Pagkatuto mula kay Propetang Joseph
Sue Barrett, Mga Magasin ng Simbahan
Isa sa paborito naming mga family home evening ay pagsasadula ng kasaysayan ni Joseph Smith at ng Unang Pangitain. Ako ang nagkuwento; mga apo ko ang nagsadula, na gumanap sa mga papel ng mga mangangaral at ni Joseph Smith. Nagdrowing ako ng ilang punong papel para ipakita ang kakahuyan at idinikit ito sa dingding sa sulok ng kuwarto, at gumawa ako ng ilang karatulang may nakasulat na “Mangangaral” para sa mga mangangaral, at may upuan at Biblia para kay “Joseph” para mapag-aralan.
Bawat mangangaral ay nagsabi kay Joseph, “Ang simbahan ko ang tama. Sumapi ka sa simbahan ko, Joseph.” At tumugon si Joseph, “Hindi ko po alam,” o “Pag-iisipan ko po.” Matapos siyang kausapin ng lahat ng mangangaral, umupo si Joseph sa silya at binasa nang malakas ang Santiago 1:5. Tapos ay pumunta siya sa “kakahuyan” at lumuhod sa panalangin. Walang gumanap na Ama sa Langit o Jesucristo, at lahat kami ay mapitagan nang magpunta sa kakahuyan ang bawat “Joseph” para manalangin. Nagsalitan ang mga bata sa pagganap ng mangangaral at Joseph.
Tapos ay pinag-usapan namin kung ano ang natutuhan ni Joseph Smith sa Unang Pangitain, paano sinasagot ang ating mga dalangin kahit wala tayong nakikitang mga pangitain, at paano tayo magagabayan ng mga banal na kasulatan.