2023
Mga Munting Sunflower ni Angela
Abril 2023


“Mga Munting Sunflower ni Angela,” Liahona, Abr. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Mga Munting Sunflower ni Angela

Nagpapasalamat ako sa mga bulong ng Banal na Espiritu, na nagturo sa akin na alam ng Diyos ang nangyayari sa Kanyang mga anak.

lapida na may mga sunflower sa tabi

Larawang-guhit ni Dilleen Marsh

Isang Sabado ng gabi noong 2009, nakaupo kami ng missionary companion kong si Sister Alison Vevea sa isang chapel habang nanonood ng General Relief Society Meeting. Iniisip ko si Angela, isang babaeng tinutulungan namin noon na maghanda para sa binyag.

Dalawang taon bago iyon, pinatay ang anak na lalaki ni Angela. Walang trabaho noon si Angela at, bagama’t sabik na mabinyagan, madalas siyang malumbay at malungkot. Nang gabing iyon bago ang brodkast, ipinagdasal namin ni Sister Vevea na magkaroon kami ng inspirasyon na malaman kung paano tutulungan si Angela.

Habang nagsasalita si Pangulong Henry B. Eyring, nakaramdam ako ng impresyon na bigyan ng isang bagay si Angela. Pero ano? Pagkatapos ay sinabi sa akin ng Espiritu, “Kailangan ni Angela ng mga bulaklak.” Halos agad-agad, nagkuwento si Pangulong Eyring tungkol sa isang babae na nakahiwatig na dalhan ng tulips ang isang relief Society sister.1 Pinagtibay sa akin ng kanyang kuwento na, sa anumang kadahilanan, kailangan ni Angela ng mga bulaklak.

Pagkatapos ng brodkast, sinabi ko sa kompanyon ko ang ibinulong sa akin ng Espiritu. Walang pag-aatubili, nagpunta kami sa pinakamalapit na grocery store. Habang nakatingin sa pagpipiliang kaunting bulaklak sa tindahan, dinampot ko ang isang pumpon ng mga daisy.

“Ewan ko,” sabi ni Sister Vevea. “Mga sunflower kaya?”

Sinabi ko na mas mahal ang mga iyon, pero mapilit ang kompanyon ko. “Pakiramdam ko talaga dapat nating bilhin ang mga sunflower,” sabi niya.

Makalipas ang ilang minuto nakatayo na kami sa balkon ni Angela, hawak ang mga sunflower. Hindi ko maalala ang palitan namin ng pagbati nang bumukas ang pinto. Mga luha lang ni Angela ang naaalala ko.

Ipinaliwanag ni Angela na tinutukoy niya ang bawat isa sa mga anak niya na kanyang “mga munting sunflower.” Tuwing bumibisita siya sa libingan ng kanyang anak, naglalagay siya ng mga sunflower sa lapida nito. Gayunman, isang araw bago iyon, nagpunta siya nang walang dala. Sa kabila ng lahat ng paghahanap niya, wala siyang nakitang mga sunflower kahit saan. Dala ang aming regalo, nagplano siyang bumalik sa sementeryo kinabukasan para ipagpatuloy ang kanyang tradisyon.

Nang gabing iyon naimpluwensyahan ng Espiritu si Pangulong Eyring, ang kompanyon ko, at ako na maghatid ng mensahe ng pagmamahal kay Angela mula sa kanyang Ama sa Langit. Nagpapasalamat ako sa mga bulong ng Banal na Espiritu. Itinuro nila sa akin maaga pa sa misyon ko na alam ng Diyos ang nangyayari sa Kanyang mga anak at na lagi Siyang handang tulungan tayo na isakatuparan ang Kanyang gawain.