2009
Si Jesucristo ay Aking Tagapagligtas
Abril 2009


Oras ng Pagbabahagi

Si Jesucristo ay Aking Tagapagligtas

“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).

Bago tayo ipinadala ng Ama sa Langit dito sa lupa, pinili Niya si Jesucristo na maging pinuno at Tagapagligtas natin. Pinili ninyong sundin si Jesucristo bago kayo isinilang.

Nang pumarito si Jesus sa lupa, itinuro Niya ang ebanghelyo at itinatag ang Kanyang Simbahan. Tinupad Niya ang Kanyang pangako na maging Tagapagligtas natin. Siya ay nagdusa at namatay at nabuhay na mag-uli upang tayo ay mabuhay na mag-uli at muling makapiling ang Ama sa Langit at ang ating mga pamilya.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan ang maraming pagpapalang ginawang posible ni Jesucristo. Naaalala ba ninyo ang kuwento tungkol sa panaginip ni Lehi? Nakita ni Lehi ang isang puno. Ang puno ay sagisag ng pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo.

May bunga ang puno na magpapaligaya sa mga tao. Tinikman ni Lehi ang bunga, at napuspos siya ng malaking galak. Gusto ni Lehi na matikman ng kanyang buong pamilya ang bunga. (Tingnan sa 1 Nephi 8:10–12).

Ang bunga ng puno ay sagisag ng mga pagpapalang natatanggap natin dahil kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Natitikman natin ang bunga kapag nagtitiwala tayo kay Jesucristo, kapag nabinyagan tayo at tumanggap ng Espiritu Santo, at namumuhay ayon sa ebanghelyo at nadarama natin ang pagmamahal ng ating Tagapagligtas.

Aktibidad

Pilasin ang pahina K5, at idikit sa matigas na papel. Gupitan nang maikli ang puno sa mga puting linya, at gupitin ang bunga. Para sa bawat bunga, hanapin ang banal na kasulatan, tukuyin ang pagpapalang bigay sa atin ng Ama sa Langit, at isulat ito sa linya. Isiksik ang tab ng bunga sa maikling gupit sa puno.

Moroni 6:8_____________

Mosias 16:7–8_____________

Juan 14:27_____________

Mga Hebreo 12:2_____________

2 Nephi 31:20_____________

3 Nephi 19:21_____________

Juan 8:12_____________

Moroni 8:17_____________

3 Nephi 27:13_____________

Moroni 7:41_____________

Mga Ideya sa Oras ng Pagbabahagi

  1. Sa buhay bago ako isinilang, pinili kong sundin si Jesucristo. Magpabanggit sa mga bata ng ilan sa mga pagpiling ginawa nila sa araw na iyon (isusuot, kakainin, at kung anu-ano pa). Isulat sa pisara ang mga sagot. Ipaliwanag na binigyan tayo ng Ama sa Langit ng kalayaang pumili, ang kakayahang magpasiya. Ituro ang tungkol sa Kapulungan sa Langit, nang ilahad ng Ama sa Langit ang Kanyang plano. Ipaliwanag na ang paggamit ng ating kalayaang pumili ay mahalagang bahagi ng planong iyon. Tulungan ang mga bata na maunawaan na gustong baguhin ni Satanas ang plano at alisin ang kakayahan nating pumili. Gustong sundin ni Jesucristo ang plano ng Ama sa Langit at nagboluntaryong maging Tagapagligtas natin. Bigyang-diin sa mga bata na pinili nilang sundin si Jesucristo (tingnan sa Primarya 6, aralin 2). Sumulat ng mga tanong para tulungang marepaso ng mga bata ang natutuhan nila. Ilagay ang mga tanong sa isang lalagyan. Pumili ng isang batang dudukot ng isang tanong mula sa lalagyan at sasagutin ito. Pagkatapos ay papiliin ang batang iyon ng ibang dudukot ng isang tanong at sasagutin ito. Magpatuloy habang may oras pa. Patotohanan ang kahalagahan ng patuloy na pagsunod kay Jesucristo.

  2. Kami ng pamilya ko ay mabubuhay na mag-uli. Bago magsimula at sa pahintulot ng bishop o branch president, anyayahan ang isang miyembrong namatayan ng mahal sa buhay na magpatotoo tungkol sa kahulugan ng Pagkabuhay na Mag-uli sa kanya. Isalansan ang mga Gospel Art Picture Kit ayon sa sumusunod na pagkakasunud-sunod na nasa ibabaw ang 227: 227 (Nagdarasal si Jesus sa Getsemani), 228 (Ang Pagkakanulo kay Jesus), 230 (Ang Pagpapako sa Krus), 231 (Libing ni Jesus), 233 (Si Maria at ang Nabuhay na Mag-uling Panginoon), 234 (Ipinakita ni Jesus ang Kanyang mga Sugat), at 316 (Nagtuturo si Jesus sa Western Hemisphere). Habang tumutugtog ang piyanista, ipapasa sa mga bata ang isang maliit na bato. Sabihin sa kanila na simbolo ito ng batong iginulong sa pasukan ng libingan ni Cristo. Kapag huminto ang musika, ipakuha sa batang may hawak ng bato ang larawan mula sa ibabaw ng salansan at pagsalitain ito tungkol doon o pumili ng tutulong sa kanya. Ituloy para sa bawat larawan, at huminto pagkatapos ng 234 para basahin ang Lucas 24:39 nang sabay-sabay. Tulungan ang mga bata na maunawaan na nang mabuhay na mag-uli si Jesus, nahawakan ng mga Apostol ang Kanyang mga kamay tulad ng paghawak ng mga bata sa sarili nilang mga kamay. Ituloy ito sa natitirang mga larawan. Ituro na dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, lahat ng nanirahan sa mundo ay mabubuhay na mag-uli. Anyayahang magpatotoo ang inimbitahang panauhin.

Paglalarawan ni Brad Teare