Pagkatuto at mga Banal sa mga Huling Araw
Ang pagtatamo ng kaalaman ay panghabambuhay at sagradong gawain, na nakalulugod sa ating Ama sa Langit at lubhang pinahahalagahan ng Kanyang mga lingkod.
Siya na pumapasok sa mundo ng karunungan ay dapat tularan ang paglapit ni Moises sa nagliliyab na palumpong; nakatayo siya sa banal na lupa; magtatamo siya ng mga bagay na sagrado,” sabi ni Pangulong J. Reuben Clark Jr. (1871–1961), miyembro ng Unang Panguluhan, sa pananalita sa inagurasyon ng isang bagong pangulo ng Brigham Young University. “Kailangan nating simulan ang paghahanap ng katotohanan—sa lahat ng bahagi ng anumang kaalaman ng tao, hindi lamang nang mapitagan, kundi nang may pagsamba.”1
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw naniniwala tayo sa edukasyon, at may pilosopiya tayo tungkol sa kung paano at bakit natin ito dapat hangarin. Itinuturo sa atin ng ating relihiyon na dapat nating hangaring matuto sa pamamagitan ng Espiritu at tungkulin nating gamitin ang ating kaalaman para sa kapakinabangan ng sanlibutan.
Ang Paghahanap Natin ng Katotohanan
“Ang [ating] relihiyon … ay nag-uudyok [sa atin] na masigasig na magsaliksik ng kaalaman,” pagtuturo ni Pangulong Brigham Young (1801–77). “Wala nang ibang taong nabubuhay na mas sabik na makita, marinig, at matutuhan at maunawaan ang katotohanan.”2
Ang paghahanap natin ng katotohanan ay dapat maging singlawak ng mga gawain natin sa buhay at singlalim ng itutulot ng ating mga kalagayan. Dapat hangarin ng isang edukadong Banal sa mga Huling Araw na maunawaan ang mahahalagang problema sa relihiyon, katawan, lipunan, at pulitika sa ating panahon. Kapag mas marami tayong alam sa mga batas ng langit at lupa, mas maiimpluwensya natin sa kabutihan ang mga tao sa ating paligid at mas maliligtas tayo sa bulgar at masasamang impluwensyang maaaring lumito at sumira sa atin.
Sa paghahanap natin ng katotohanan, kailangan nating hingin ang tulong ng mapagmahal nating Ama sa Langit. Maitutuon at mapapasidhi ng Kanyang Espiritu ang ating mga pagsisikap na matuto at mapalawak ang kakayahan nating unawain ang katotohanan. Ang pagkatutong ito nang may Espiritu ay hindi lamang sa silid-aralan o sa paghahanda sa pagsusulit sa paaralan natatamo. Angkop ito sa lahat ng ginagawa natin sa buhay at sa bawat lugar na pinaggagawaan natin nito—sa bahay, sa trabaho, at sa simbahan.
Sa paghahangad nating matanggap at gamitin ang patnubay ng Espiritu sa isang mundong nahuhumaling sa mga uso at isyu ng panahon, nahaharap tayo sa pagdagsa ng kadalasa’y mali at walang kabuluhang impormasyong laan ng makabagong teknolohiya. Nanganganib tayong matulad sa tinawag ng isang nagmamasid na “‘mga taong bibingka’—na pinalapad at pinanipis habang kumukonekta tayo sa dagsa-dagsang impormasyon sa internet na makukuha sa pagpindot lang ng isang buton.”3
Inaatake rin tayo ng mga sikat na tagapagsalita sa mga talk show, mga sikolohista sa telebisyon, mga magasin ng moda, at mga komentarista sa media, na ang baluktot na mga pagpapahalaga at kaduda-dudang mga gawi ay umaapekto sa ating mga opinyon at asal. Halimbawa, sabi ni Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985), “Hindi pa kailanman nangyari sa kapanahunan ng mundo na ang papel ng [babae at lalaki] ay napagkamalian.”4
Sa sitwasyong ito, maaaring pahinain ng kalituhan, kabiguan, o pagdududa sa sarili ang ating pananampalataya at ilayo tayo sa Tagapagligtas at sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa mundo. Kung itutuon natin ang ating mga pasiya sa mga uso at kamunduhan, tayo ay “[m]apapahapay dito’t doon at [dadalhin] sa magkabikabila ng lahat na hangin ng aral, sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian” (Mga Taga Efeso 4:14).
