Awitan at Kuwentuhan
Nang paglingkurin kami ng asawa kong si Sandra sa South Africa Durban Mission, sinimulan naming maghanap ng isang proyektong paglilingkod sa komunidad. Mahigit 20 taon na akong miyembro ng Mormon Tabernacle Choir, at ang asawa ko, na isang library aide, ay nagdaos ng oras ng kuwento sa isang paaralang elementarya. Nang magpasiya ang aming mission president na magpasimula ng gawaing misyonero sa isang kalapit na munting bayan, nalaman naming pagkakataon na namin iyon.
Binisita namin ang munting bayan at natuklasan naming walang mga library sa mga paaralan, kundi isang munting library lamang sa komunidad. Ipinakilala kami ng bata pang mga elder sa library director. Ipinaliwanag namin sa kanya na gusto naming magdaos ng lingguhang oras ng kuwento para sa mga bata. Nag-alinlangan siya, ngunit matapos makapag-isip ay pumayag siyang ipabalita ito at nang masubukan namin.
Sa unang araw limang bata ang dumalo. Unti-unti silang dumami. Makalipas ang ilang buwan nagpatulong kami sa isang dalaga, na bagong binyag, na mahusay magsalita ng Ingles at Zulu. Dumami ang dumadalo sa oras ng kuwento, at tuwang-tuwa ang director at mga magulang sa nangyayari.
Mahilig kumanta ang mga taga Zulu, kaya nagdagdag kami ng mga simpleng kanta at maiikling tula sa oras ng kuwento namin. Nang matapos ang aming misyon, dalawa o tatlong sesyon na ng oras ng awitan at kuwentuhan ang idinaraos namin sa isang linggo para makasali ang mahigit 100 batang dumadalo. Kaylaking pagpapala na mabisita namin ang mga bata sa ibang dako at sinisimulan nilang awitin ang aming mga kanta at bigkasin ang aming mga tula sa amin.
Isa pang pagpapala ang dumating dahil sa paglilingkod namin sa pook na ito. Nang dumami ang mga miyembro ng Simbahan doon at mangailangan kami ng lugar para mapagdausan ng mga miting namin tuwing Linggo, ipinilit ng library director na gamitin namin ang library nang libre.
Labis ang pasasalamat namin na tinulungan kami ng Panginoon na makahanap ng paraan upang magamit ang aming mga talento, maglingkod sa komunidad, at makatulong sa pagbubukas ng isang pook ng mission.