Ano ang Kahulugan sa Inyo ng Pagbabayad-sala?
Mula sa mensaheng ibinigay sa Brigham Young University Women’s Conference noong Mayo 5, 2006.
Ang Pagbabayad-sala ay napakapersonal at sadyang ginawa para sa sarili nating mga kalagayan at sitwasyon.
Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang mga saligang alituntunin ng ating relihiyon ay ang patotoo ng mga Apostol at Propeta, tungkol kay Jesucristo, na Siya’y namatay, inilibing, at muling nagbangon sa ikatlong araw, at umakyat sa langit: at ang lahat ng iba pang mga bagay na may kaugnayan sa ating relihiyon ay mga kalakip lamang nito.”1
Ang mga alituntuning ito ay nakasalig sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Ang salitang Pagbabayad-sala “ay naglalarawan ng ‘pakikipagkaisa’ ng yaong mga nawalay, at nagsasaad ng pakikipagkasundo ng tao sa Diyos. Pagkakasala ang nagdulot ng pagkawalay, kung kaya’t ang layunin ng pagbabayad-sala ay itama o daigin ang mga bunga ng kasalanan.”2 Naniniwala ako na posible ring mawalay sa Diyos sa marami pang ibang dahilan maliban sa hayagang pagkakasala.
Ang mga panganib na mapalayo sa ating Ama sa Langit at sa Tagapagligtas ay makabuluhan at lagi nang nasa paligid natin. Ang nakakatuwa, ang Pagbabayad-sala ay para din sa lahat ng ganitong sitwasyon. Iyan ang dahilan kung bakit ang Pagbabayad-sala ay inilarawan ni Jacob, na kapatid ni Nephi, bilang “walang hanggan”(2 Nephi 9:7), na ibig sabihin ay walang mga limitasyon o pamimilit ng iba. Iyan ang dahilan kaya ang Pagbabayad-sala ay lubhang kagila-gilalas at kailangang-kailangan. Kung gayon, di gaanong kataka-taka na hindi lang natin kailangang pahalagahan ang walang kapantay na handog na ito kundi kailangan din natin itong maunawaan nang malinaw.
Si Jesucristo ang tanging may kakayahang isagawa ang kagila-gilalas na Pagbabayad-sala dahil Siya lang ang tanging perpektong tao at ang Tanging Bugtong na Anak ng Diyos Ama. Tinanggap Niya ang Kanyang gawain para sa mahalagang gawaing ito mula sa Kanyang Ama bago itinatag ang daigdig. Ang Kanyang perpektong buhay sa mundo na walang bahid ng kasalanan, pagtitigis ng Kanyang dugo, pagdurusa Niya sa Getsemani at sa krus, kusang-loob na pag-aalay ng Kanyang buhay, at Pagkabuhay na Mag-uli ng Kanyang katawan mula sa puntod ay nagpangyari sa isang ganap na Pagbabayad-sala para mga tao sa bawat henerasyon at panahon.
Ang Pagbabayad-sala ay ginawing totoo ang Pagkabuhay na Mag-uli para sa lahat. Gayunman, pagdating sa atin-ating mga paglabag at pagkakasala, ang mga kundisyong hinihingi sa Pagbabayad-sala ay nangangailangan ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, at pagsunod sa mga batas at ordenansa ng ebanghelyo.
Kawalang-kamatayan at Buhay na Walang Hanggan
Marahil ang talatang pinakamadalas banggitin sa ating mga pulong at sulatin ay ang napakagandang naglilinaw at nagbubuod na talatang ito mula sa Aklat ni Moises: “Sapagkat masdan, ito ang aking gawain at aking kaluwalhatian—ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).
Dahil sa Pagbabayad-sala, lahat tayo ay magiging imortal. Dahil sa Pagbabayad-sala, yaong mga sapat ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo para taglayin sa kanilang sarili ang Kanyang pangalan, na nagsisisi at namumuhay ayon sa Kanyang ebanghelyo, tumutupad sa kanilang mga tipan sa Kanya at sa Kanyang Ama, at nakikibahagi sa nakapagliligtas na mga ordenansa na naisasagawa sa sagradong mga paraan at lugar ay daranas at magtatamasa ng buhay na walang hanggan.
