2009
Mga Tanong at mga Sagot
Abril 2009


Mga Tanong at mga Sagot

“Hindi aktibo sa Simbahan ang aking mga magulang. Paano ako mananatiling malakas nang walang suporta nila?”

Mahirap ang sitwasyong ito dahil karaniwan ay mga magulang ang inaasahan nating gagabay at papatnubay. Pero may mga bagay kang magagawa para manatiling malakas, at ang paggawa ng mga bagay na ito ay tutulong sa iyo na maging mabuting halimbawa sa iyong mga magulang.

Para magkaroon ka ng inspirasyon sa buhay, patuloy kang magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan. Dinidinig ng Ama sa Langit ang iyong mga dalangin at sasagutin ang mga ito.

Umasa sa ibang mga kamag-anak o miyembro ng Simbahan para sa halimbawa at suportang kakailanganin mo. Halimbawa, humingi ng priesthood blessing sa iyong mga home teacher o bishop o branch president kung walang karapat-dapat na maytaglay ng priesthood sa bahay ninyo.

Mapapatatag mo ang iyong mga kapatid at magulang sa pamamagitan ng halimbawa ng pananampalataya mo. Maaaring magdaos kayong magkakapatid ng family home evening, panalangin ng pamilya, o pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Baka naisin pang sumali sa inyo ng mga magulang mo.

Ang pinakamahalaga, patuloy mong mahalin ang mga magulang mo. Huwag mo silang husgahan. Sa halip, magpakabait at magtiyaga ka. Kailangan pa rin nila ang pagmamahal at suporta mo, katulad ng pangangailangan mo sa kanila.

Ipagdasal ang Iyong mga Magulang

Yayain mong magdaos ng panalangin ng pamilya ang mga magulang mo. Yayain mo sila sa mga aktibidad sa Simbahan. Maghanda ka ng mga home evening. Ipagdasal mo silang lagi, at sikaping maging mabuting halimbawa. Sa gayon mapapatatag mo ang iyong pamilya at ang sarili mong patotoo, gaganda ang pakiramdam mo, at tutulungan ka ng Panginoon na manatiling matatag sa Simbahan. Gawin ito nang may pananampalataya at katapatan, at sasagutin Niya ang iyong mga dalangin.

Sonia B., 20, Yucatán, Mexico

Huwag Sumuko

Hindi miyembro ang tatay ko, at hindi aktibo ang nanay ko at mga kapatid. Masakit dahil binabalewala nila ang mga paniniwala ko. Pero lumago ang pananampalataya ko sa pagdalo sa seminary, sa simbahan, at sa Mutwal at sa pagdarasal at pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Ang pinakamagandang payong maibibigay ko ay huwag sumuko.

Amanda B., 16, Nevada, USA

Mga Paraan para Manatiling Aktibo

May kilala akong kahanga-hangang babae na napakatatag sa Simbahan kahit di-gaanong aktibo ang mga magulang niya. Inspirasyon siya ng ibang mga dalagita dahil natamo na niya ang kanyang medalyon sa Young Women. Sabi niya ang suporta ng ibang mga dalagita, regular na pagsisimba, at tapat na pakikipag-usap sa Kanyang Ama sa Langit ay pawang magagandang paraang nakakakatulong para manatili siyang aktibo.

Chelsea C., 17, Oklahoma, USA

Isang Ligtas na Kanlungan

Umaasa ako sa panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan para lumakas ang aking patotoo, at nakatagpo ako ng ligtas na kanlungan sa pagsali sa Scouting at Young Men program gayundin sa pagtupad sa aking mga tungkulin. Nakakatulong din ang pagsunod sa payo ng mga propeta at pagpili ng mabubuting kaibigan. Tandaang laging magpakita ng mabuting halimbawa sa pamilya mo sa pamamagitan ng taos na pagmamahal, malasakit, at paggalang sa kanila. Kung gagawin mo ang tungkulin mo, gagawin ng Panginoon ang sa Kanya.

Elder Whigham, 21, California San Francisco Mission

Tapang mula sa Kanilang mga Halimbawa

Di-gaanong aktibo ang nanay ko, at hindi miyembro ang ibang mga kamag-anak ko. Ang ginagawa ko ay nagtitiwala ako sa mga lider at kaibigan ko; lagi nila akong tinutulungan. Napakaimportante na nila sa buhay ko dahil nakatulong sila sa klase ng pamumuhay ko at sa mithiin kong makapagmisyon. Binibigyan nila ako ng tapang sa pamamagitan ng kanilang mga halimbawa. Kailangan mong pahalagahan ang pakikipagkaibigan ng mga taong tumutulong para lumakas ka bilang miyembro at pag-ukulan mo sila ng mas maraming panahon, dahil siguradong lagi kang may matututuhan sa kanila.

Ivana S., 20, Buenos Aires, Argentina

Magpahayag ng Pagmamahal sa Iyong mga Magulang

Patuloy mong kausapin ang mga magulang mo, at sikaping hingin ang kanilang suporta. Ipahayag ang pagmamahal at pagpapahalaga mo sa kanila, at sabihin sa kanila kung gaano kahalaga sa iyo ang magsimba. Hilingin sa mga lider mo na tulungan kang makadalo sa mga miting at aktibidad, at alamin mo kung puwedeng kausapin ng bishop mo ang iyong mga magulang. Magdasal at humingi ng tulong sa Ama sa Langit, at ipagdasal na makita ng mga magulang mo na mahalaga sa iyo ang manatiling aktibo. Mapapatatag ka rin ng pagbabasa ng Aklat ni Mormon araw-araw at ng pagsunod sa mga kautusan.

Craig L., 16, Missouri, USA

Dalawang Grupong Sumusuporta

Madalas kong makita ang sitwasyong ito sa misyon ko, at matapang ang mga batang dumaranas nito. Paano nila nagagawa ito? Sa pagkakaroon ng grupong susuporta sa kanila sa loob ng Simbahan sa pamamagitan ng mga kaibigan at mga lider at pagkakaroon ng suporta mula sa Panginoon sa pamamagitan ng panalangin, araw-araw na pagbabasa ng banal na kasulatan, at pagsisimba. Magagawa mo ito sa paggawa ng mga bagay na ito!

Elder Jones, 21, Tahiti Papeete Mission