Ang Walang-kupas na Pamana ng Relief Society
Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit isinasalin ang pamana nang puso sa puso.
Nagpapasalamat akong makapiling kayo ngayong gabi. Ipinararating ko sa inyo ang pagmamahal at pasasalamat nina Pangulong Monson at Pangulong Uchtdorf. Mula nang maitatag noong 1842, napagpala na ang Relief Society sa maingat at mapagmahal na pamamahala ng propeta ng Diyos. Sa pagsisimula sa Nauvoo, pinagbilinan ni Joseph Smith ang mga lider at nakatipong mga miyembro.
Batid na inyo ang napakagandang kasaysayang iyon, nadama ko ang bigat ng imbitasyong ito ni Pangulong Monson na magsalita sa inyo. Sa isa sa mga unang miting na iyon ng samahan, ginulat ni Propetang Joseph Smith si Bishop Newel K. Whitney sa paghiling nito sa kanya na halinhan siya sa pagsasalita. Sinabi ni Bishop Whitney na dumating siya sa pulong na may masaya sanang pag-aasam na maturuan ng Propeta. Nauunawaan ko ang kanyang nadamang kabiguan—at marahil ang sa inyo rin.
Kaya nga tinanong ko kay Pangulong Monson habang naghahanda ako para sa oras na ito kung ano sa palagay niya ang lubos na makakatulong na marinig ninyo. Ang sinabi niya ay nagpatibay sa mga paramdam na dumating sa akin habang nag-aaral at nagdarasal ako.
Magsasalita ako sa inyo ngayong gabi tungkol sa dakilang pamanang ipinasa sa inyo ng mga nauna sa inyo sa Relief Society. Ang bahagi ng saligang inilatag nila para sa inyo, na para sa akin, ay siyang pinakamahalaga at nananaig ay ang pag-ibig sa kapwa na nasa puso ng samahan at ito ay dumarating sa puso, upang maging bahagi ng likas na pagkatao, ng bawat miyembro. Ang pag-ibig sa kapwa para sa kanila ay higit pa sa kabaitan. Ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at epekto ng Kanyang Pagbabayad-sala sa puso ng mga miyembro. Maraming mababait na grupo ng kababaihan na malaking kabutihan ang nagagawa. Maraming taong sobra-sobra ang pagkaawa sa kapuspalad, maysakit, at nangangailangan. Ngunit ang organisasyong ito ay kakaiba kahit sa simula pa lamang.
Sa saligang nilikha nila, nagtuon ang mga dakilang kababaihang iyon sa “ang pag-ibig ay hindi nagkukulang.”1 Nakatulong ito sa kanila sa simula, nakatulong ito sa kanila sa dakilang panahong sumunod, nakakatulong ito sa kanila ngayon sa isang bagong panahon, at makakatulong ito sa Relief Society sa lahat ng panahong darating.
Ang samahang ito ay binubuo ng kababaihang ang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa pusong nagbago dahil sa pagiging karapat-dapat at pagsunod sa mga tipan na tanging sa tunay na Simbahan ng Panginoon lamang makikita. Ang kanilang pag-ibig sa kapwa ay nagmumula sa Kanya sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Ang kanilang pagkakawanggawa ay ginagabayan ng Kanyang halimbawa—at bunga ng pasasalamat para sa Kanyang walang-hangganang kaloob na awa—at sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, na isinusugo Niya para samahan ang Kanyang mga lingkod sa kanilang maawaing mga misyon. Dahil diyan, nakagawa na sila at nakakagawa sila ng mga pambihirang bagay para sa iba at nagagalak kahit malaki ang sarili nilang mga pangangailangang hindi natutugunan.
