2009
Nang ang Inyong mga Pasanin ay Gumaan
Nobyémbre 2009


Nang ang Inyong mga Pasanin ay Gumaan

Ang mga pasanin ay nagbibigay ng pagkakataong maipakita ang mga banal na katangiang nakakatulong para maging sakdal sa bandang huli.

Elder L. Whitney Clayton

Maraming taon na ang nakalilipas naglakad ako nang madaling-araw sa makitid at mabatong mga kalye ng Cusco, Peru, sa itaas ng Andes Mountains. Nakita kong naglalakad ang isang lalaking katutubo sa isa sa mga kalye. Hindi kalakihan ang kanyang pangangatawan, ngunit napakabigat ng sako ng panggatong na pasan niya sa likod. Mukhang kasinglaki niya ang sako. Malamang ay kasimbigat niya ang kanyang pasan. Tinalian niya ito ng lubid na nakaikit sa ilalim ng sako para tumatag at iniikit ito sa kanyang noo. Hinigpitan niya ang lubid sa magkabilang gilid ng kanyang ulo. Naglagay siya ng tela sa kanyang noo sa ilalim ng lubid para hindi masugatan ang kanyang balat. Pahukot niyang pinasan ang kanyang dala at dahan-dahan at hirap na naglakad.

Dadalhin ng lalaki ang panggatong sa palengke, kung saan ito ibebenta. Karaniwan siguro sa isang araw ang makadalawa o tatlong balikan siya sa bayan para ihatid ang mabibigat na pasan.

Ang alaala ko sa kanya na nakahukot, at nahihirapan sa paglakad sa kalye ay lalong naging makabuluhan sa akin sa paglipas ng mga taon. Hanggang kailan niya bubuhatin ang gayon kabigat na mga pasanin?

Ang buhay natin ay puno ng lahat ng uri ng pasanin, ang ilan ay magaan ngunit ang iba ay walang-tigil at mabigat. Nakikibaka ang mga tao araw-araw dala ng mga pasaning sumusubok sa kanilang kakayahan. Marami sa atin ang nahihirapan sa gayong mga pasanin. Maaaring napakabigat nito sa damdamin o katawan. Maaaring nakakapag-aala ito, nagpapahirap, at nakakapagod. At maaari pa itong magpatuloy nang ilang taon.

Karaniwan, ang ating mga pasanin ay may tatlong pinagmumulan. Ang ilang pasanin ay likas na bunga ng mga kalagayan sa mundong ating ginagalawan. Ang sakit, kapansanan, matitinding bagyo, at mga lindol ay dumarating maya’t maya nang hindi natin sinasadya. Maaari nating paghandaan ang mga panganib na ito at kung minsan ay mahuhulaan natin kung kailan ito mangyayari, ngunit sa likas na takbo ng buhay lahat tayo ay mahaharap sa ilan sa mga hamong ito.

Ang ibang mga pasanin ay dulot sa atin ng masamang gawain ng iba. Ang pang-aabuso at adiksyon ay hindi magagawang langit sa lupa ang ating tahanan para sa walang malay na mga kapamilya. Ang kasalanan, mga maling tradisyon, panunupil, at krimen ay maraming binibiktima sa buhay na ito. Kahit ang di-kabigatang mga kamalian tulad ng tsismis at kasungitan ay makapagdudulot sa iba ng tunay na pagdurusa.

Sarili nating mga kamalian at pagkukulang ang sanhi ng marami sa ating mga problema at nagpapabigat sa ating mga pasanin. Ang pinakamabigat na pasaning dulot natin sa ating sarili ay ang bigat ng kasalanan. Alam na natin ang pagsisisi at pasakit na tiyak na kasunod ng pagsuway natin sa mga kautusan.

Anuman ang mga pasanin natin sa buhay bunga ng mga likas nating katayuan, ng masamang gawain ng iba, o ng sarili nating mga pagkakamali at pagkukulang, tayong lahat ay mga anak ng mapagmahal na Ama sa Langit, na nagsugo sa atin sa lupa bilang bahagi ng Kanyang walang hanggang plano para sa ating paglago at pag-unlad. Ang kakaiba nating mga karanasan ay makakatulong sa paghahanda nating bumalik sa Kanya. Ang hirap at pasakit natin ngayon, gaano man ito kahirap tiisin, ay nagtatagal, ayon sa pananaw ng langit, nang “maikling sandali na lamang; at kung ito ay [ating] pagtitiisang mabuti, ang Diyos ay dadakilain [tayo] sa itaas.”1 Kailangan nating gawin ang lahat ng kaya natin upang mapagtiisang “mabuti” ang ating mga pasanin gaano man katagal ang ating “maikling sandali.”

