Hihinto Ba Ako sa Pag-aaral para Magmisyon?
Nagtapos ako ng hayskul noong 1992 at kaagad kong ipinadala ang papeles ko para maglingkod sa full-time mission. Pagdating ng tawag ko sa misyon, katatanggap lang sa akin sa isa sa pinakamahuhusay na unibersidad sa Nigeria para mag-aral ng medisina.
Mahirap makapasok sa paaralan ng medisina sa Nigeria at hindi ito dapat ipagpaliban. Nang igiit ng ilang kaibigan at kapamilya ko na talikuran ko ang aking misyon, ipinaliwanag ko na responsibilidad kong maglingkod at inasam ko na ito mula nang sumapi ako sa Simbahan anim na taon na ang nakalilipas. Tiyak ko namang tatanggapin akong muli sa paaralan ng medisina pagkatapos ng misyon ko, ngunit inakala ng marami na pagsisisihan ko ang aking pasiya.
Nagpapasalamat ako sa mga home teacher, miyembro ng pamilya, at kaibigan sa Simbahan na sumuporta sa pasiya kong maglingkod. Dahil sa aking pagdalo sa seminary, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, at pamumuhay ayon sa ebanghelyo, napanindigan ko ang aking mga paniniwala.
Bilang misyonero nagtakda ako ng sariling mga mithiin at nagsikap nang husto. Makalipas ang dalawampu’t apat na buwan marangal akong ini-release. Pinagpapala ng Panginoon ang mga nakauwi nang misyonero ngunit hindi Siya nangakong wala silang mga pagsubok. Para sa isang nakauwing misyonero na taga Nigeria, kasama sa mga pagsubok na iyon ang kawalan ng trabaho at kakulangan sa pera para makapag-aral.
Sa unang tatlong taon matapos ang aking misyon, kumuha ako at nakapasa sa tatlong pagsusulit para makapasok sa paaralan, pero hindi na ako muling tinanggap sa paaralan ng medisina. Sa loob ng tatlong taon ding iyon, wala akong makitang trabaho. Natukso akong maniwala na maaaring tama ang ilang kaibigan at kapamilya ko at nagkamali akong ipagpaliban ang pagpasok ko sa paaralan ng medisina.
Sa aking misyon natutuhan kong ipaubaya sa Panginoon ang aking pasanin, kaya hinayaan ko Siyang patnubayan ang buhay ko ayon sa Kanyang kalooban. Nang gawin ko ito, umigi ang mga bagay-bagay para sa akin—ngunit hindi ayon sa plano ko.
Isang Linggo ng ayuno nagpasiya akong mag-ayuno at taimtim kong ipinagdasal na tulungan ako ng Panginoon. Nang gabing iyon may kumatok sa pinto. Nang buksan ko ito, nagulat akong makita ang isang taong nakilala ko sa security training na dinaluhan ko anim na buwan na ang nakalipas. Sinabi niya sa akin na may bakante para sa security operative sa kumpanyang pinagtrabahuhan ng kuya niya at kailangang-kailangang mapunan ang posisyong iyon. Ako lang ang pumasok sa isipan niya.
Kinabukasan tinanggap ako sa kumpanya. Tiniyak sa akin ng natatanging karanasang iyon na hindi ako pinabayaan ng Ama sa Langit at kailangan kong magtiwala sa Kanya. Ang trabaho ay naging daan para matanggap ako sa ibang trabaho.
Ang mga pagpapala ng langit ay hindi lamang nasusukat sa mga tagumpay sa mundo. Ilang taon akong naghirap pagkatapos ng misyon ko, ngunit pinagpala ako ng Panginoon sa espirituwal. Pinayuhan ako sa aking patriarchal blessing na mag-asawa at sinabi sa akin na makakapag-aral ako ng kolehiyo. Nangyari nga.
Kahit hindi ako nakapasok sa paaralan ng medisina, nakatapos ako ng katumbas ng mga degree sa accounting at mathematics. Kalaunan ay biniyayaan ako ng Panginoon ng sapat na kabuhayan kaya ako nakapag-asawa.
Kung marangal tayong maglilingkod sa misyon, tiyak na pagpapalain tayo ng Panginoon kapag hinangad nating magtamo ng mas mataas na edukasyon pagkaraan. Walang anuman sa buhay ng isang kabataang lalaki o babae na hihigit pa sa mga karanasan, pagkatuto, at pagpapala ng paglilingkod sa full-time mission.