Ang kasaysayan ng Relief Society ay puno ng mga kuwento ng gayong pambihirang di-makasariling paglilingkod. Sa kahindik-hindik na mga panahon ng pang-uusig at kakulangan nang humayo ang mga nananalig mula Ohio patungong Missouri hanggang Illinois at tumawid pa sa mga disyerto pakanluran, inalagaan ng kababaihan ang iba sa kabila ng kanilang kahirapan at kalungkutan. Maiiyak kayong katulad ko kung babasahin ko ngayon sa inyo ang ilan sa mga kuwento sa inyong kasaysayan. Maaantig kayo sa kanilang kabaitan lalo na kapag kinilala ninyo ang pananampalatayang nagpasigla at nagpalakas sa kanila.
Iba’t iba ang pinagmulan nilang mga kalagayan. Lahat ay naharap sa mga pagsubok na kinakaharap ng marami at kasawian sa buhay. Ang kanilang determinasyong maglingkod sa Panginoon at sa iba dahil sa pananampalataya ay tila hindi sila inilayo sa mga unos ng buhay kundi isinuong pa sila sa mga ito. Ang ilan ay mga bata at ang ilan ay matatanda. Nanggaling sila sa maraming lupain at lahi, na katulad ninyo ngayon. Ngunit sila ay may iisang puso, iisang isipan, at iisang layunin. Determinado silang tulungan ang Panginoon na itatag ang Kanyang Sion, kung saan maaaring maging masaya ang buhay na malinaw na inilarawan ng Aklat ni Mormon sa kanila. Maaalala ninyo ang ilan sa mga tagpo mula sa 4 Nephi na isinapuso nila saanman sila akayin ng Panginoon sa paglalakbay patungong Sion:
“At ito ay nangyari na, na sa ikatatlumpu at anim na taon, ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.
“At nagkaroon ng pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay sa kanila; kaya nga walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog.” …
“At ito ay nangyari na, na hindi nagkaroon ng alitan sa lupain, dahil sa pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.”2
Hindi naranasan ng mga miyembro ng Relief Society ang gayon kapayapang panahon. Ngunit nanaig ang pag-ibig ng Diyos sa kanilang puso. Kaya nga ito—at sila—ay nakatiis sa paglalakbay pakanluran at sa mga sumunod na taon. Dahil sa mahihirap na kalagayan, halos apat na dekadang natigil ang Relief Society sa pagiging organisasyon sa buong Simbahan. Ngunit noong 1868 tinawag ni Brigham Young si Eliza R. Snow para tulungan ang mga bishop sa pag-oorganisa ng mga Relief Society. Tinawag siya bilang pangalawang pangkalahatang pangulo ng Relief Society noong 1880. Makikita sa talaan ng Relief Society na nang lumapit ang mga lider sa kababaihan sa buong Simbahan upang simulang muli ang pormal na gawain ng Relief Society, nalaman nila na hindi nabawasan ang pag-ibig sa kanilang puso. Nagpatuloy sila sa maawaing pagtulong sa mga nangangailangan. Sa mga nanatiling tapat sa kanilang mga tipan, ang kaloob na pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ay hindi kumupas. Taglay pa rin nila iyon.
Sa sumunod na mga taon, dumami at lumakas ang mga miyembro ng Relief Society para paglingkuran ang mga nangangailangan. Sa pamumuno ng kababaihang may dakilang pananaw at kakayahan, namuno ang Relief Society sa pagsisimula ng mga pagkakawanggawa sa mga nangangailangan na hindi pa noon umiiral sa hangganan ng Estados Unidos. Nagtayo sila ng maliit na ospital. Sinuportahan nila ang ilang kakababaihan sa pagpunta sa Silangan para magsanay sa panggagamot para sila ang magtrabaho rito pagkatapos. Iyon ang simula ng isa sa magagandang sistema ng ospital sa Estados Unidos.
