Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang mga mungkahing ito sa pagtuturo ay magagamit sa loob ng klase gayundin sa tahanan. Maaari ninyong iakma ang mga ideyang ito sa inyong pamilya o sa klase.
“Ano ang Kahulugan ng Pagbabayad-sala sa Inyo?” p. 14: Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na ibahagi ang lahat ng alam nila tungkol kay Nephi. Magtanong kung bakit nila ipinalalagay na masaya siya kahit dumanas siya ng mahihirap na pagsubok (tingnan sa 2 Nephi 5:27). Ibuod ang bahaging “Kaligayahan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala.” Talakayin kung paano nilutas ni Nephi ang kanyang mga problema at paano maaangkop ang kanyang paraan sa inyong pamilya. Magwakas sa pagbasa sa huling dalawang talata ng artikulo.
“Pag-aaral at mga Banal sa mga Huling Araw,” p. 26: Basahin nang mas maaga ang artikulo at pumili ng mga talatang may pinakamalaking kahulugan sa inyong pamilya. Ipabasa sa mga kapamilya ang piniling mga talata at talakayin ang binasa nila. Magwakas sa pagbasa sa huling dalawang talata ng artikulo.
“Ang mga Pangako ng Isang Propeta,” p. K6: Matapos basahin ang artikulo, ipabuklat sa mga kapamilya ang kanilang mga banal na kasulatan at pasubukin silang basahin nang pabaligtad ang isang talata. Talakayin kung paano pagpapalain ng regular na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ang bawat kapamilya. Basahing muli ang pangakong ibinigay ni Pangulong Ezra Taft Benson (tingnan sa simula ng artikulo), at mithiing patuloy na basahin nang regular at sama-sama ang mga banal na kasulatan.
“Sabik na Matuto,” p. K12: Anyayahan ang mga bata na magsalitan sa pag-arte ng isang propesyon nang hindi nagsasalita, at pahulaan ito sa iba. Talakayin kung ano ang kailangang matutuhan ng mga kapamilya para makapagtrabaho sa propesyong iyon. Basahin ang kuwento. Tukuyin ang mga bagay na kailangang malaman ni Russell bago siya matuto tungkol sa mga dinosaur. Magwakas sa pagbasa sa Doktrina at mga Tipan 88:118.