Wala akong maalala na may nakilala akong taong nagpahayag ng matinding pananampalataya kay Jesucristo na lubhang nag-alala tungkol sa Pagkabuhay na Mag-uli. Oo, lahat tayo ay may mga tanong tungkol sa mga detalye, ngunit nauunawaan natin na ang pangunahing pangako ay para sa lahat at tiyak.
Dahil ang buhay na walang hanggan ay kundisyonal at kailangan ang ating pagsisikap at pagsunod, karamihan sa atin ay nahihirapan paminsan-minsan, siguro’y palagi—maging maya’t maya—sa mga tanong na nauugnay sa paraan ng pamumuhay na alam nating dapat ipamuhay. Itinanong nga ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “May mali ba tayong paniniwala na dapat tayong maging mas mabuti at magpakabanal mag-isa sa pamamagitan ng determinasyon, lakas ng isipan, at disiplina”?3
Kung sariling sikap lang natin ang ating kaligtasan, manganganib tayo dahil lahat tayo ay di perpekto at di natin kayang sundin nang lubusan ang lahat ng bagay sa lahat ng oras. Kung gayon, paano natin matatamo ang tulong at pag-alalay na kailangan natin? Nilinaw ni Nephi ang mahirap na kaugnayan ng biyaya sa gawa nang magpatototoo siya na, “Sapagkat nalalaman naming naligtas tayo sa pamamagitan ng biyaya, sa kabila ng lahat ng ating magagawa (2 Nephi 25:23).
Ipinaaalala sa atin sa Bible Dictionary na ang biyaya ay isang gamit o paraang nagmula sa langit na nagdudulot ng lakas o tulong sa pamamagitan ng awa at pag-ibig ni Jesucristo na natamo natin dahil sa Kanyang Pagbabayad-sala.4 Kaya nga, sa pamamagitan ng biyaya ni Cristo tayo mabubuhay na mag-uli, at ang Kanyang biyaya, pag-ibig, at Pagbabayad-sala ang tumutulong sa atin na maisagawa ang mabubuting gawa at magawa ang kailangang pag-unlad na hindi mangyayari kung aasa lang tayo sa sarili nating mga kakayahan at lakas.
Kaligayahan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala
Ang isa sa maraming bagay na hinahangaan ko kay Nephi ay ang kanyang pag-uugali. Hindi madali ang buhay noon, lalo na kung ihahambing sa ginhawang binabalewala ng karamihan sa atin ngayon. Si Nephi at ang kanyang pamilya ay namuhay nang maraming taon sa ilang bago nakarating sa lupang pangako. Matagal silang nagdanas ng gutom, uhaw, at panganib. Kinailangang harapin ni Nephi ang mabibigat na problema ng pamilya na lalo pang pinahirap nina Laman at Lemuel, at sa huli ay inihiwalay ang kanyang sarili, kasama ang kanyang mga alagad, sa mga kapanalig nina Laman at Lemuel.
Sa harap ng lahat ng kalungkutan at paghihirap na ito, nasabi ni Nephi, “Ito ay nangyari na, na kami ay namuhay nang maligaya” (2 Nephi 5:27).
Naunawaan niya na may paraan ng pamumuhay na humahantong sa kaligayahan, na malaya sa mga paghihirap, hamon, at kabiguang dumarating sa buhay nating lahat. Nilawakan niya ang kanyang pananaw sa plano ng Diyos para sa kanya at sa kanyang mga tao kaya naiwasan niyang maigupo ng kanyang mga kabiguan o ng tumpak na obserbasyon na ang buhay ay hindi makatarungan. Hindi ito makatarungan, ngunit sa kabila nito’y maligaya pa rin sila ng kanyang mga tao. Naunawaan nila na ang Pagbabayad-sala ay magaganap, at nagtiwala sila na kabilang sila rito.
