Ang Tinig ng Mabuting Pastol
Bilang isang rantsero sa Montana nang halos buong 70 taon ng buhay ko, itinatangi ko ang talinghaga ng mabuting pastol, na matatagpuan sa Juan 10:1–18, dahil ipinamuhay ko ito. Ang sumusunod na mga karanasan ay talagang mabisa sa pagsasabuhay ng talinghagang ito.
Sa mga tala sa Biblia tinawag ng bawat pastol ang sarili niyang kawan mula sa maraming kawan na nangatipon patungo sa kural (tingnan sa mga talata 3–4). Gayundin, tuwing ililipat ko ang aking mga tupa, tatawagin ko lang sila, at sila’y sumusunod.
Ilang taon na ang lumipas nagkasakit ang maliksi at 96-na-taong gulang kong kapitbahay na si Alice, na nag-aalaga rin ng mga tupa, sa panahong paaanakin ang mga tupa, kaya nagboluntaryo akong ako na ang gagawa niyon sa gabi. Pagpasok ko sa kural ng mga tupa sa unang gabi ko “sa trabaho,” payapang nakahiga ang halos 100 babaeng tupa ni Alice. Subalit nang makita ako, agad nilang naramdamang may kasama silang ibang tao. Takot, dagli silang nagsiksikan sa isang sulok para makaligtas (tingnan sa t. 5)
Nagpatuloy ito nang ilang gabi. Kahit gaano katahimik ako pumasok, natataranta ang mga tupa at nagpupulasan. Mahinahon akong nagsalita sa mga bagong silang na kordero at mga ina nito habang alaga ko sila. Sa ikalimang gabi hindi na sila nagkagulo habang inaasikaso ko. Nakilala na nila ang tinig ko at nagtiwala na sila sa akin.
Di nagtagal sinabi ko kay Alice na pasususuhin ko sa bote ang mga isang dosena niyang kordero. (Ang ulilang kordero ay yaong ang ina ay namatay o walang sapat na gatas.) Ginaya ko ang boses ni Alice, tinawag ko ang kanyang mga kordero ng, “Halikayo, BaBa! Halikayo, BaBa!” Inasahan kong gutom na magtatakbuhan sa akin ang mga kordero tulad ng ginagawa nila [kay Alice]. Pero hindi man lang sumulyap ang kahit isang kordero. Maya-maya’y lumabas na si Alice mula sa kusina at tumawag. Nang marinig ang kanyang tinig, sabik silang naghugusan sa kanya, at nanghingi ng gatas.
Dahil sa pagtataka, nag-eksperimento kami ni Alice. Tumayo si Alice sa aking kural, at ginaya ang aking pagtawag: “Dito, lamby, lamby! Dito, lamby, lamby!” at wala ring pumansin sa kanya. Pero nang ako ang tumawag sa mga salita ring iyon, mabilis na pumalibot sa akin ang aking mga tupa. Kahit pareho ang mga salitang ginamit namin sa pagtawag sa mga tupa, walang sumunod sa aming mga tinig. Tapat lamang na pinakinggan ng mga tupa ang tunay nilang pastol (tingnan sa t. 4).
Sa Juan 10 inihambing ang isang pastol sa isang tagapag-alaga ng tupa. Ang pastol, na nagmamay-ari sa mga tupa, ay may mapagmahal na pag-aalala sa kanilang kaligtasan. Taliwas dito, ang tagapag-alaga ng tupa ay “upahan” at “hindi [nagmamalasakit]” (t. 13). Itinuturo din ng talinghagang ito na samantalang ang upahan ay tumatakas at pinababayaan ang kanyang mga tupa (tingnan sa t. 12), ang pastol naman ay kusang nag-aalay ng buhay para sa kanyang mga tupa (tingnan sa t. 11). Totoo ito lalo na sa ating Mabuting Pastol—ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo—na mapagmahal na nag-alay ng Kanyang buhay para sa atin (tingnan sa mga talata 15, 17–18).
Pinatunayan sa akin ng mga karanasang ito ang isa sa mahahalagang mensahe ng talinghaga: ang pagsisikap na personal na makilala ang ating Mabuting Pastol at agad kilalanin ang Kanyang tinig ay pipigil sa atin na magkamaling sumunod sa upahang pastol. Sa matapat na pagtalima sa tinig ng ating Mabuting Pastol at wala nang iba—magagabayan tayo tungo sa walang hanggang kaligtasan.