Nagpasimula sila ng mga programa na sa paglipas ng mga taon ay naging mga pandaigdigang programa ng LDS Family Services. Lumikha sila ng napakaepektibong sistema sa pag-iimbak ng mga butil kaya nakakatugon sila kapag humihingi ng tulong ang pamahalaang pederal sa panahon ng digmaan at krisis. Sinimulan nila ang grupong naging Primary at ang grupong naging organisasyon ng mga kabataang babae sa Simbahan. Lumikha sila ng sarili nilang magasin para sa kababaihan. Naging isa sila sa pinakamalalaking organisasyon para sa kababaihan sa mundo. Nasa pamunuan din sila ng mga organisasyong pangkababaihan sa Estados Unidos.
Sa Relief Society nagmula ang kapasidad ng Simbahan na magkawanggawa sa lahat ng panig ng mundo. Ang mga lider ng mga bansa, nang bumisita sa Utah, ay humanga at pumuri sa ginagawa ng Simbahan para sa mga mahihirap at biktima ng digmaan at kapinsalaang dulot ng kalikasan sa buong mundo. Ang mga pambihirang kaloob na iyon sa mga anak ng Diyos ay bahagi ng walang-kupas na pamana ng Relief Society.
Sinabi ni Propetang Joseph Smith sa Relief Society sa una nilang mga miting na ang gayong mga pambihirang bagay ay magmumula sa kanilang tapat na paglilingkod. Sabi niya ang mga reyna ay matututo mula rito at magiging bahagi ito ng kanilang paglilingkod.3 Nakita kong natupad na ang propesiyang iyan. At nahihiwatigan ko mula sa mga talaan na may pangako sa banal na kasulatan sa mga naglilingkod sa Panginoon sa Kanyang gawain na ipinagkaloob din sa mga Relief Society pioneer. Ang pangakong iyon, na ibinigay sa pamamagitan ni Propetang Joseph Smith, ay nakatala sa ika-88 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Tungkol iyon sa mga taong matatawag na maglingkod kasama ang Panginoon sa loob ng labindalawang sunud-sunod na panahon:
“At kanyang sinabi sa una: Magtungo ka at gumawa sa bukid, at sa unang oras ako ay patutungo sa iyo, at iyong mamamalas ang kagalakan sa aking mukha.
“At kanyang sinabi sa pangalawa: Magtungo ka rin sa bukid, at sa pangalawang oras ikaw ay aking dadalawing may kagalakan sa aking mukha.
“At gayon din sa pangatlo, sinasabing: Ikaw ay aking dadalawin;
“At sa pang-apat, at sa iba pa hanggang sa panlabindalawa.
“At ang panginoon ng bukid ay nagtungo sa una sa unang oras, at nanatili sa kanya sa buong oras na yaon, at siya ay nagawang magalak sa liwanag ng mukha ng kanyang panginoon.”4
Malinaw sa iniwan nilang talaan na nadama ng kababaihang iyon noong unang panahon ng Relief Society ang kagalakang ipinangako ng Panginoon. Kasama nila Siya sa gawain. Pinaunlad Niya ito at nakadama sila ng galak at liwanag.
Ngunit nakinita ni Propetang Joseph na may isa pang panahong susunod. Nakita niya ang mga dakilang gawaing gagawin nila sa unang panahon. Ngunit sinabi rin niya na sila ay maglilingkod, magpapala, at mangangalaga sa mga malapit sa kanila, na kilala nila mismo.
Matapos ang masayang panahon ng paglilingkod para sa Relief Society, dinala sila ng Panginoon sa ibang kapanahunan, malayo sa mga bukiring maringal nilang tinamnan. Halimbawa, mahirap ito para sa matatapat na kalalakihang nagmana ng sistema ng ospital na pinalawak nila sa saligang binuo ng Relief Society. Nilinaw ng Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta, na ang pagtutuloy at pagtatatag ng mabisang kasangkapang iyon para sa kabutihan ay maaaring ipagkatiwala ng Kanyang mga lingkod sa priesthood sa iba. Kaya nga ipinamigay ng Simbahan ang kagila-gilalas nitong sistema ng ospital.
