Sabik na matuto
“Maghangad na matuto, maging sa pamamagitan ng pag-aaral at gayon din sa pamamagitan ng pananampalataya” (D at T 88:118).
Maingat na inilagay ni Russell ang dalawang lapis at kuwaderno niya sa kanyang bag. Sinuklay niya ang kanyang buhok at tiningnan kung ayos na ang kanyang damit. Matapos yakapin ang kanyang nanay para magpaalam, tumakbo na siya sa hintayan ng bus. Parang sasabog ang dibdib niya sa kasabikan kung hindi agad darating ang bus. Sabik siyang pumasok sa paaralan sa unang pagkakataon.
Taun-taon, minamasdan ni Russell ang mga kuya at ate niya papunta sa hintayan ng bus, kung saan sila sumasakay papasok sa eskuwela. Gusto niyang sumama sa kanila sa bus. Higit pa rito, gusto niyang matutuhan ang mga natutuhan nila. Gusto niyang pag-aralan pa ang tungkol sa mga dinosaur. Gusto niyang malaman kung paano tumakbo ang tren. Gusto niyang matutong bumasa. Basta alam niyang magugustuhan niyang mag-aral.
Ngumiti ang guro ni Russell, si Gng. Wilson, pagpasok niya sa klase. Ipinakita niya kay Russell kung nasaan ang kanyang upuan. Ipinakita rin nito sa kanya kung saan isasabit ang kanyang bag.
“Siguro mga dinosaur muna ang pag-aaralan namin,” naisip ni Russell.
“Maligayang pagdating sa paaralan,” sabi ni Gng. Wilson. “Magpapakilala tayong isa-isa at magsasabi tungkol sa ating sarili.”
Sumimangot si Russell. “Siyempre, kailangan naming makilala ang lahat,” naisip niya. “Siguro pag-aaralan namin ang mga dinosaur pagkatapos.”
Nang si Russell na ang magpapakilala, sabi niya, “Ako si Russell. Sabik akong matutuhan ang lahat—lalo na tungkol sa mga tren at dinosaur.”
“Magaling, Russell,” sabi ni Gng. Wilson. Ngumiti si Russell. Tiyak niyang di magtatagal ay pag-aaralan nila ang mga tren at dinosaur.
Pero hindi nangyari iyon. Kumain sila ng meryenda at naglaro ng mga block na hugis bilog, tatsulok, at parisukat.
“Gng. Wilson, kailan po natin pag-aaralan ang mga dinosaur at tren?” tanong ni Russell.
“Hindi pa ngayon, Russell,” wika nito. “Ngayo’y oras na para magbasa ng kuwento.”
“Tungkol po ba ‘yan sa mga dinosaur?”
“Hindi, Russell.”
Pagkatapos ng kuwento pinag-aralan nila ang alpabeto. Pagkatapos ay uwian na.
Nagalit si Russell.
Nakasimangot siyang dumungaw sa bintana ng bus. Patakbo siyang umuwi mula sa hintayan ng bus at paragasang pumasok sa pintuan sa harapan. Tumakbo siya sa kanyang silid at isinubsob ang ulo sa kumot.
Pumasok si Inay at hinaplos sa ulo si Russell. “Kumusta ang unang araw mo?” tanong nito.
“Terible po. Wala po akong matututuhan kahit kailan, at ayaw ko na pong bumalik doon. Naglaro lang po kami ngayon ng mga block at nagbasa ng mga kuwento.”
“Siyempre, Russell, unang araw mo pa lang,” sabi ni Inay.
Umupo si Russell at tumingin kay Inay. “Gusto ko pong matuto tungkol sa mga dinosaur at tren at pagbabasa—ngayon.”
Tinabihan ni Inay si Russell sa kama. “Hindi mo matututuhan nang sabay-sabay ang lahat. Kailangan ng panahon sa pag-aaral. At kung mas marami kang natutuhan ngayon, mas marami kang matututuhan kalaunan.”
“Ano po ang ibig ninyong sabihin?” tanong ni Russell.
“Siyempre, kailangan mong matutuhan ang alpabeto bago ka matutong bumasa. At kailangan mong matutuhang magbasa bago mo mabasa ang mga bagay na interesado ka,” sabi nito.
Pinag-isipan ito ni Russell. Siguro may iba pang mga bagay na mapag-aaralan maliban sa mga dinosaur at tren. “Siguro po papasok ako ulit bukas,” sabi niya.
Nginitian siya ni Inay.
“Pero, Inay, palagay po ba ninyo makakakuha tayo ng aklat sa library tungkol sa mga dinosaur?”
“Palagay ko puwede nating gawin ‘yan.”