Halina’t Pakinggan ang Tinig ng Isang Propeta
Pagbabalik nang Ligtas sa Ama sa Langit
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2007.
Itinuro ni Pangulong Uchtdorf na dahil sa Pagbabayad-sala, makapagsisisi tayo at palaging magkakaroon ng pag-asa.
Ang Hangganan ng Ligtas na Pagbalik
Sa pagsasanay kong maging kapitan ng eroplano, kinailangan kong matuto kung paano paliparin ang eroplano sa malalayong distansya. Ang mga paglipad sa ibabaw ng karagatan, pagtawid sa malalawak na disyerto, at pagdurugtong sa mga kontinente ay nangangailangan ng maingat na pagpaplano para matiyak ang ligtas na pagdating sa nakaplanong destinasyon. Ilan sa mga tuluy-tuloy na paglipad na ito ang maaaring tumagal hanggang 14 na oras at sumakop sa halos 9,000 milya (14,500 km).
May mahalagang pasiyang gagawin sa gayon katatagal na paglipad na kilala bilang hangganan ng ligtas na pagbalik. Pagdating sa hangganang ito may sapat na langis ang eroplano para pumihit at ligtas na makabalik sa pinagmulang paliparan. Paglagpas sa hangganan ng ligtas na pagbalik, wala nang pagpipilian ang kapitan at kailangan niyang magpatuloy. Iyan ang dahilan kaya madalas tukuyin ang hangganang ito bilang hangganang wala nang balikan.
Hindi Pa Huli ang Lahat
Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lagpas na tayo sa “hangganang wala nang balikan”—na huli na ang lahat para baguhin pa ang ating landas. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ang kaloob ng Diyos sa Kanyang mga anak upang iwasto at daigin ang mga bunga ng kasalanan. Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng katiyakan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na ang kasalanan ay hindi isang hangganang wala nang balikan. Posible ang ligtas na pagbalik kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan.
Palaging May Pag-asa
Saanman kayo mapadpad sa paglalakbay na ito sa buhay, anuman ang makaharap ninyong mga pagsubok, palaging may hangganan ng ligtas na pagbalik; palaging may pag-asa. Kayo ang namamahala sa inyong buhay, at naghanda ng plano ang Diyos para maibalik kayo nang ligtas sa Kanya, sa inyong banal na destinasyon.
Ang kaloob na Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naglalaan sa atin ng mga pagpapala ng pagsisisi at kapatawaran sa lahat ng panahon at lugar. Dahil sa kaloob na ito, may pagkakataon tayong lahat na makabalik nang ligtas mula sa mapanganib na landas ng kasalanan. Ang kaligayahan sa buhay na ito at walang hanggang kagalakan sa buhay na darating ang ating magiging gantimpala kung pipiliin nating tanggapin at iangkop sa ating buhay ang kaloob na ito ng ating Ama sa Langit.