Dahil hindi naimpluwensyahan ng popular na opinyon, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay nagtuturo ng mga alituntunin. Napakalaki ng kaibhan. Ang mga uso, moda, at pinababaw na ideolohiya ay madaling kumupas at panandalian lamang. Ang mga alituntunin ay nagsisilbing angkla ng seguridad, direksyon, at katotohanan. Kung matibay nating itutuon ang ating mga huwaran at direksyon sa doktrina at mga alituntunin, tulad ng pagsampalataya sa Panginoong Jesucristo at pagsunod sa propeta, magkakaroon tayo ng ganap na maaasahan at di-nagbabagong gabay sa mga pasiya natin sa buhay.5
Hindi tayo dapat matakot. Itinuro ni Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Alam ng Panginoon kapwa ang kailangan Niyang ipagawa sa inyo at ang kailangan ninyong malaman. Siya ay mabait at alam Niya ang lahat. Kaya asahan ninyo nang may pagtitiwala na Siya ay naghahanda ng mga oportunidad na matuto kayo sa paghahanda para sa inyong paglilingkod. Hindi ninyo ganap na matutukoy ang mga oportunidad na iyon. … Ngunit kapag inuna ninyo ang mga espirituwal na bagay sa inyong buhay, pagpapalain kayong maakay sa isang pagkatuto, at magaganyak kayo na lalo pang magsikap.”6
Personal na Pagkamarapat
Ang ating mga pagsisikap na matuto ay dapat haluan ng personal na pagkamarapat para patnubayan ng Espiritu Santo. Dapat nating iwasan ang kawalang-puri, pornograpiya, at mga adiksyon gayundin ang mga di-magandang saloobin sa iba o sa ating sarili. Itinataboy ng kasalanan ang Espiritu ng Panginoon, at kapag nangyari iyon, naglalaho ang natatanging inspirasyon ng Espiritu at aandap ang pinagmumulan ng pagkatuto.
Sa makabagong paghahayag may pangako sa atin na kung nakatuon ang ating mata sa kaluwalhatian ng Diyos, na kinabibilangan ng personal na pagkamarapat, ang ating “buong katawan ay mapupuno ng liwanag, at walang magiging kadiliman sa [atin]; at yaong katawan na puno ng liwanag ay nakauunawa sa lahat ng bagay” (D at T 88:67).
Mapapatunayan natin ang walang hanggang alituntuning ito sa personal nating karanasan kamakailan. Gunitain ang panahon na kayo ay mahilig magalit, makipagtalo, o mang-away. Nakapag-aral ba kayo nang maayos? Nakatanggap ba kayo ng anumang kaliwanagan noong panahong iyon?
Ang kasalanan at galit ay nagpapadilim ng isipan. Nagbubunga sila ng kundisyong salungat sa liwanag at katotohanan na nagtataglay ng katalinuhan, na siyang luwalhati ng Diyos (tingnan sa D at T 93:36). Ang pagsisisi, na naglilinis sa atin mula sa kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, samakatwid ay isang mahalagang hakbang sa landas ng pagkatuto sa lahat ng naghahangad ng liwanag at katotohanan sa pamamagitan ng kapangyarihang magturo ng Espiritu Santo.
Tayo ay di-perpektong mga nilalang, ngunit mapagsisikapan ng bawat isa sa atin na maging mas marapat na makasama ang Espiritu, na magpapalawak sa ating personal na pang-unawa at maghahanda sa atin na mas maipagtanggol ang katotohanan, malabanan ang impluwensya ng lipunan, at magbigay ng magagandang kontribusyon.
