“Ang Aming Mabait na Kapitbahay,” Liahona, Abr. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aming Mabait na Kapitbahay
Noong araw na kinailangan ko ng tulong, tumugon si Elder Russell M. Nelson sa isang pahiwatig at tinulungan ako.
Nang lumipat kami ng pamilya ko sa bahay ng balong biyenan kong babae na si Effie Dean Rich, isa sa mga kapitbahay namin ay si Elder Russell M. Nelson, na natawag sa Korum ng Labindalawang Apostol ilang taon na ang nakararaan.
Noong magkapitbahay kami, masaya naming tinulungan si Elder Nelson at ang una niyang asawang si Dantzel sa kanilang mga proyekto, at masaya nila kaming tinulungan sa aming mga proyekto. Kabilang diyan ang pagpapaganda sa isang gully sa likod-bahay namin para maging isang kaakit-akit na lugar na may mga pader, magkakasalubong na daanan, hagdan, at hardin. Kapag nasa malayo si Elder Nelson para sa isang assignment ng Simbahan, tinutulungan namin si Sister Nelson sa anumang kailangan niya.
Nang matapos namin ang gully, hiniling ng pamangkin ko at ng nobya niya na gawin ang wedding reception nila sa gully at hardin. Nagplano silang pumunta at tumulong sa huling paglilinis bago ang kaganapan.
Pero lumipas ang oras. Abala sila at hindi makapunta. Sa araw ng open house, gumising ako nang alas-6:00 n.u. na mainit ang ulo. Tumayo ako, sinunggaban ko ang aking timba at gunting, at naglakad papunta sa ibaba ng 58 hakbang na hagdan ng gully. Habang paakyat ako ng hagdan na tinatabasan ang English ivy, napanatag ang damdamin ko. Bandang alas-8:00 n.u., nakarinig ako ng lawnmower sa harapan ng bakuran. Huminto ako sandali para tingnan kung ano ang nangyayari.
Nang makarating ako sa harapan ng bakuran, tapos nang magtabas ng kanyang damuhan si Elder Nelson at ngayo’y tinatabasan na ang aking damuhan.
“Hindi mo kailangang gawin iyan,” sabi ko.
“Sige lang, Grant,” sagot niya, “Kailangan kong gawin ito para sa iyo ngayon.”
Alam ni Elder Nelson kung paano pakinggan ang Ama sa Langit. Noong araw na iyon, alam ng Diyos na kailangan ko ng kaunting tulong.
Binago ako ng karanasang iyon. Pagkatapos, sa pagdarasal naming mag-asawa araw-araw, sinimulan naming hilinging malaman kung sino sa mga nasa paligid namin ang nangangailangan ng aming tulong.
Ilang taon bago iyon, sa iba pang panahon, lumabas ang biyenan kong si John P. Rich para magpala ng niyebe sa kanyang dinaraanan. Gayunman, naunahan na siya ni Elder Nelson. Bumalik si John sa loob ng bahay at kinatha ang tulang ito:
Pag-ibig ng Diyos nakita ko na
Sa mga bulaklak na kayganda
Ilang minutong pagmamahal
Ilang oras na tumatagal
Ngunit ngayon ko lang nakita
Paglilingkod sa akin ng iba
Ang nagpakita nang lubusan
Kung paano maging mabuting kaibigan
Hanggang ngayon, nagpapasalamat pa rin kami para sa aming mabait na kapitbahay.