Pagpapaningas sa Liwanag ng Pag-asa
Para sa libu-libong Banal sa mga Huling araw sa Brazil, ang Perpetual Education Fund ay isang pagpapalang nagpapabago ng buhay.
Nang si Dilson Maciel de Castro Jr. ay mawalan ng trabaho sa São Paulo, lumipat silang mag-asawa sa Recife, isang malaking daungang lungsod sa hilagang-silangang Brazil, para makipisan sa kanyang mga magulang. Sa kabila ng karanasan ni Dilson sa industriyang telekomunikasyon, sunud-sunod na maliliit na trabahong hindi permanente ang tanging napasukan niya sa Recife.
“Napakahirap ng buhay namin noon,” pag-alaala ni Dilson. Lumala ang problema ng mag-asawa nang maubos ang lahat ng ari-arian nila sa baha.
Sa sitwasyong iyon, nakipagkita si Dilson, na nagmisyon sa Brazil São Paulo South Mission, kay Elder Gutenberg Amorim, isang Area Seventy at institute of religion director, para kausapin ito tungkol sa trabaho at pag-aaral. Habang inilalahad ni Dilson ang mga interes niya, tumanggap siya ng inspirasyon na dapat siyang mag-aral ng medisina. Salamat sa noo’y kapapatupad na Perpetual Education Fund (PEF) ng Simbahan, noong 2003 ay nagkatrabaho si Dilson dahil sa inspirasyong iyon kasunod ng 18 buwang pag-aaral ng nursing.
“Kung hindi sa fund na iyon, imposible kong mapag-aralan ang mga kursong kailangan ko,” sabi ni Dilson, na nagtatrabaho sa isang pampublikong ospital sa Recife. Gayundin, hindi sana nakautang ang asawa niyang si Alexsandra para sa edukasyong kailangan niya para maging isang guro sa paaralan.
“Wala kaming trabaho nitong nakaraang anim na taon,” sabi ni Dilson. “Mahalaga ang PEF sa lahat ng naisagawa namin. Nabago nito ang buhay namin.”
Isang Sagot mula sa Panginoon
Kapag inilalarawan ng mga miyembro ng Simbahan sa Brazil ang Perpetueal Education Fund, hindi nila mapigilang gumamit ng matitinding papuri: miraculoso, inspirado, maravilhoso. Iyan ay dahil naisasagawa ng fund ang ipinropesiya ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na isasagawa nito: “Ito ay magiging pagpapala sa lahat ng buhay na maitataguyod nito—sa mga kabataang lalaki at babae, sa kanilang pamilya sa hinaharap, sa Simbahan na mapagpapala ng kanilang matatag na pamumuno,” at iaahon nito ang “libu-libong tao sa kahirapan tungo sa liwanag ng kaalaman at pag-unlad.”1
Nang ipaalam ni Pangulong Hinckley ang programa, ang mga lider ng Simbahan na tulad nina Paulo R. Grahl, area director ng mga seminary at institute of religion sa Brazil, ay nahirapan sa mga problema tungkol sa pag-aaral at trabaho ng mga Banal sa mga Huling Araw—lalo na ng nagsiuwi nang mga misyonero.
“Pero wala kaming maitugon hanggang sa ipahayag ng Panginoon kay Pangulong Hinckley na dapat nating simulan ang napakagandang fund na ito,” sabi ni Brother Grahl. “Dati-rati, marami sa ating mga kabataan ang nagsisiuwi mula sa misyon nang walang kakayahang magpatuloy sa pag-aaral at magtrabaho. Ngayon alam nila na pagbalik nila, nariyan ang fund kung kailangan nila. Malaking pagpapala at pakinabang ito sa mga kabataan. Nagbibigay ito ng pag-asa.”
Tinatayang 10,000 Banal sa mga Huling Araw ang kasalukuyang umaasa sa pautang ng PEF para makapag-aral at pagkatapos ay makapagtrabaho. Malakas ang ekonomiya ng Brazil, at sagana ang oportunidad para sa mga edukado—lalo na kapag ang edukasyon ay sinamahan ng mga katangiang nakuha ng mga kabataan sa misyon.
Paglikha ng mga Bagong Oportunidad
Sabi ni Elder Pedro Penha, Area Seventy at director of the Recife North Institute of Religion, may mga katangian ang nakauwi nang mga misyonero na gusto ng mga kumpanya. “Madali silang makakuha ng trabaho dahil sa kanilang karanasan, mga gawi sa pag-aaral, kaanyuan, at mabuting ugali,” wika niya. “Mabilis silang umasenso, at naaakit ang mga tao sa Simbahan dahil sa ugali nila.”