Edukasyon
Sa ating mga piniling pag-aralan dapat tayong maghandang itaguyod ang ating sarili at yaong mga aasa sa atin. Dapat tayong magkaroon ng mga kasanayang uupahan ng iba. Kailangan ang edukasyon para sa sarili nating seguridad at kapakanan.
Umaasa ang ating Ama sa Langit na gagamitin natin ang ating kalayaang pumili at inspirasyon sa pagsusuri sa ating sarili at sa ating mga kakayahan at magpapasiya tayo kung ano ang kursong dapat nating pag-aralan. Mahalaga ito lalo na sa mga kabataang nakatapos ng high school at nakapaglingkod na sa misyon at ngayon ay pinag-iisipang magpatuloy sa pag-aaral at maghanapbuhay. Dahil medyo magkaiba ang mga pagpipilian ng kalalakihan at kababaihan, nagsisimula tayo sa halimbawa ng ating magkakaibang karanasan, na naniniwalaang karaniwan ang mga ito sa maraming Banal sa mga Huling Araw.
Elder Oaks: Gaya ng karamihan sa mga kabataang lalaki, ang pag-aaral ko sa paaralan ay dibdiban, patuloy, at udyok ng pangangailangang magkaroon ng kakayahang magtaguyod ng pamilya. Pagkatapos ng kolehiyo nagpatuloy ako sa graduate school. Natustusan ko ito sa pagtatrabaho nang part-time at pag-utang na babayaran kapag lumaki na ang suweldo ko dahil sa pag-aaral ko. Habang ginagawa ko ito ay nag-asawa ako, at nagsimulang magkaanak. Ang suporta ng aking asawa at ang resposibilidad dulot ng lumalaking pamilya ang nagpaganda sa mga marka ko sa eskuwela at labis akong naganyak na magtapos at umasenso sa aking trabaho. Nang makatapos ako sa pag-aaral, iniukol ko ang ilan sa katatamo kong libreng oras sa patuloy na pag-aaral sa aking propesyon at sa pagbabasa pa tungkol sa matagal ko nang gustong mga bahagi ng kasaysayan ng Simbahan at pangkalahatang kaalaman.
Sister Oaks: Ang mga pinagdaraanan at karanasan ng kababaihan sa edukasyon ay kadalasang lubhang kakaiba sa kalalakihan. Lumaki ako sa panahong tila dalawa lang ang kursong pagpipilian ng kababaihan para maitaguyod ang kanilang sarili—pagtuturo at nursing. Ang “problema” ko ay hindi ko gusto ang alinman dito. Ang pagtustos sa aking sarili ay isang bagay na hindi ko inisip na posible o kailangan. Mahilig akong mag-aral, at marunong akong magtrabaho; katunayan, mahilig akong magtrabaho. Marami akong napagtrabahuhan tuwing tag-init, at magaling ako sa eskuwela. Nang magising ako sa katotohanang kailangan kong lubos na suportahan ang aking sarili, natakot ako, na halos hindi makakilos, sa di-inaasahang mga hamon na tila nakaabang sa akin. Wala talaga akong alam na trabaho. Ang mga pinag-aralan ko sa liberal arts ay nakabusog sa aking kaluluwa, pero ngayon kailangan kong busugin ang aking pitaka.
Nag-aral ako sa graduate school para magkaroon ng mga kasanayan para suportahan ang sarili ko. Nagustuhan ko ang bawat minuto ng pag-aaral at hindi lang ng mga bagong ideya natamo ko kundi natuklasan ko rin ang sarili kong mga kakayahan. Kung noon ay mahiyain ako at madaling matakot, ngayon ay may kakayahan at kahusayan na akong harapin ang buhay nang mag-isa.
