Kaibigan sa Kaibigan
Ang mga Pangako ng Isang Propeta
“Saliksikin ang mga kautusang ito, sapagkat ang mga ito ay tunay at tapat, at ang mga propesiya at pangako na nasa mga ito ay matutupad na lahat” (D at T 1:37).
Sa buong buhay ko natutuhan ko na kapag sinusunod natin ang mga turo ng ating mga propeta, tinatanggap natin ang mga ipinangakong pagpapala. Sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 1986, ipinangako ni Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994) na kung regular at sama-samang magbabasa ng mga banal na kasulatan ang mga pamilya, mapupuspos ng Espiritu ang kanilang mga tahanan.1
Ipinasiya namin ng mahal kong asawa na sundin ang payong iyan. Minithi naming magbasa ng isang kabanata sa isang araw mula sa Aklat ni Mormon kasama ang aming tatlong anak—sina Jorge, 10; Susi, 9; at Luis, 3. Nagbasa kami araw-araw, bawat isa sa amin ay nagbabasa ng isang talata. Kahit hindi pa makabasa si Luis, gusto niyang sumali. Kumandong siya, nang paharap sa akin, at nasa pagitan namin ang Aklat ni Mormon. Nang ako na ang babasa, kapwa namin sinundan ang daliri kong nakaturo sa bawat salita, at malakas na inulit ni Luis ang bawat salitang binasa ko habang nakatingin sa mga salitang iyon nang pabaligtad.
Bago siya nag-limang taong gulang, nagtanong si Luis, “Kailan po ako babasa?”
Ipinaliwanag namin na kapag malaki-laki na siya, mag-aaral siya at matututong bumasa.
Tugon niya, “Marunong na po akong magbasa!”
Nagulat ako, ibinigay ko sa kanya ang Aklat ni Mormon. Binuklat niyang pabaligtad ang aklat, tiningnan ang dakong itaas nito, at mahusay na nagbasa. Natuto siyang magbasa sa pag-ulit sa mga binasa namin sa Aklat ni Mormon!
Nang anim na taong gulang na siya, sumama si Luis sa akin paminsan-minsan sa pagbisita sa mga miyembro ng Simbahan. Hinilingan ko siyang magbahagi ng patotoo at maikling mensahe mula sa banal na kasulatan na naituro ko sa kanya. Tuwing magbabasa siya mula sa Aklat ni Mormon, pabaligtad ang hawak niya rito at sa dakong itaas siya nakatingin.
Nagpapatotoo ako na kung sisimulan ninyong basahin ang mga banal na kasulatan habang bata pa kayo, mas mauunawaan ninyo ang mga pangako ng Panginoon at malalaman ninyo ang inaasahan Niya sa inyo. Balang araw magiging magulang din kayo at magkakaroon ng sariling mga anak. Turuan silang magbasa ng mga banal na kasulatan, at makikita ninyo ang katuparan ng pangako sa Mga Kawikaan 22:6: “Turuan mo ang bata sa daan na dapat niyang lakaran: at pagka tumanda man siya ay hindi niya hihiwalayan.”
Si Luis ngayon ay tapos nang mag-aral sa kolehiyo at nagtatrabaho na. Gabihin man siya ng uwi mula sa trabaho, paaralan, o tungkulin sa Simbahan, nagbabasa pa rin siya ng isang kabanata mula sa Aklat ni Mormon bago matulog. Ang pangako ng propeta ay tunay na natupad: dahil binabasa namin ang sagradong aklat na ito, sagana ang pagpapala sa aming pamilya at higit kaming nagkakaisa.
Inaanyayahan ko kayong basahin ang mga banal na kasulatan araw-araw. Kung maaari, magbasa kasama ang inyong pamilya. Hinihikayat ko kayong mga batang lalaki na maghanda sa pagmimisyon. Inaanyayahan ko kayong lahat na mithiing mabuklod sa templo para sa buong kawalang-hanggan. At sa huli nais kong alalahanin ninyo ang inspiradong payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), na nagsabi sa atin: “Kailangan ninyo ang lahat ng edukasyon na inyong makakamtan. … Maging ito’y pagkukumpuni ng mga refrigerator, o ang gawain ng bihasang siruhano, kailangan ninyong turuan ang inyong sarili.”2
Mahal kong mga bata, makinig sa inyong mga guro, maging masunurin sa klase, gawin ang lahat ng makakaya ninyo, at pag-aralan ang lahat ng kaya ninyo. Sagana ang mga pagpapalang laan ng Panginoon para sa inyo at sa inyong mga pamilya. Ang tungkulin natin ay “propeta’y sundin; s’ya ang gabay.”3