Mangyari pa, hindi lahat ng resources ay naglalaman ng katotohanan, kaya ang araw-araw na pag-aaral ng salita ng Diyos ay makatutulong sa atin na mahiwatigan ang katotohanan sa iba pang mga pag-aaral. At maaari nating hangarin ang Espiritu at gamitin ang karunungan sa pagtukoy kung aling mga source ang magagamit sa ating pagkatuto at kung ano ang totoo mula sa mga ito.

Maging mausisa tungkol sa mundo sa pamamagitan ng pagtatanong. Hanapin ang mga detalye at kagandahan ng pang-araw-araw na buhay. Sinabi ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, at ng kanyang asawang si Kristen: “Ang [patuloy na] na pagkatuto … [ay kinabibilangan ng] mga malikhaing gawain. Kabilang din dito ang mga karanasan sa mga tao at lugar: pakikipag-usap sa mga kaibigan, pagbisita sa mga museo at konsiyerto, at mga oportunidad na maglingkod. Kailangan nating paunlarin ang ating sarili at [maging masaya sa] paglalakbay.”7

Sa lahat ng ating pagkatuto at pag-aaral, dapat tayong humingi ng patnubay sa Ama sa Langit, sapagkat sa Kanyang patnubay magiging mas kapaki-pakinabang ang ating pagsisikap na matuto. Sinabi ni Pangulong Eyring, “Walang bagay na totoo na hindi mo matututuhan, dahil alam Niya ang lahat ng katotohanan.”8 Manampalataya na (1) alam ng Diyos ang lahat at (2) nais Niyang ibahagi sa atin ang kaalamang iyon.

Tulad ng itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, ang ating Ama sa Langit “ay sabik na naghihintay na sagutin ang inyong mga panalangin at tuparin ang inyong mga pangarap,”9 at kabilang dito ang ating mga pangarap sa pag-aaral. Magtiwala na matutulungan tayo ng Diyos na magtagumpay at gagabayan Niya tayo sa mga tao at resources na hangad at kailangan natin sa tamang panahon kapag nagsikap at kumilos tayo ayon sa paghahayag.

Walang edad kung saan tumitigil tayo na matuto. Palaging may iba pang bagay na nais ituro ng Diyos sa atin. Maaari tayong magpakumbaba nang sapat para matanto na marami pa tayong hindi alam, at maaari tayong magpasalamat sa pagkakataong maging mga estudyante Niya.

Ang Ating Responsibilidad na Maglingkod sa Iba Gamit ang Ating Kaalaman

Ang isang paraan para maipakita sa Diyos ang ating pasasalamat sa kakayahan nating matuto ay gamitin ang ating natamong kaalaman para pagpalain ang iba. Laging may isang taong maaaring makinabang sa ating kaalaman at karanasan, iyon man ay mga tao mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa social media o isang nahihirapang kapitbahay na pamilya o isang kapamilya sa tahanan.

“Nais ng Diyos na turuan natin ang ating isipan, pagbutihin ang ating mga kasanayan, at gawing perpekto ang ating mga kakayahan upang maging mas mabuting impluwensya tayo sa mundo, makapaglaan para sa ating sarili, sa ating pamilya, at sa mga nangangailangan, at maitayo ang kaharian ng Diyos.”10 Hayaang pagpalain ng Diyos ang iba sa pamamagitan ng mga bagay na natutuhan at patuloy na natututuhan mo.

Nagkuwento ang Tagapagligtas ng isang talinghaga tungkol sa isang panginoon na nagbigay ng mga talento sa kanyang tatlong alipin bago siya maglakbay. Dinoble ng mga alipin na may limang talento at dalawang talento ang kanilang mga talento bago bumalik ang panginoon. Gayunman, ang pangatlong alipin ay “umalis at humukay sa lupa, at itinago ang salapi ng kanyang panginoon” (Mateo 25:18).

Nang bumalik ang panginoon, pinuri niya ang dalawang matapat na alipin at pinagalitan ang tamad na alipin: “Sapagkat ang bawat mayroon ay bibigyan at siya’y magkakaroon ng kasaganaan, ngunit ang wala, pati ang nasa kanya ay kukunin” (Mateo 25:29).