Ang mga pasanin ay nagbibigay ng pagkakataong maipakita ang mga banal na katangiang nakakatulong para maging sakdal sa bandang huli. Hinihikayat tayo nito na bigyang-daan “ang panghihikayat ng Banal na Espiritu, at hubarin ang likas na tao at maging banal sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon, at maging tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa [atin], maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama.”2 Kaya nga nagiging mga pagpapala ang mga pasanin, bagaman kadalasan ay hindi pa hayag ang gayong mga pagpapala at kailangan pa ng panahon, pagsisikap, at pananampalataya para tanggapin at maunawaan ito. Maaari itong ipaliwanag sa apat na halimbawa:

  • Una, sinabihan si Adan, “Sumpain ang lupa dahil sa iyo,” na ibig sabihin ay para sa kanyang kapakanan, at “sa pamamagitan ng pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay.”3 Ang pagtatrabaho ay isang tuluy-tuloy na pasanin, ngunit isa rin itong tuluy-tuloy na pagpapala “dahil sa [atin], dahil nagtuturo ito ng mga aral na matututuhan lang natin “sa pamamagitan ng pawis ng [ating] mukha.”

  • Ikalawa, napansin ni Alma na ang karalitaan at “mga paghihirap [ng maralitang mga Zoramita] ay tunay na nakapagpakumbaba sa kanila, at sila ay naghahandang pakinggan ang salita.”4 Dagdag pa niya, “Dahil sa kayo ay napilitang magpakumbaba, kayo ay pinagpala.”5 Ang mga hamon sa ating ekonomiya ay makakatulong sa paghahanda nating pakinggan ang salita ng Panginoon.

  • Ikatlo, dahil sa “labis na katagalan ng [kanilang] digmaan,” maraming Nephita at Lamanita “ang napalambot dahil sa kanilang paghihirap, kung kaya nga’t sila ay nagpakumbaba sa harapan ng Diyos, maging sa kailaliman ng pagpapakumbaba.”6 Ang gulo sa pulitika at lipunan, at, sa ilang lugar sa mundo, ang mga tulisan ni Gadianton sa panahong ito ay maaaring makapagpakumbaba at makahikayat sa atin na humanap ng banal na kanlungan laban sa mga problema at kaguluhan ng lipunan.

  • Ikaapat, sinabihan si Joseph Smith na ang matitinding pagdurusa niya sa maraming taon sa kamay ng kanyang mga kaaway ay “magbibigay [sa kanya] ng karanasan, at … para sa [kanyang] ikabubuti.”7 Ang pagdurusang dinaranas natin dahil sa mga kasalanan ng iba ay isang mahalaga, bagaman mapait, na aral para mapagbuti natin ang ating pag-uugali.

Bukod dito, ang pagtitiis sa sarili nating mga pasanin ay matutulungan tayong magkaroon ng malalim na simpatiya sa mga problemang kinakaharap ng ibang tao. Itinuro ni Apostol Pablo na dapat tayong “mangagdalahan … ng mga pasanin ng isa’t isa, at tuparin nang gayon ang kautusan ni Cristo.”8 Alinsunod dito, hinihingi ng ating mga tipan sa binyag na dapat tayong “nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan. Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati, oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw.”9

Ang pagtupad natin sa ating mga tipan sa binyag ay nagpapagaan sa ating sariling mga pasanin at sa mga nabibigatang kaluluwang ating pinaglilingkuran.10 Yaong mga nag-aalok ng gayong tulong ay nakatuntong sa banal na lupa. Sa pagpapaliwanag nito, itinuro ng Tagapagligtas:

“Kailan ka namin nakitang nagutom, at pinakain ka? o nauuhaw, at pinainom ka?

“Kailan ka namin nakitang isang taga ibang bayan, at pinatuloy ka? o hubad, at pinaramtan ka?

“O kailan ka namin nakitang may-sakit, o nasa bilangguan, at dinalaw ka namin?