Mga Sangandaan
Alam natin na wala nang ibang mas nakakalito kaysa di pagkaalam kung ano ang gagawin sa kinabukasan mo, ngunit walang higit na kapaki-pakinabang kaysa pagtuklas sa sarili mong mga kakayahan. Basahin ang inyong patriarchal blessing, isipin ang likas ninyong mga potensyal at talento, at humayo. Gawin ang unang hakbang, at darating ang mga oportunidad. Halimbawa, nang mag-aral si Sister Oaks ng English literature, hindi niya akalaing dadalhin siya nito sa isang limbagan sa Boston. Nang mag-aral si Elder Oaks ng accounting, hindi niya akalaing dadalhin siya nito sa kursong abugasya, sa Brigham Young University, at pagkatapos ay sa Utah Supreme Court. Sa Panginoon, “lahat ng mga bagay ay nagkakalakip na gumagawa sa [ating] ikabubuti” (Mga Taga Roma 8:28), at ang edukasyon natin ay natatamo nang paunti-unti habang nahuhubog sa ating harapan ang ating buhay.
Kailangan tayong mag-ingat sa pagpili ng ating pag-aaralan dahil walang hanggan ang pakinabang ng pagkatuto, at anumang makabuluhang kaalaman o katalinuhan o “alituntunin ng katalinuhan” ang matamo natin sa buhay na ito “ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli” (D at T 130:18).
Nakakapag-alala na napakarami, lalo na sa kababaihan, ang nagdududa at nag-aalinlangan sa kakayahan nilang magtagumpay. Nang magsalita sa mga estudyanteng babaeng nag-aaral ng matematika, agham, at pagka-inhinyero noong Marso 2005, sinabi ng pangulo ng BYU na si Elder Cecil O. Samuelson Jr. ng Pitumpu: “Sinabi sa akin ng isa mga propesor ninyo … na mas maliit ang tiwala ng ilan sa inyo sa inyong mga kakayahan at magiging oportunidad kaysa mga lalaking kaklase ninyo, kahit kitang-kita namang hindi ito totoo. Kailangan talaga ninyong matukoy ang inyong mga talento, kasanayan, potensyal, at kalakasan at huwag malito sa mga talentong bigay ng Diyos sa inyo.”7
Ang mga kababaihan lalo na ay maaaring makarinig ng hindi maganda kapag hinangad nilang makapagtrabaho ayon sa kanilang propesyon. Isang bata pang miyembrong babaeng mahigit 25 anyos na at kailangang tustusan ang kanyang sarili ang humingi ng payo sa isang liham. Ipinagtapat niya na kinausap niya ang isang lider ng Simbahan tungkol sa plano niyang mag-aral ng abugasya at hindi siya sinuportahan nito. Hindi natin alam ang kanyang mga kakayahan o limitasyon; ang payong natanggap niya ay maaaring naaayon doon o sa inspirasyong natatangi sa kanyang sitwasyon. Ngunit ang kanyang determinasyon ay madarama sa bawat pahina ng kanyang liham, at malinaw na dapat siyang payuhang abutin ang ganap na antas ng kanyang potensyal.
Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, bilang bahagi ng kanyang mensahe sa general Relief Society meeting na ginanap noong Setyembre 29, 2007, sa mga kababaihan: “Huwag manalangin at humingi ng gawaing katumbas ng inyong kakayahan, kundi manalangin na magkaroon ng mga kakayahang tutulong para maisagawa ang inyong gawain. Sa gayon ang inyong pag-unlad ang magiging himala, hindi ang gawain.”8
Mag-ingat na sa pangangailangang makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng pinansyal na seguridad, baka matukso ang kalalakihan o kababaihan na huwag munang mag-asawa. Talagang hindi matalinong magtapos muna ng kurso para mawalan ng panahon ang isang tao sa pag-aasawa, na walang hanggan ang halaga, dahil hindi ito akma sa planong umasenso sa trabaho, na makamundo ang halaga.