Kilala at hinahangaan ko ang kalalakihang nagalak sa paglilingkod sa sistemang iyon ng ospital. At nakita ko ang pagkilala nila na ang kagalakan ay nagmula sa pakikipagtulungan nila sa Panginoon, hindi nagmula sa sarili nilang mga nagawa. Kaya nga ngumiti sila at galak na ipinamigay ang kanilang naitatag. Nanalig sila na nakakita ang Panginoon ng mas malaking pangangailangan para sa kanilang paglilingkod sa ibang lugar, sa ibang mga larangan sa ibang panahon.
Ang isang katangi-tanging bahagi ng inyong pamana ng Relief Society ay ang pananampalataya ring iyon sa puso ng mga lider at miyembro ng Relief Society. Batid ng Panginoon kung saan kakailanganin ang kanilang mga dakilang talento sa susunod na panahon at kung saan sila makasusumpong ng mas malaki pang kagalakan kaysa sa magaganda at maawaing adhikaing nasimulan at naitatag nila.
Lumaki ang Simbahan at nakarating sa lahat ng panig ng mundo. Ang mga paglilingkod na nalikha ng Relief Society ay nagsimulang mangailangan ng maraming pagkukunan at palagiang pangangalaga sa lumalagong Simbahan at sa isang mundong lalong gumugulo. Ang pagpapatakbo ng malaki at sentralisadong mga programa ay nakabawas sa oportunidad ng mga lider at miyembro ng Relief Society na magalak sa paglilingkod sa mga tao para sa at kasama ng Panginoon.
Para sa isang bagong panahon, binigyan na sila ng oportunidad ng Panginoon. Ang tanging sistemang makapaglalaan ng tulong at kapanatagan sa isang buong simbahang napakalaki sa isang mundong napakagulo ay sa pamamagitan ng mga lingkod na malapit sa mga taong nangangailangan. Nakita na ng Panginoon ang pagdating niyan sa simula pa lang ng Relief Society.
Nagtakda Siya ng huwaran. Tinatanggap ng dalawang kababaihan sa Relief Society ang kanilang atas na bisitahin ang iba bilang panawagan ng Panginoon. Totoo iyan sa simula pa lang. Inorganisa ng mga opisyal ng Relief Society ang mga miyembro na alam nilang may pananampalataya para magbigay ng mahabaging paglilingkod kapag hindi kaya ng dalawang visiting teacher na inatasan. Lagi itong malapit sa inyo, sa mga kakilala. Itinuturo ng mga miyembro ang ebanghelyo sa mga lokal na miting at pinatototohanan ang Tagapagligtas at ang Pagpapanumbalik. Binabantayan ng mga anak na babae ang mga ina. Pinakikinggan, tinuturuan, at inaalagaan ng mga ina ang mga anak na babae.
Ang mga miyembro ng Relief Society ay noon pa pinagkakatiwalaan ng mga lokal na pastol ng priesthood. Bawat bishop at branch president ay may isang Relief Society president na maaasahan. Mayroon itong mga visiting teacher, na nakakaalam ng mga pagsubok at pangangailangan ng bawat miyembrong babae. Malalaman niya, sa pamamagitan nila, ang nasa puso ng mga tao at pamilya. Makakatugon siya sa mga pangangailangan at makakatulong sa bishop sa tungkulin nitong kalingain ang mga tao at pamilya.
Kitang-kita ang isang magandang bahagi ng pamana ng Relief Society sa paggalang sa kanila ng priesthood at paggalang naman ng Relief Society sa kanila. Nakita ko na ito katulad ninyo. Nakangiting sinabi sa akin ng bishop ng pamilya namin ilang taon na ang nakalilipas, “Bakit ba tuwing dadalaw ako sa isang miyembro ng ward na nangangailangan, parang lagi akong nauunahan ng asawa mo sa pagparoon.” Bawat bishop at branch president na may anumang karanasan ay nadama na ang marahang pagganyak ng inspiradong halimbawa ng kababaihan ng Relief Society. Tinutulungan nila tayong maalala na para sa lahat, kapwa babae at lalaki, walang kaligtasan kung walang mahabaging paglilingkod.
