2009
Hindi Pagpupuyat
Abril 2009


Hindi Pagpupuyat

Nang magtatapos na ako sa kolehiyo, nalaman kong pinagpala ng mga alituntunin ng ebanghelyo ang sekular—maging ang espirituwal—na buhay ko.

Kahit noong dalagita pa ako, karamihan sa mga tungkulin ko sa Simbahan ay pagtuturo sa mga batang Primary, at ito ang nakaimpluwensya sa pasiya kong kumuha ng degree sa elementary education. Pero hindi lang pagpili ng kurso ang naapektuhan ng mga turo ng Simbahan sa pag-aaral ko. Malinaw na malinaw na sa akin iyan nang maghanda ako sa pagtatapos.

Ang huling proyektong kinailangan kong tapusin ay ang huling thesis na dedepensahan ko sa harap ng tatlong hurado. Ang mga hurado ay ilan sa mga gurong nagturo sa mga klase ko.

Nang matapos ko ang thesis, sa gabi bago ang pagdedepensa ilang oras kong nakasama ang pamilya ng nobyo ko. Nang pauwi na ako, sinabi ng nanay niya na umaasa siyang magiging maayos ang lahat at sinabing, “Kung [ikaw] ay handa [ikaw] ay hindi matatakot” (D at T 38:30).

Sumapit ang bukas. Napakaraming alaalang pumasok sa isipan ko. Naalala ko kung paano ko ipinasiyang iwan ang lungsod na kinalakhan ko para magpatuloy sa pag-aaral; naalala ko ang lahat ng sakripisyo ng pamilya ko para tustusan ako. Hindi ko sila maaaring biguin. Kailangan kong magtagumpay sa huli kong pagsusulit.

Hinihintay din ng mga kaklase ko ang kanilang pagsusulit. Nag-alala kaming lahat sa mga maaaring itanong ng mga hurado, pero panatag ako dahil humingi ako ng tulong sa panalangin at dahil alam kong alam ng Diyos ang pagsisikap kong mag-organisa, magsaliksik, at magsulat ng thesis ko.

Ako na. Matapos ipaliwanag ang thesis ko sa panel, sinimulan kong sagutin ang mga tanong. Matapos ang ilang tanong tungkol sa paksang tinalakay ko, nagtanong ang isa sa mga hurado, “Gaano katagal mong ginawa ang thesis na ito?”

“Matagal po,” sagot ko. “Ginawa ko ang lahat ng kaya ko dahil gusto kong maghandog ito ng mga bagong ideya.”

“Nagpuyat ka?”

“Hindi po, hindi ko gawing magpuyat sa paggawa ng gawain sa eskuwela,” sabi ko. “Pinaplano ko ang buong maghapon ko para matapos ang gawain ko.”

Kita sa mukha ng mga hurado na nagulat sila. Muling nagsalita ang hurado, “Nakakapagtaka na talagang inamin mong hindi ka nagpuyat. Alam naming nagpuyat ang mga kaklase mo, nang ilang gabi.”

Sabi ng isa sa iba pang mga hurado, “May sasabihin ako sa inyo tungkol sa estudyanteng ito. May panahon siya para sa lahat ng bagay. Masasabi ko iyan dahil kilala ko siya. May panahon siya para sa kanyang pag-aaral, mga kaibigan, pamilya, at nagsisimba pa siya.”

“Talaga?” muling nagulat ang isa pang hurado. “Saan ka nagsisimba?”

“Ako po ay miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”

“Ah, oo, alam ko kung anong simbahan iyan,” sabi ng isa.

“At tinuturuan kaming matulog nang maaga para masigla kami kinabukasan.”

Nakadama ako ng kapanatagan at seguridad sa pagsasalita tungkol sa ebanghelyo, kahit nagulat akong matanong tungkol sa relihiyon sa oras ng propesyonal na pagsusulit.

“Madamdamin ang pagkasulat ng thesis mo. Napakahusay. Palagay ko bunga rin ito ng mga gawi na ikinintal sa iyo ng simbahan mo.”

“Opo,” sabi ko. “Tinuruan ako sa simbahan kung paano turuan ang mga bata, at talagang nakatulong ito sa kurso ko.”

“Para kang isdang magaling lumangoy sa tubig sa husay mo,” pagbibiro ng isa sa mga hurado. “Umaasa kaming hindi ka titigil sa pagsisimba, dahil malaki ang utang na loob mo sa mga pagpapahalagang natutuhan mo roon.”

Di nagtagal pinayagan na akong lumabas ng silid para makapagpasiya na ang mga hurado. Pagkaraan ng dalawang minuto pinabalik nila ako.

“Hindi kami nahirapang magpasiya. Dahil sa bukod-tangi mong pag-uugali, sa matataas mong marka, at sa thesis na idinipensa mo ngayon, nagkaisa kami na karapat-dapat kang magtapos, nang may karangalang-banggit. Binabati ka namin!”

Nang ibalita ko ito sa aking pamilya, naiyak sila sa galak.

Pinatototohanan ko na nang utusan tayo ng Ama sa Langit na “magpahinga sa [ating] higaan nang maaga, upang kayo ay hindi mapagal; gumising nang maaga, upang ang inyong mga katawan at inyong mga isip ay mabigyang-lakas” (D at T 88:124, ginawa Niya ito para pagpalain tayo. Nagpapasalamat ako sa Kanya sa pagtutulot na mapaligaya tayo ng ebanghelyo sa lahat ng aspeto ng ating buhay.

Paglalarawan ni Christina Smith