Sinamahan ng isang kaibigan ang kanyang anak na babae sa paghahanap ng graduate school sa silangang Estados Unidos. Alam ng kanyang determinado at matalinong anak na babae na kapag pinili niyang pumasok sa pinakamahusay na paaralan, magkakautang siya nang malaki para makapag-aral. Kadalasa’y sulit magbayad sa mahusay na paaralan, pero sa kasong ito, nagdasal ang kanyang anak at nadama nito na kahit hindi makahadlang ang malaking pagkakautang sa kanyang pag-aasawa, baka kalaunan ay makahadlang ito sa pagtigil niya sa trabaho para manatili sa bahay para sa kanyang mga anak. Maging matalino. Magkakaiba ang bawat isa sa atin. Kung hihingin ninyo ang Kanyang payo, ipaaalam sa inyo ng Panginoon kung ano ang pinakamainam para sa inyo.
Kasabikang Matuto
Itinuro ni Elder Jay E. Jensen ng Panguluhan ng Pitumpu na lagi nating kailangang “patuloy na matuto at umunlad.”9 Ang pag-unlad na iyon ay dapat hasain ng hangaring matuto, na ginagabayan ng walang hanggang mga priyoridad.
Maliban sa pagpapaunlad ng mga kwalipikasyon natin sa trabaho, hangarin nating matuto kung paano maging mas masaya ang damdamin, mas sanay sa mga personal na pakikitungo, at mas mabubuting magulang at mamamayan. May ilang bagay na mas nakasisiya at masaya kaysa matuto ng bago. Dito nanggagaling ang malaking kaligayahan, kasiyahan, at gantimpalang pinansyal. Ang edukasyon ay hindi limitado sa pag-aaral sa eskuwela. Ang habambuhay na pagkatuto ay makadaragdag sa kakayahan nating magpasalamat at masiyahan sa mga likha at ganda ng mundo sa ating paligid. Ang ganitong klase ng pagkatuto ay higit pa sa mga aklat at paggamit ng bagong teknolohiya, tulad ng Internet. Kabilang dito ang mga malikhaing gawain. Kabilang din dito ang mga karanasan sa mga tao at lugar: pakikipag-usap sa mga kaibigan, pagbisita sa mga museo at konsiyerto, at mga oportunidad na maglingkod. Kailangan nating paunlarin ang ating sarili at maglakbay.
Maaaring mahirapan tayong kamtin ang ating mga mithiin, ngunit maaari tayong matuto sa ating mga pakikibaka na tulad sa ating pag-aaral. Ang kalakasang tinaglay natin sa pagdaig sa mga hamon ay mapapasaatin sa darating na mga kawalang-hanggan. Hindi tayo dapat mainggit sa mga taong madali itong nakamit dahil sa yaman o talino. Ang pag-unlad ay hindi kailanman madali, at ang mga taong hindi nahirapan ay kakailanganing dumanas ng pag-unlad sa pagsasakripisyo ng ibang bagay o hindi sila uunlad na siyang layunin ng buhay.
Higit sa lahat, obligasyon nating ipagpatuloy ang ating espirituwal na edukasyon sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at literatura ng Simbahan at sa pagsisimba at pagpunta sa templo. Ang pagpapakabusog sa mga salita ng buhay ay magpapahusay sa atin, magpapaibayo ng ating kakayahang turuan ang ating mga minamahal, at maghahanda sa atin para sa buhay na walang hanggan.
Ang pinakalayunin ng edukasyon ay gawin tayong mas mabubuting magulang at lingkod sa kaharian. Sa huli’y pag-unlad, kaalaman, at karunungang natatamo natin ang nagpapalaki sa ating mga kaluluwa at naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan, hindi ang mga markang nakuha natin sa pag-aaral sa kolehiyo. Ang mga bagay ng Espiritu ay mga bagay na walang hanggan, at ang mga ugnayan natin sa pamilya, na ibinuklod sa kapangyarihan ng priesthood, ang pinakadakilang bunga ng Espiritu. Ang edukasyon ay kaloob ng Diyos; ito ay isang batong panulok ng ating relihiyon kapag ginagamit natin ito para makinabang ang iba.