May mahahalagang tanong si Nephi sa kanyang sarili na maitatanong natin sa ating sarili habang pinag-iisipan ang papel ng Pagbabayad-sala ni Cristo sa ating buhay:
“O pagkatapos, kung masaksihan ko ang mga gayong kadakilang bagay, kung ang Panginoon sa kanyang pagpapakababa sa mga anak ng tao ay dinalaw ang tao sa labis na pagkaawa, bakit mananangis ang aking puso at ang kaluluwa ko ay mamamalagi sa lambak ng kalungkutan, at ang aking katawan ay nanlalambot, at ang aking lakas ay nanghihina, dahil sa aking paghihirap?
“At bakit ako magpapatalo sa kasalanan, dahil sa aking laman? Oo, bakit ko bibigyang-daan ang mga tukso, na ang masama ay magkaroon ng pitak sa aking puso upang wasakin ang aking katahimikan at pahirapan ang aking kaluluwa? Bakit ako nagagalit dahil sa aking kaaway?” (2 Nephi 4:26–27).
Matapos managhoy sinagot niya ang sarili niyang mga tanong, batid ang paraang gagamitin sa pagharap sa kanyang mga problema. “Gumising, kaluluwa ko! Huwag nang yumuko sa kasalanan. Magsaya, O aking puso, at huwag nang magbigay-puwang kailanman sa kaaway ng aking kaluluwa. … O Panginoon, ako ay nagtiwala sa inyo, at ako ay magtitiwala sa inyo magpakailanman” (2 Nephi 4:28, 34).
Ibig sabihin ba nito ay wala nang mga problema si Nephi? Ibig sabihin ba nito ay lubos na niyang nauunawaan ang lahat ng nangyayari sa kanya? Alalahanin ang isinagot niya sa isang anghel ilang taon na ang nakalipas nang may isang mahalagang tanong sa kanya tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na magaganap pa lamang: “Alam kong mahal [ng Diyos] ang kanyang mga anak; gayon pa man, hindi ko nalalaman ang ibig sabihin ng lahat ng bagay” (1 Nephi 11:17).
Hindi rin natin kayang malaman at hindi natin malalaman ang kahulugan ng lahat ng bagay, ngunit kaya at dapat nating malaman na mahal ng Panginoon ang kanyang mga anak at maaari tayong makinabang sa kabuuan ng biyaya at Pagbabayad-sala ni Cristo sa ating buhay at mga pakikibaka. Gayundin, alam natin at dapat nating tandaan ang kahangalan at panganib ng pagbibigay-puwang sa kasamaan sa ating puso.
Kahit ganap nating nauunawaan at tapat nating iwinawaksi ang masama at ang kasamaan sa ating puso at buhay, nagkukulang pa rin tayo dahil kadalasan tayo ay “likas” na mga lalaki at babae (tingnan sa Mosias 3:19). Kaya nga, dapat nating pasalamatan at isagawa ang alituntunin ng pagsisisi. Kahit madalas nating ituring na isang pangyayari ang ating pagsisisi, na kung minsan ay gayon nga, para sa karamihan sa atin ito ay isang palagian at habambuhay na proseso.
Mangyari pa, may mga pagkakasalang hindi ginawa ang dapat gawin at ginawa ang hindi dapat gawin na agad naman nating mapagsisisihan. May mga partikular na uri ng kaimbian at kamaliang maaari na nating iwaksi ngayon at hindi na gawin kailanman. Halimbawa, kaya nating magbayad ng buong ikapu sa nalalabi nating buhay, kahit hindi natin iyon laging nagagawa. Ngunit ang ibang bahagi ng ating buhay ay nangangailangan ng patuloy nating pagbabago at palagiang atensyon, tulad ng ating espirituwalidad, pagkakawanggawa, pagiging sensitibo sa damdamin ng iba, konsiderasyon sa mga kapamilya, malasakit sa kapwa, pag-unawa sa mga banal na kasulatan, pakikibahagi sa templo, at kalidad ng personal nating mga panalangin.