Gaano man karaming kaalaman ang natamo natin sa buong buhay natin, laging may mas mataas na layunin tayo na pagpalain ang iba gamit ang kaalamang ito. Itinuro ni Pangulong Nelson, “Edukasyon ang nagiging kaibhan sa pagitan ng pangangarap na makatulong kayo sa ibang mga tao at pagkakaroon ng kakayahang tulungan sila.”11 Kapag ginagamit natin ang natutuhan natin upang palakasin ang ating mga kapatid at pinananatiling handa ang ating sarili sa pagtatamo ng karagdagang kaalaman, ang ating sariling kaalaman ay lalawak at ang ating karanasan ay dadami. Gayunman, kung itatago natin ang ating kaalaman at itatago ito para sa ating sarili, hindi ito makatutulong sa atin sa pagiging higit na katulad ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

Maraming paraan para patuloy na matuto tayo. Maaari nating pag-aralan pa ang tungkol sa mga kasalukuyang pangyayari sa ating komunidad o bansa para makagawa ng positibong aksiyon kung kinakailangan. Kung ang isang taong pinaglilingkuran natin ay nahihirapan sa karamdaman na kaunti lang ang alam natin, maaari nating saliksikahin ito upang mas makapagbigay ng suporta at pagdamay. Magagamit natin ang ating kaalaman tungkol sa ebanghelyo at ang ating patotoo kay Cristo para pasayahin ang araw ng isang kaibigan sa pamamagitan ng isang mensahe sa text. Kung nahihirapang maunawaan ng mas nakababatang miyembro ng pamilya ang isang subject sa paaralan, maaari tayong maglaan ng oras para turuan sila.

Bukod pa sa pagsisikap na patuloy na matuto sa buong buhay natin, masusuportahan din natin ang iba sa paggawa nito. Ang pagtulong sa iba sa kanilang paglalakbay sa patuloy na pagkatuto ay hindi nangangahulugang kailangang maging isang guro ka sa paaralan. Maaaring ang ibig sabihin nito ay bigyang-inspirasyon ang iba na patuloy na matuto sa pamamagitan ng ating kasiglahan sa paggawa nito. Maaaring mangahulugan ito ng pag-aaral ng bagong kasanayan kasama ang isang kapamilya dahil interesado siya rito, kahit tayo mismo ay hindi interesado sa bagay na iyon.

Maaaring mangahulugan ito ng paghahanap ng pangangailangan sa ating paligid at matutuhan kung paano ito lulutasin kasama ng iba. Nangangahulugan ito ng pagkatuto tulad ng ginawa ng Tagapagligtas at paghahangad na magpatuloy sa pagkatutong iyon sa buong buhay natin dahil “yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag” (Doktrina at mga Tipan 50:24).

Inanyayahan tayo ni Pangulong Nelson na “ipagpatuloy ang inyong pag-aaral … sa anupamang paraan na pinakamainam na mapaglilingkuran ninyo ang inyong pamilya at lipunan.”12 Walang dalawang karanasan sa mundo o pag-aaral ang magkapareho, ngunit habang patuloy tayong natututo at umuunlad sa buong buhay natin, makagagawa tayo ng kakaibang epekto na hindi magagawa ng sinuman.

Mga Tala

  1. Henry B. Eyring, “Learning Who You Really Are” (Ensign College devotional, Nob. 6, 2018), ensign.edu/devotionals.

  2. Russell M. Nelson, “Where Is Wisdom?,” Ensign, Nob. 1992, 6.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan: Isang Gabay sa Paggawa ng mga Pagpili (buklet, 2022), 31.

  4. David A. Bednar, “An Apostle Describes a Latter-day Work” (mensaheng ibinigay sa National Press Club sa Washington, D.C., Mayo 26, 2022), newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  5. David A. Bednar, “An Apostle Describes,” newsroom.ChurchofJesusChrist.org.

  6. Dieter F. Uchtdorf, “Dalawang Alituntunin para sa Alinmang Pamumuhay,” Liahona, Nob. 2009, 58.

  7. Dallin H. Oaks at Kristen M. Oaks, “Pagkatuto at mga Banal sa mga Huling Araw,” Liahona, Abr. 2009, 31.

  8. Henry B. Eyring, “Do What They Think You Can’t Do,” New Era, Okt. 1989, 6.

  9. Jeffrey R. Holland, “Ito, ang Pinakadakila sa Lahat ng Dispensasyon,” Liahona, Hulyo 2007, 20.

  10. Mga Paksa ng Ebanghelyo, “Edukasyon,” churchofjesuschrist.org/study/manual/gospel-topics/education?lang=tgl.

  11. Russell M. Nelson, “Ano ang Pipiliin Ninyo?,” Liahona, Ene. 2015, 20.

  12. Russell M. Nelson, “Where Is Wisdom?,” 6.