Naaalala ninyong nakatatanda na binanggit ni Pangulong Marion G. Romney ang banal na kasulatang ito nang sabihin niya na determinado siyang tulad ng kababaihan na maging tapat sa paglilingkod na iyan. Binanggit niya ang sinabi ni Haring Benjamin: “At ngayon, alang-alang sa mga bagay na ito na aking sinabi sa inyo—na, alang-alang sa pananatili ng kapatawaran ng inyong mga kasalanan sa araw-araw, upang kayo ay makalakad nang walang kasalanan sa harapan ng Diyos—nais kong ibahagi ninyo ang inyong kabuhayan sa mga maralita, bawat tao alinsunod sa kung ano ang mayroon siya, gaya ng pagpapakain sa nagugutom, pagpapanamit sa hubad, pagdalaw sa may karamdaman, at pangangasiwa sa kanilang ikagiginhawa, kapwa espirituwal at temporal, alinsunod sa kanilang mga pangangailangan.”5
Kaya napangiti si Pangulong Romney, kung natatandaan ko nang gawin niya iyon, ay dahil sinabi niya na gusto niya talagang mapatawad ang kanyang mga kasalanan. Kaya nga naisip niyang sumali sa kababaihan sa bawat mahabaging paglilingkod nila hangga’t maaari.
Ngayo’y oras na para magsalita tungkol sa dapat ninyong gawin para maipasa ang kagila-gilalas at sagradong pamanang ito ng Relief Society sa mga kasunod ninyo. Kailangan dito ang ilang maliliit at simpleng bagay. Alalahanin lamang na ang pamanang ito ay ipinapasa ito nang puso sa puso. Ang pag-ibig sa kapwa, ang dalisay na pag-ibig ni Cristo, ay bahagi ng malaking pagbabago ng puso na ipinangako ng Panginoon sa Kanyang matatapat na disipulo. Kaya hindi mahirap makita ang mga simpleng bagay na inyong magagawa at dapat gawin upang maipasa ang pamanang ito.
Halimbawa, tuwing maghahanda kayo ng inyong kompanyon para mag-visiting teaching, kailangan lang ninyong alalahanin kung ano ang magiging tagumpay ninyo. Higit pa ito sa pagpasok sa pintuan. Higit pa ito sa pagbibigay ng mensahe. Higit pa ito sa pagtatanong kung ano ang maitutulong ninyo. Magtatagumpay lang siguro kayo pagkaraan ng maraming pagbisita. At maaaring hindi ninyo makita sa buhay na ito ang katibayan na nagtagumpay kayo. Ngunit ipadarama sa inyo ng Espiritu kung malapit na itong mangyari.
Kinausap ko ang isang miyembro ng Relief Society tungkol sa isang pagbisita niya. Iyo’y sa isang babaeng di naglaon ay biglang namatay ang asawa sa isang trahedya. Nitong nagdaang mga taon bihirang makaugnayan ng babae ang Relief Society.
Naghanda ang bisita sa pamamagitan ng pagtigil sa isang tindahan para bumili ng mga bulaklak. Panahon iyon na dagsa ang iba’t ibang kulay na tulips na ibinebenta. Pumili siya ng isang kulay, iyong paborito niya, pero naisip niyang sumubok ng iba. Hindi niya alam kung bakit niya pinili ang dilaw, pero iyon ang kinuha niya.
Nang ibungad niya sa pintuan ang dilaw na tulips, ngumiti ang babae at sinabing, “Halika. Tingnan mo ang hardin ko sa likuran.” Puno iyon ng dilaw na tulips na bukadkad na. Sabi ng babae, “Iniisip ko lang kung dapat akong pumutol ng ilan para sa bahay. Pero ngayon puwedeng hindi na at makikita ko pa sila nang matagal-tagal sa hardin ko dahil dinalhan mo ako nito.” Masaya silang nag-usap na para bang dati na silang magkaibigan. Sa paramdam na iyon na magdala ng ilang bulaklak at piliin ang dilaw na tulips, kitang-kita ng visiting teacher na iyon na siya ay naglilingkod sa Panginoon. Nang magkuwento siya sa akin, narinig ko ang galak sa kanyang tinig.
