2009
Paggawa ng Higit Pa sa Inaasahan
Abril 2009


Paggawa ng Higit Pa sa Inaasahan

Kung minsan malaki ang ibinubunga ng kaunting dagdag na pagsisikap.

Noong mga 15 anyos pa lang si Stein Arthur Andersen, hindi siya aktibo sa Simbahan. Gayon din ang kanyang pamilya. Ilang beses na silang nagpalipat-lipat sa iba’t ibang lugar ng Norway. Sa pagkakataong ito nakatira sila sa Stavanger. Ito ang ikaapat na pinakamalaking lungsod sa bansa at nasa timog-kanlurang baybayin. Ilang beses nang nakasimba si Stein sa Stavanger at may nakilala nang ilang kabataang Banal sa mga Huling Araw sa lugar. May isang binatilyo roon na nakintal nang husto sa isipan ni Stein—ang pangalan niya ay Tor Lasse Bjerga.

Nakilala ni Stein si Tor Lasse sa isa sa mga bihirang pagsisimba niya. “Matanda siya sa akin nang ilang taon, at talagang pinahanga niya ako,” sabi ni Stein. “Maganda ang pakiramdam ko kapag kasama ko siya, at inisip ko na kakaiba siya.” Kung hindi hinangaan ni Stein si Tor Lasse, hindi siguro niya gugustuhing makinig sa kanya nang sadyain siya ni Tor Lasse sa bahay niya na may dalang espesyal na imbitasyon.

Dumating ang imbitasyong iyon sa kalagitnaan ng 1970s, nang simulan ang seminary program sa Norway, at si Tor Lasse ang natawag na unang guro sa seminary. Dahil 18 anyos lang siya noon, medyo kabado si Tor Lasse na gampanan ang gayon kalaking reponsibilidad. “Ipinagdasal ko ito nang husto,” pag-alaala niya. Ang isang bagay na alam na alam niya ay gusto niyang turuan ang mga kabataan sa lugar nila na di-gaanong aktibo. Sabi ni Tor Lasse, “Nadama ko agad na dapat kong bisitahin si Stein Arthur.”

“Siguro nasa listahan ang pangalan ko,” sabi ni Stein. Pero para kay Tor Lasse, si Stein ay higit pa sa isang pangalan sa listahan. Naaalala ni Tor Lasse na humanga siya sa talino ni Stein at sa tahimik at determinadong pagkatao nito. Kaya nagpasiya si Tor Lasse na personal na bisitahin si Stein para pasalihin ito sa bagong seminary program.

Tumawag muna sa telepono si Tor Lasse at kinausap ang mga magulang ni Stein para matiyak na nasa bahay ito pagbisita niya. Para makarating sa bahay ni Stein, kinailangang sumakay ng bus ni Tor Lasse nang mga 35 minuto para makasakay sa isang bangka. Pagkatapos ay 45 minuto siyang sumakay ng bangka. Sa huli, kinailangan niyang maglakad pa nang 30 minuto. “Lagi ko itong naiisip,” sabi ni Stein. “Ang ginawa ni Tor Lasse ay talagang paggawa ng higit pa sa inaasahan.”

Malinaw pa sa alaala ng dalawang lalaking ito ang espiritung nadama nila sa pulong na iyon halos 35 taon na ang nakalilipas. Habang nakaupo sila sa hapag-kainan, abala si Stein sa pag-iisip ng mga bagay na pinagkakaabalahan niya. “Abalang-abala ako sa football at Scouting at pagtugtog ng trumpeta, at lahat-lahat na. Abalang-abala ako.”

“Bumaling sa akin si Tor Lasse habang nagsasalita siya tungkol sa seminary, at sinabi, ‘Stein Arthur, magpapalista ka ba sa seminary program at mag-aaral ng mga banal na kasulatan kasama namin?’ Nakaupo ako sa tabi ng fireplace, at sumagot ako ng oo. Kung iisipin, dapat ay tinanggihan ko na siya dahil wala akong panahon. Pero sumagot ako ng oo. At diyan nagsimula ang lahat.”

Kabilang sa “lahat” ang paggising niya tuwing umaga para mag-isang mag-aral ng mga banal na kasulatan at mga aralin niya sa seminary sa bahay. Pagkatapos ay nagpupulong ang maliit na grupong ito ng apat o limang estudyante bawat linggo. “Unti-unti kong nadama ang Espiritu sa mga madaling-araw na iyon, para magbasang mag-isa, at bumangon ako tuwing umaga,” sabi ni Stein. “Di nagtagal nadama ko na parang hindi buo ang araw kung hindi ako nag-aral sa umaga. At nagsimula akong magtamo ng patotoo nang hindi ko namamalayan.”

Ipinaliwanag ni Stein na “di nagtagal naunawaan ko kung ano ang mga naramdaman kong iyon. Gumanda ang pakiramdam ko sa natututuhan ko, at nadama ko ang Espiritu. Nadama kong tama ito. At nalaman ko na ito ang gusto kong maging pundasyon ng buhay ko.”

Pero bakit sumagot ng oo si Stein gayong abalang-abala siya? “Palagay ko naantig ako sa impluwensya ng Espiritu,” wika niya. “Inihanda siguro ako kahit paano. Kaya nang dumating si Tor Lasse nang may pananampalataya, ginawa niya ang higit pa sa inaasahan, at handa akong tanggapin ang kanyang imbitasyon. Ganyang kumilos ang Panginoon.”

Makalipas ang isang taon o mahigit pa, nagpasiya si Tor Lasse na magmisyon at tinawag na maglingkod sa Norway. Sa panahong iyon patuloy na pinalakas ni Stein ang sarili niyang patotoo sa ebanghelyo. “Pag-uwi ni Tor mula sa misyon, talagang nag-isip na rin akong magmisyon,” sabi ni Stein. “Naipasiya ko na dapat akong humayo dahil gusto kong maglingkod sa Panginoon, at naisip ko na kung hindi ako aalis, baka pagsisisihan ko iyon habambuhay.”

Naaalala ni Stein na matapos niyang kausapin ang mga priesthood leader niya tungkol sa pagmimisyon, pakiramdam niya’y parang halos di nakatapak sa lupa ang mga paa niya habang naglalakad siya pauwi. Bago siya umalis papuntang misyon (sa Norway din), nakilala ni Stein ang magiging asawa niyang si Hilde sa isang youth conference sa Oslo. Nagsulatan sila habang nasa misyon siya, at nang makauwi siya, nagpakasal sila. Ngayon ay apat na ang anak nila: dalawang lalaki, na kapwa ikinasal sa templo, at dalawang nakababatang babae, na kasama pa rin nila sa bahay at aktibo sa seminary.

“Noong gabing nagpunta si Tor Lasse sa bahay namin—iyon ang talagang nagpabago sa buong buhay ko,” sabi ni Stein. Ang pagbisitang iyon ang nagpasimula sa pagtahak niya sa landas kung saan niya nakilala ang kanyang napangasawa, nakapagmisyon, at nakapagsimula ng pamilya, na may matatag na patotoo sa ebanghelyo. “Naging branch president na ako, district president, bishop—lahat ng iyan ay dahil pumunta si Tor Lasse sa bahay namin at nagsimula ako sa seminary program.” Lahat ng iyan ay dahil handang gumawa si Tor Lasse ng higit pa sa inaasahan.

Mga paglalarawan ni Gregg Thorkelson

Larawang kuha ni Paul VanDenBerghe

Si Ida Andersen (kanan) kasama ang kanyang kapatid na si Ane at mga magulang na sina Hilde at Stein.