Matapos maglingkod sa Brazil São Paulo North Mission noong 2002, nangutang si Ricardo Aurélio da Silva Fiusa sa PEF para makakuha ng apat-na-taong kurso sa business administration.
“Natulungan ako ng fund na umunlad, maghandang magtrabaho at makapag-asawa, at higit na makapaglingkod sa Simbahan,” sabi ni Ricardo. Tulad ng maraming nakinabang sa PEF, inalok siya ng trabaho bago pa man siya nakatapos sa kanyang kurso. “Naging pagpapala ang fund sa buhay ko. Nagpapasalamat akong mabayaran buwan-buwan ang utang ko para magamit din ng iba ang fund.”
Sa kanyang misyon natutuhan ni Ricardo na makipag-usap sa mga tao, mag-aral na mabuti, at sumunod—mga katangiang naging dahilan para maging isa siyang magaling na estudyante at empleyado.
“Marami sa mga propesor ko ang nagsabing may kakaiba sa akin na hindi nila maipaliwanag,” sabi ni Ricardo, na nagtatrabaho sa logistics para sa isang kumpanya sa Port Suape, timog ng Recife. “Sinabi ko sa kanila na iyon ay dahil sa mga prinsipyo ko sa relihiyon.” Ang sagot na iyon ang nagbigay ng mga oportunidad para makausap ni Ricardo ang kanyang mga propesor at iba pa tungkol sa Simbahan.
Idinagdag pa ni Mauricio A. Araújo, isa sa nakauwi nang mga misyonero ng Brazil na napagpala ng PEF, “Dahil sa pag-asenso ko sa trabaho, mas marami akong oportunidad na maimpluwensya ng aking halimbawa ang mga tao. Kung minsan sinasabi sa akin ng mga tao, ‘Aba, kakaiba ka. Tapat ka sa asawa mo. Ginagawa mo ang sinasabi mo.’ Sa paghingi ng tulong sa PEF at paggawa ng ating bahagi, natatanggap natin ang mga pagpapala at napagpapala ang iba.”
Si Mauricio, na naglingkod sa Brazil Rio de Janeiro Mission noong mga huling taon ng 1900s, ay nakatanggap ng sunud-sunod na pagtaas sa ranggo mula nang makumpleto niya ang PEF-funded customer-relations management program—mula sa sales hanggang sa team leadership hanggang sa management hanggang sa board of directors ng isang international time-management training company sa São Paulo.
“Ang Perpetual Education Fund ay binigyang-inspirasyon ng Diyos,” wika niya. “Ang fund ang susing kinailangan ko para makatapos sa pag-aaral at umasenso sa trabaho.”
Isang Magandang Pamumuhunan
Kahit hindi isang Banal sa mga Huling Araw si Gabriel Salomão Neto, dama niyang pinagpala rin siya ng Perpetual Education Fund. “Maganda ang ginagawang ito ng inyong simbahan,” wika niya, na nagsasalita para sa maraming empleyado sa Brazil.
May dahilan si Mr. Neto, manedyer at kasosyo ng isang malaking vending-machine company sa São Paulo, para magpasalamat. Hangang-hanga siya sa mga katangian ng miyembro ng Simbahan na si Silvia O. H. Parra, na nagtapos ng business administration sa tulong ng pautang ng PEF, kaya tinanggap niya ito bilang executive secretary niya.
“Gustung-gusto namin ang pagtatrabaho niya. Masipag siya at mahusay. May sampalataya kami sa kanya, at pinagtitiwalaan namin siya,” sabi ni Mr. Nieto. “Sulit ang pamumuhunan ng simbahan ninyo sa kanya—para sa inyo, sa kanya, at sa amin.”
Nagpapasalamat sa Perpetual Education Fund at sa pagiging miyembro niya sa Simbahan, nagtuturo ng English si Silvia sa kanyang São Paulo ward kapwa sa mga miyembro at di-miyembro. “Dahil nakatanggap ako,” wika niya, “nais ko ring magbigay.”
Tulad ng inilalarawan ng tagumpay ni Sylvia, hindi lang mga kabataang lalaki ang nakikinabang sa Perpetual Education Fund sa Brazil. Dahil sa kahirapan, maraming kababaihang Banal sa mga huling araw na kailangan ding humanap ng trabaho.
“Karamihan sa mga babae sa Brazil ay nagtatrabaho hindi dahil gusto nila ng bagong kotse o mamahaling damit kundi dahil kailangan,” sabi ni Lorival Viana de Aguirra, manedyer ng Church employment resource center sa Curitiba, sa katimugang Brazil. “Gusto nilang makakain ng mas masarap ang kanilang pamilya at magkaroon ng sapat na pananamit at may kalidad na edukasyon ang kanilang mga anak.”