Dapat nating ipagpasalamat na ang Tagapagligtas, na mas nakakaunawa sa atin kaysa nauunawaan natin ang ating sarili, ay pinasimulan ang sacrament upang regular nating mapanibago ang ating mga tipan sa pakikibahagi sa mga sagradong simbolo na may pangakong taglayin sa ating sarili ang Kanyang banal na pangalan, lagi siyang alalahanin, at sundin ang Kanyang mga utos. Kapag sinundan natin ang huwarang magtutulot sa atin na “[ma]muhay nang maligaya,” tumataas ang kalidad ng ating pagsisisi at pagganap, at nag-iibayo ang kakayahan nating unawain at pahalagahan ang Pagbabayad-sala.
Pagsisisi at Pagsunod
Ilang linggo bago itinatag ang Simbahan noong 1830, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng kagila-gilalas na paghahayag na nagpapaibayo sa ating pag-unawa sa Pagbabayad-sala dahil ang Tagapagligtas Mismo ang nagsalita at nagturo. Inilarawan Niya ang Kanyang sarili bilang “ang Manunubos ng sanlibutan” (D at T 19:1), at ipinahiwatig na sinusunod Niya ang kalooban ng Ama, at sinabing, “iniuutos ko sa iyong magsisi, at sumunod sa mga kautusang iyong tinanggap” (D at T 19:13).
Ang simpleng huwarang ito ng pagsisisi at pagsunod ang tunay na batayan ng “pamumuhay nang maligaya.” Alam nating ito ang dapat nating gawin, bagaman kung minsan ay nalilimutan natin kung bakit. Ipinaalala sa atin ng Panginoon kung bakit sa sumusunod na mga salita mula sa paghahayag ding iyon:
“Sapagkat masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit—
“Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (D at T 19:16–19).
Napakagandang aral. Tiyak ko na walang isa man sa atin na mawawari ang kahulugan at tindi ng kirot na nadama ng Panginoon nang isagawa Niya ang dakilang Pagbabayad-sala. Palagay ko hindi pa lubos na nauunawaan noon ni Joseph Smith ang pagdurusa ng Tagapagligtas, bagaman nagtamo ng higit na pagpapahalaga at pag-unawa ang Propeta mula sa kanyang sariling mga pagsubok at pasakit kalaunan. Isipin ninyo ang pagwawastong ibinigay ni Jesus Mismo nang payuhan at aluin Niya si Joseph sa mahirap na sandali ng pagkakulong niya sa Liberty Jail. Simple lang ang sinabi ng Panginoon: “Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?” (D at T 122:8)
Ang tanong na ito kay Joseph ay tanong din sa bawat isa sa atin sa ating personal at kakaibang mga pakikibaka at hamon. Walang sinuman sa atin ang dapat magduda sa tamang sagot.
Tunay na nakapapanatag isipin na naranasan ni Jesus ang naranasan Niya, hindi dahil sa hindi Niya ito maiwasan kundi dahil mahal Niya tayo. Mahal at iginagalang din ni Jesus ang Kanyang Ama nang may sidhi at katapatang mawawari lamang natin. Kung nais nating igalang at mahalin ang Tagapagligtas kapalit nito, hindi natin dapat kalimutan kailanman ang ginawa Niya para sa atin nang hindi natin danasin nang gayon katindi ang parusang tanging katarungan ang hihingi sa atin.
Ang panlalatigo, pagkalunos, pang-aabuso, pagkapako, at di-mawaring hirap at pagdurusa ay humantong na lahat sa dinanas Niyang kahila-hilakbot na paghihirap, na hindi matitiis ng sinumang hindi nagtataglay ng Kanyang lakas at determinasyong ituloy ang layunin at tiisin ang lahat ng parusang ilalapat.
