2009
Iligtas Po Sana Ninyo ang Tatay Ko
Abril 2009


Iligtas Po Sana Ninyo ang Tatay Ko

Ang tatay ko ang naghanap ng katotohanan at nakakilala sa mga misyonero. Itinuro nila sa amin ang ebanghelyo, at di nagtagal, kami—mga magulang ko at limang magkakapatid na lalaki at babae—ay nabinyagan. Lumakas ang aming patotoo. Napakaraming bagay kaming natutuhan, lalo na tungkol sa Tagapagligtas at mga pamilya.

Noong 1992, habang naglilingkod bilang bishop ng aming ward sa Pilipinas, inatake sa puso ang tatay ko. Isinugod siya sa ospital mula sa kanyang opisina. Nang mabalitaan naming nasa intensive care unit siya, lubhang nabigla ang pamilya ko. Takot na takot kami. Kakatiting ang tsansang mabubuhay ang tatay ko. Umiyak ang nanay ko at hiniling na manalangin kaming lahat.

Hindi ko na napansin ang oras pagkatapos niyon—napuno ng mga alaala ng tatay ko ang aking isipan. May luha sa aking pisngi, lumuhod ako para manalangin. Napakabigat ng puso ko, at parang sasabog ang dibdib ko. Gusto kong sumigaw para mawala ang kirot at takot na sumaklot sa akin noong araw na iyon. Sa halip ay idinalangin ko na lang, “Iligtas po sana Ninyo ang tatay ko.” Taos ang panalanging iyon, na hangad kong mapakinggan.

Nang gabing iyon pinapasok ako sa intensive-care unit. Nakoma na ang tatay ko, at inihanda namin ng nanay ko at mga kapatid ang aming sarili sa pinakamalungkot na mangyayari. Masakit na karanasan ito para sa aming pamilya. Tila malabo at walang katiyakan ang kinabukasan. Habang tahimik akong nagpapaalam sa kanya, naalala ko ang una naming family home evening. Pinanood namin ang pelikula ng Simbahan na, Families Are Forever.

Bago ako nahiga sa gabing iyon, payapang bumalik ang tatay ko sa kanyang Ama sa Langit.

Ang pagpanaw ng tatay ko, noong 22 ako, ang naging simula ng daan-daang pagbabago sa buhay ko. Sa kanyang pagkawala nalaman ko na may mga kalakasan akong hindi ko alam. Mas marami akong nagawa sa buhay ko na higit pa sa maaari kong magawa dahil nagkaroon ako ng pagbabago at pag-unlad.

Nang hindi ipagkaloob ng Ama sa Langit ang aking panalangin, hindi ko inisip kailanman na hindi Niya ako narinig. Alam kong nakikinig Siya. Alam na alam Niya ang mga pinagdaraanan ko noon. Alam na alam Niya kung ano ang kailangan ng aming pamilya sa oras na iyon, at iyon ang ibinigay Niya sa amin—lakas na madaig ang mga hamon sa buhay, lakas na harapin ang katotohanan. Tinuruan Niya kaming harapin ang aming mga pagsubok nang may pananampalataya.

Mahigit 15 taon na ang nakaraan mula noong masaklap na araw na iyon. Patuloy pa rin akong natututo, at lumalakas sa ebanghelyo. May sariling pamilya na ako ngayon, at napakasaya ko na nabuklod kami sa templo. Hindi ko kailanman tatalikdan ang plano ng ebanghelyo na itinuro sa amin ng tatay ko.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo, alam ko na balang araw ay muling magsasama-sama ang pamilya ko. Mahaba pa ang lalakbayin ko, pero masaya akong isipin na makikita kong muli ang tatay ko sa dulo ng paglalakbay na iyon.