2009
Santiago 1:5–6
Abril 2009


Taludtod sa Taludtod

Santiago 1:5–6

Itinuro sa atin ni Apostol Santiago ang susi para makatanggap ng karunungan mula sa Diyos.

5. Kung magkukulang ng karunungan ang sinoman sa inyo, ay humingi sa Dios, na nagbibigay ng sagana sa lahat at hindi nanunumbat; at ito’y ibibigay sa kaniya.

6. Ngunit humingi siyang may pananampalataya, na walang anomang pagaalinlangan. Sapagka’t yaong nagaalinlangan ay katulad ng isang alon ng dagat na itinutulak ng hangin at ipinapadpad sa magkabikabila.

Humingi sa Diyos

Ang pagbasa sa talatang ito ang nagtulak kay Joseph Smith na manalangin sa Sagradong Kakahuyan, kung saan niya naranasan ang Unang Pangitain (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–17). May naiiisip ba kayong mga halimbawa sa inyong pamilya o sa sarili ninyong karanasan kung kailan nakatanggap ng sagot sa dalangin ang isang taong naghahanap ng kaalaman? Isulat ito sa inyong journal.

Nagbibigay sa Lahat

“Pribilehiyo ng mga anak ng Diyos na lumapit sa Diyos at makatanggap ng paghahayag. … Walang kinikilingan ang Diyos; pare-pareho ang pribilehiyo nating lahat.”

Si Propetang Joseph Smith, Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (kurso ng pag-aaral sa Melchizedek Priesthood at Relief Society, 2007), 153.

Nang Sagana

Nang sagana—malaya, bukas-palad, napakarami.

Nanunumbat

Nanunumbat—namimintas, nagagalit, naninisi. Sa madaling salita, sasagutin kayo ng Diyos at hindi kayo kagagalitan kailanman sa taimtim ninyong paghingi sa Kanya ng sagot sa isang tanong.

Ito ay Ibibigay

Dinidinig at sinasagot ng Ama sa Langit ang mga dalangin mo. Ang Kanyang mga kasagutan ay darating sa sarili Niyang panahon at sa iba’t ibang paraan—halimbawa, sa mga kalagayan sa buhay mo, sa kabaitan ng iba, o sa marahan at banayad na tinig ng Espiritu Santo. Narito ang ilang paraan na makapaghahanda kang tumanggap ng patnubay ng Espiritu (mula sa “Paghahayag,” Tapat sa Pananampalataya [2004], 123–28):

  • Manalangin para sa patnubay.

  • Maging mapitagan.

  • Maging mapakumbaba.

  • Sundin ang mga utos.

  • Sa paghahangad ng natatanging patnubay, pag-aralan ang bagay na iyon sa inyong isipan.

  • Maging karapat-dapat na makibahagi ng sacrament.

  • Mag-aral ng mga banal na kasulatan araw-araw.

  • Magnilay-nilay.

  • Matiyagang hangarin ang kalooban ng Diyos.

Humiling nang may Pananampalataya

“Sinabi ni Propetang [Joseph Smith] na matapos niyang basahin ang talatang ito alam niya nang walang pag-aalinlangan na kailangan niyang subukan ang Panginoon at tanungin Siya o piliing manatili sa kadiliman magpakailanman. … Nabasa na niya ang banal na kasulatan, naunawaan na niya ang banal na kasulatan, nagtiwala na siya sa kanyang Diyos Amang Walang Hanggan; at ngayon ay lumuhod at nagdasal, na sumasampalatayang pagkakalooban siya ng Diyos ng kaliwanagang hinahanap-hanap niya. Itinuro sa atin ni Propetang Joseph Smith ang alituntunin ng pananampalataya—sa kanyang halimbawa.”

Pangulong Thomas S. Monson, “Si Propetang Joseph Smith: Huwarang Guro,” Tambuli, Hunyo 1994, 5; Ensign, Hunyo 1994, 4.

Detalye mula sa Brother Joseph, ni David Lindsley; larawang kuha ni David Newman