Mas Malaking Kaligayahan, Mas Malalakas na Patotoo
Sina Keite de Lima A. Ahmed at Viviana Torres Noguera ay nahirapang pagkasyahin ang kanilang kinikita kahit nagtrabaho nang husto ang kanilang mga asawa para sa pamilya. Para sa dalawa, malaking pagpapala ang PEF.
Gayunman, ang mga di-gaanong aktibong miyembro sa pamilya ni Keith ay nagduda nang magpalista siya para sa 18-buwang safety-technician program. Ngunit napakahusay niya sa kanyang pag-aaral at inalok siya ng full-time na posisyon sa kanyang larangan noong 2007.
“Hindi lang ako tinulungan ng fund na magkaroon ng training at trabaho; tinulungan din ako nitong gumanda ang pakiramdam ko sa aking sarili at higit akong magtiwala sa aking mga kakayahan,” sabi ni Keite, isa sa mga unang babaeng natanggap upang magsagawa ng safety inspections, training, at implementasyon sa isang kumpanya sa São José dos Pinhais, malapit sa Curitiba. “Ang inspiradong programang ito ay nagdulot ng mas malaking kaligayahan at mas malalakas na patotoo sa aming pamilya,” wika niya.
Ang mga magulang at kapatid ni Keite, na humanga sa kanyang nagawa at determinasyon at kung paano pinagpala ng PEF ang kanyang pamilya, ay bumalik sa pagkaaktibo sa Simbahan. “Naalala nila na pinasisigla ng Simbahan ang mga tao at tinutulungan silang umunlad sa maraming paraan—hindi lamang sa espirituwal kundi maging sa lahat ng mahahalagang paraang magpapakumpleto sa buhay,” wika niya.
Si Viviana at ang asawa niyang si Rafael ay lumipat mula sa Colombia patungong Manaus, isang malaking sentro ng industriya sa hilagang Brazil, noong 2002 para maghanap ng pagkakakitaan. “Panalangin, mga pagpupulong ng pamilya, patnubay ng mga priesthood leader, at mga klase sa career workshop ang tumulong para malaman namin ang nais ng ating Ama sa Langit para sa amin at makagawa kami ng tamang pasiya sa tamang panahon,” sabi ni Viviana, na nahikayat umutang sa PEF para mag-aral ng international business.
Noong 2007 nagtrabaho si Viviana bilang tagapangasiwa ng mga importasyon para sa isang supermarket sa Manaus. Kailangang maragdagan ang kita ng kanyang pamilya, pero manganganak na siya, napilitan siyang magbitiw sa trabaho. Ilang buwan matapos ang batang iyon—na pang-apat na anak ng mag-asawa—ay isilang, may nag-alok ng trabaho kay Viviana bilang direktor ng international commerce para sa ibang kumpanya. Sa panahong ito marunong na siyang magsalita ng Portuges, at dahil sa kanyang katutubong wikang Espanyol ay naging napakahalaga niya sa pakikipagkalakal sa mga lugar sa paligid ng Brazil na nagsasalita ng Espanyol.
“Nang ialok sa akin ang trabaho, sabi ko, ‘Apat ang anak ko. Hindi ko maipapangakong magtatrabaho ako mula alas-8:00 n.u. hanggang alas-6:00 n.g.,’” sabi ni Viviana. “Sinabi sa akin ng boss ko na malaki ang tiwala niya sa mga kakayahan ko, at sabi, “Kailangan ko ng isang maaasahan. Magtrabaho ka sa bahay.’ Nagulat ako roon.”
Gamit ang Internet at isang computer, nagtatrabaho si Viviana sa bahay habang nasa eskuwela ang mga anak niya at naiidlip ang kanyang sanggol. Paminsan-minsan lang siya kailangang pumunta sa opisina.
Itinuturing ni Rafael na hindi lang nagkataon ang mga pagpapalang iyon sa pamilya. “Ang mga pagpapalang natanggap namin ay nagmula sa sunud-sunod na mapanalanging pagpapasiya at mga nagawa dahil sa tulong ng Simbahan,” wika niya.
Ang Liwanag ng Pag-asa
Ayon kay Gilmar Dias da Silva, PEF director sa Brazil, ilan sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Brazil ang nahihirapang magkatrabaho pagkatapos makapag-aral, “ngunit karamihan sa mga lumahok sa PEF ay umaasenso sa trabaho at gumaganda ang buhay. Matagumpay ang fund dito.”
Ang tagumpay na iyon, sa mga salita ni Pangulong Thomas S. Monson, “ay nagbigay ng pag-asa sa mga walang kakayahang baguhin ang kanilang buhay ngunit ngayon ay may pagkakataon nang mapaganda ang kinabukasan.”2