“At sasagot ang Hari at sasabihin sa kanila, Katotohanang sinasabi ko sa inyo, Yamang inyong ginawa sa isa dito sa aking mga kapatid, kahit sa pinakamaliit na ito, ay sa akin ninyo ginawa.”11

Sa lahat ng ito, inaalok tayo ng Tagapagligtas ng lakas at suporta, at sa Kanyang sariling panahon at paraan, nag-aalok Siya ng kaligtasan. Nang matakasan ni Alma at ng kanyang mga alagad ang mga hukbo ni Haring Noe, nagtayo sila ng isang pamayanang tinatawag na Helam. Nagsimula silang magbungkal ng lupa, magtayo ng mga gusali, at umunlad.12 Walang babala, isang hukbo ng mga Lamanita ang umalipin sa kanila, at “walang makapagpapalaya sa kanila kundi ang Panginoon nilang Diyos.”13 Ang pagliligtas na iyon, gayunman, ay hindi kaagad dumating.

Ang mga kaaway na ito ay nagsimulang “gumamit ng kapangyarihan sa kanila, at pinagagawa sila, at naglagay ng mga tagapagbantay sa kanila.”14 Bagaman sinabing papatayin sila kapag nagdasal,15 si Alma at ang kanyang mga tao ay “ibinuhos ang kanilang mga puso sa [Diyos]; at kanyang nalaman ang mga nasasaloob ng kanilang mga puso.”16 Dahil sa kanilang kabutihan at pagsunod sa kanilang mga tipan sa binyag,17 unti-unti silang naligtas. Sinabi ng Panginoon sa kanila:

“Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na … kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; at ito ay gagawin ko upang kayo ay tumayong mga saksi para sa akin magmula ngayon, at upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap.

“At ito ay nangyari na, na ang mga pasaning ipinataw kay Alma at sa kanyang mga kapatid ay pinagaan; oo, pinalakas sila ng Panginoon upang mabata nila ang kanilang mga pasanin nang may kagaanan, at nagpasailalim nang may kagalakan at nang may pagtitiis sa lahat ng kalooban ng Panginoon.

“At ito ay nangyari na, na napakalakas ng kanilang pananampalataya at kanilang pagtitiis kung kaya’t ang tinig ng Panginoon ay muling nangusap sa kanila, sinasabing: Maaliw kayo, sapagkat bukas ay palalayain ko kayo mula sa pagkaalipin.”18

Buong awang nag-alok ang Anak ng Diyos na iligtas tayo mula sa pagkaalipin sa ating mga kasalanan, na kabilang sa pinakamabibigat sa lahat ng ating pasanin. Sa Kanyang Pagbabayad-sala Siya ay nagdusa “ayon sa laman upang madala Niya sa kanyang sarili ang mga kasalanan ng kanyang mga tao, upang mabura Niya ang kanilang mga kasalanan alinsunod sa kapangyarihan ng kanyang pagtubos.”19 Pinagdusahan ni Cristo “ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi.”20 Kapag nagsisi tayo at sumunod sa mga kautusan, ang kapatawaran at ginhawa mula sa ating nabibigatang budhi ay dumarating sa tulong na tanging ang Tagapagligtas ang makapagbibigay, sapagkat “tiyak na ang sinumang magsisisi ay makasusumpong ng awa.”21

Naaalala ko ang lalaking iyon sa Peru, hukot na at pinipilit pasanin sa likod ang malaking sako ng panggatong. Para sa akin, siya ang kawangis nating lahat sa ating pakikibaka sa mga pasanin sa buhay. Alam ko na kapag sinunod natin ang mga utos ng Diyos at ating mga tipan, tinutulungan Niya tayo sa ating mga pasanin. Pinalalakas Niya tayo. Kapag nagsisi tayo, pinatatawad Niya tayo at binibigyan ng katahimikan ng budhi at kagalakan.22 Nawa’y masaya at matiyaga nating sundin ang lahat ng kalooban ng Panginoon, ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. D at T 121:7–8.

  2. Mosias 3:19.

  3. Moises 4:23, 25.

  4. Alma 32:6.

  5. Alma 32:13.

  6. Alma 62:41.

  7. D at T 122:7.

  8. Mga Taga Galacia 6:2

  9. Mosias 18:8–9.

  10. Tingnan sa Mateo 10:39, 11:28–30; Mosias 2:22.

  11. Tingnan sa Mateo 25:35–40.

  12. Tingnan sa Mosias 23:5, 19–20.

  13. Tingnan sa Mosias 23:23–26.

  14. Mosias 24:9.

  15. Tingnan sa Mosias 24:10–11.

  16. Mosias 24:12.

  17. Tingnan sa Mosias 18:8–10, 24:13.

  18. