“Ang Aking Dalamhati ay Nauwi sa Pasasalamat,” Liahona, Abr. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Ang Aking Dalamhati ay Nauwi sa Pasasalamat
Sa kawalan ng pag-asa at matinding dalamhati, nagsumamo ako sa Panginoon. Sa awa Niya, tumugon Siya.
Noong Setyembre 2021, pumanaw ang bunsong anak naming si Joey matapos mabuhay nang mga dalawang buwan lamang. Sa kabila ng mga panalangin, pag-aayuno, mga basbas ng priesthood, at masigasig na pagsisikap ng ilan sa pinakamagagaling na doktor sa mundo, hindi pinayagan ng munting katawan ni Joey na mabuhay siya.
Sa mga huling sandali ng buhay ni Joey, kalong namin siya ng aking asawa. Nang mamasdan ko ang huli niyang paghinga, nalungkot ako nang husto. Sa kawalan ng pag-asa at matinding dalamhati, nagsumamo ako sa Panginoon. Sa awa Niya, tumugon Siya.
Napalitan kaagad ang aking dalamhati ng matinding pasasalamat na mahirap ipaliwanag. Napuspos ako ng pasasalamat na nabigyan ako ng Panginoon ng isang napakabait na asawa, apat na magagandang anak, at mga tipan na nagbigkis sa kanila sa akin magpakailanman. Pakiramdam ko ako si Nakababatang Alma nang magalak siya nang kasintindi ng sakit na dati niyang nadama (tingnan sa Alma 36:20).
Habang nagpapasalamat ako sa Panginoon, nakatanggap ako ng matinding espirituwal na impresyon. Ang dalamhating nadama ko sa pagkamatay ng aking anak ay nakatulong sa akin na pahalagahan ang dalamhating malamang na nadama ng Ama sa Langit nang mamatay ang Kanyang Anak para sa akin, at sa lahat ng iba pang mga anak ng Diyos, dalawang libong taon na ang nakararaan. Dahil namatay si Jesucristo para sa atin, alam ko na makikita kong muli ang aking anak.
Sa maliit na paraan, mas naunawaan ko ang sakripisyong nagawa ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak. Muli, nakadama ako ng pasasalamat sa matinding pagmamahal ng Diyos.
Sa panahong nakalipas mula nang mamatay ang aming anak, madalas kong napagninilayan ang nadama ko noong araw na iyon. Binago ako magpakailanman ng dalamhati, pasasalamat, at ng matitinding espirituwal na impresyon. Talagang mapapatotohanan ko na ang mga pagsubok sa buhay ay nagbibigay sa atin ng karanasan at magiging para sa ating ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7) kung tutulutan natin ang Panginoon na makibahagi sa ating buhay at mananangan tayo nang mahigpit sa ating pananampalataya sa Tagapagligtas at sa Kanyang Pagbabayad-sala.