Ang Malawak na Sakop ng Pagbabayad-sala
Habang iniisip natin ang lawak ng sakop ng Pagbabayad-sala at ang kahandaan ng Manunubos na magdusa para sa lahat ng ating kasalanan, dapat tayong magpasalamat na lalong higit pa rito sakop ng nagbabayad-salang sakripisyo! Isipin ang mga salita ni Alma sa matatapat na tao ni Gedeon halos isang siglo bago naganap ang Pagbabayad-sala:
“At [si Jesus] ay hahayo, magdaranas ng mga pasakit at hirap at lahat ng uri ng tukso; at ito ay upang matupad ang salita na nagsabing dadalhin niya sa kanyang sarili ang mga pasakit at ang mga sakit ng kanyang mga tao.”
“At dadalhin niya sa kanyang sarili ang kamatayan upang makalag niya ang mga gapos ng kamatayan na gumagapos sa kanyang mga tao; at dadalhin niya ang kanilang mga kahinaan, upang ang kanyang sisidlan ay mapuspos ng awa, ayon sa laman, upang malaman niya nang ayon sa laman kung paano tutulungan ang kanyang mga tao alinsunod sa kanilang mga kahinaan.
“Ngayon nalalaman ng Espiritu ang lahat ng bagay; gayon pa man, ang Anak ng Diyos ay magdurusa ayon sa laman upang madala niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos; at ngayon masdan, ito ang patotoo na nasa akin” (Alma 7:11–13).
Umisip ng ganap at malawakang lunas para sa ating mga pasakit, paghihirap, tukso, karamdaman, kasalanan, kabiguan, at paglabag. May naiisip ba kayong anumang hahalili sa Pagbabayad-sala ni Jesus? At idagdag pa riyan ang walang kapantay na Pagkabuhay na Mag-uli, at nakakaunawa na tayo nang sapat para kantahin ang “Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus.”5
Ano ang kahulugan ng Pagbabayad-sala sa inyo at sa akin? Lahat-lahat na ang kahulugan nito. Tulad ng paliwanag ni Jacob, tayo ay maaaring “makipagkasundo sa [Ama] sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang kanyang Bugtong na Anak” (Jacob 4:11). Ibig sabihin maaari tayong magsisi, ganap na umayon sa Kanya at lubos Niyang tanggapin, at iwasan ang mga pagkakamali o di-pagkakaunawaang “itinatatwa ang mga awa ni Cristo, at pinawawalang-kabuluhan ang kanyang pagbabayad-sala at ang kapangyarihan ng kanyang pagtubos” (Moroni 8:20).
Iniiwasan nating hindi pagpitaganan at igalang ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pagtalima sa payo ni Helaman, na mahalaga rin ngayon katulad noong mga taon na malapit nang pumarito sa mundo ang Tagapagligtas: “O pakatandaan, pakatandaan, mga anak ko, … na walang ibang daan o pamamamaran man na ang tao ay maaaring maligtas, tanging sa pamamagitan lamang ng pambayad-salang dugo ni Jesucristo, na siyang paparito; oo, pakatandaan na siya ay paparito upang tubusin ang sanlibutan” (Helaman 5:9).
Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay tunay ngang sumasakop sa mundo at sa lahat ng tao mula sa simula hanggang sa wakas. Gayunman, huwag nating kalimutan na sa lawak ng sakop at kabuuan nito ay napakapersonal din nito at sadyang ginawa para ganap na umakma at lumutas sa bawat kani-kanya nating mga kalagayan. Mas kilala ng Ama at ng Anak ang bawat isa sa atin kaysa kilala natin ang ating sarili at naghanda Sila ng Pagbabayad-sala para sa atin na lubos na umaayon sa ating mga pangangailangan, hamon, at pagkakataon.
Salamat sa Diyos sa pagkakaloob sa Kanyang Anak, at salamat sa Tagapagligtas sa Kanyang Pagbabayad-sala. Ito ay totoo at nagaganap at aakayin tayo nito kung saan natin kailangan at nais.