Nang kausapin niya ako, hindi niya alam ang nadama ng balo matapos siyang bumisita. Ngunit kung nadama ng balo na mahal siya ng Diyos at nagsugo Siya ng anghel sa kanya, natulungan siya ng visiting teacher na sumulong sa tagumpay sa paningin ng Panginoon. Sa mundong darating lang mapapatunayan ng bisitang iyon kung nagtagumpay siya sa tapat niyang pagsisikap.
Totoo iyan para sa dalawang visiting teacher na paulit-ulit na halos siyam na taong nagpakita ng pagmamahal sa isa pang balong nakatira malapit sa isang nursing home. Pagkaraan ng mahihirap na pagsubok, pumanaw siya ilang linggo pa lang ang nakalilipas. Sa nalaman ko mula sa isang anak na lalaki ng balo, tiwala ako na nagtagumpay ang mga visiting teacher na iyon. Magiging masaya rin ang karanasan nila tulad ng ina ni Propetang Joseph Smith na inilarawan sa kababaihan sa huling miting ng samahan na dinaluhan niya. Sabi niya, “Dapat nating itangi [at] bantayan ang isa’t isa, papanatagin ang isa’t isa at maturuan nang tayo ay sama-samang makaupo sa langit.”6
Naipapasa ninyo ang pamana sa pagtulong ninyo sa iba na tanggapin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa sa puso nila. Sa gayon ay maipapasa nila ito sa iba. Ang kasaysayan ng Relief Society ay mababasa at mabibilang, ngunit ipinapasa ang pamana nang puso sa puso. Iyan ang dahilan kaya malaki ang pakinabang ng mga pamilya sa Relief Society.
Iniwan sa akin ng nanay ko ang isang munting pin na may nakaukit na “Ang Pag-ibig sa Kapwa Kailanman ay Hindi Nagkukulang.” Ibinigay sa akin ni Sister Beck itong maliit para sa kuwelyo ko.
Ang walang-kupas na pamana na iniwan ng aking ina sa kanyang pamilya ay higit pa sa pin. Iyon ang kanyang pagmamahal at ang pag-ibig ng Panginoon, na nakita at nadama ko sa mga simpleng bagay na ginawa niya, na nagbibigay-habag para sa Kanya. Siya ay miyembro ng Relief Society. Wala siyang mga anak na babae, ngunit ipinasa ng asawa ko ang pamana sa dalawa naming anak na babae. At pananatilihin nila itong nag-aalab sa puso ng iba. Ito ay magtatagal dahil ang pag-ibig ay hindi nagkukulang.
Pinatototohanan ko na ang pag-ibig sa kapwa ay dalisay na pag-ibig ni Cristo. Siya ay buhay. Kapag pinaglingkuran natin ang iba kasama Siya, nadarama natin ang Kanyang galak. Sa Kanyang Pagbabayad-sala pinapangyari Niyang makasamo tayo at tumanggap ng kaloob na pag-ibig sa kapwa. Alam ko na ang Ama ay buhay at sinasagot ang ating mga dalangin. Kayo ay mga miyembro ng isang samahang itinatag at pinasimulan ng propeta ng Pagpapanumbalik, si Joseph Smith. Si Sister Beck at ang kanyang mga tagapayo ay tinawag sa pamamagitan ng inspirasyon mula sa Diyos, na ibinigay sa isang buhay na propeta. Alam kong iyan ay totoo.
Kayo ay may napakagandang pamana. Dalangin ko sa Diyos na bigyan Niya kayo ng inspirasyong ingatan ito at ipamana upang magpala at maghatid ng galak sa mga henerasyon at panahong darating. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, na ating pinaglilingkuran, amen.