Mensahe sa Visiting Teaching
Masigasig na Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan
Ituro ang mga banal na kasulatan at siping-banggit na tutulong na maunawaan ng kababaihang binibisita ninyo ang mga alituntuning ito. Ipabahagi sa inyong mga tinuturuan ang kanilang nadama at natutuhan.
Bakit Kailangang Saliksikin ang mga Banal na Kasulatan?
Pangulong Howard W. Hunter (1907–95): “Iminumungkahi ko sa inyo na gawing pamantayan ang mga paghahayag ng Diyos kung saan dapat nating iayon ang ating pamumuhay at gawin itong sukatan sa bawat pasiya at gawain natin. Alinsunod dito, kapag kayo ay may mga alalahanin at hamon, harapin ang mga ito sa pagbaling sa mga banal na kasulatan at mga propeta” (“Fear Not, Little Flock,” sa 1988–89 Devotional and Fireside Speeches [1989], 112).
Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994): “Tagumpay sa kabutihan, kapangyarihang iwasan ang panlilinlang at labanan ang tukso, patnubay sa buhay araw-araw, paghihilom ng kaluluwa—ilan lamang ito sa mga pangako ng Panginoon sa mga susunod sa Kanyang salita. … Ang ilang biyaya ay sa mga banal na kasulatan lamang matatagpuan, tanging sa pakikinig sa salita ng Panginoon at mahigpit na pagkapit dito. …
“… Muling mangako sa inyong sarili na pag-aaralan ninyo ang mga banal na kasulatan. Isubsob ang sarili sa mga ito araw-araw upang mapasainyo ang kapangyarihan ng Espiritu sa inyong mga tungkulin. Basahin ang mga ito sa inyong mga pamilya at turuan ang inyong mga anak na mahalin at pahalagahan ang mga ito” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 82).
Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985): “Habang lalo at lalo kayong nagiging pamilyar sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, lalo at lalo kayong magiging epektibo sa pagsunod sa ikalawang dakilang utos, na mahalin ang inyong kapwa tulad sa inyong sarili. Maging maalam sa mga banal na kasulatan—hindi para hamakin ang iba, kundi para pasiglahin sila! Kunsabagay, sino pa ba ang mas nangangailangang ‘magpahalaga’ sa mga katotohanan ng ebanghelyo (na maaasahan nila sa mga sandali ng pangangailangan) kundi ang kababaihan at mga inang maraming inaalagaan at tinuturuan?” (“The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 102).
Paano Ko Mapahahalagahan ang mga Banal na Kasulatan?
2 Nephi 4:15: “Sapagkat ang aking kaluluwa ay nalulugod sa mga banal na kasulatan, at ang aking puso ay nagbubulay sa mga yaon, at isinulat ang mga yaon para sa ikatututo at kapakinabangan ng aking mga anak.”
Julie B. Beck, Relief Society general president: “Isang magandang paraan para simulan ang pag-aaral ng banal na kasulatan ay ‘ihalintulad’ ito sa ating sarili (tingnan sa 1 Nephi 19:23). Ang ilan ay nagsisimula sa pagpili ng paksang kailangan pa nilang pag-aaralan sa Gabay sa mga banal na Kasulatan. O kaya’y sinisimulan nila ito sa umpisa ng isang aklat sa banal na kasulatan at naghahanap ng partikular na aral. …
“Sa anumang paraan sinisimulan ng isang tao ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang susi sa pagtuklas ng mahalagang kaalaman ay ang patuloy na mag-aral. Hindi ako nagsasawang tuklasin ang saganang yaman ng katotohanan sa mga banal na kasulatan dahil nagtuturo ang mga ito nang ‘buong linaw, maging kasinglinaw ng isang salita’ (2 Nephi 32:7). Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo tungkol kay Cristo (tingnan sa Juan 5:39). Sinasabi nila sa atin ang lahat ng bagay na dapat nating gawin (tingnan sa 2 Nephi 32:3). Ang mga ito ay makapag[pa]padunong sa [atin tungo sa kaligtasan]’ (II Kay Timoteo 3:15)
“Sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan at sa mga panalanging kaakibat nito, nagtamo ako ng kaalamang nagbibigay sa akin ng kapayapaan at tumutulong sa aking mapanatiling nakatuon ang aking lakas sa walang hanggang mga priyoridad. Dahil sinimulan kong magbasa ng mga banal na kasulatan araw-araw, natuto ako tungkol sa aking Ama sa Langit sa Kanyang Anak na si Jesucristo, at tungkol sa kailangan kong gawin upang maging tulad Nila” (“Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Liahona at Ensign, Mayo 2004, 108–9).
Pangulong Thomas S. Monson: “Nakapalamuti ang mga banal na kasulatan sa aming aklatan. Tiyaking pinangangalagaan nito ang ating mga isipan at pinapatnubayan ang ating buhay” (“The Mighty Strength of the Relief Society,” Ensign, Nob. 1997, 95).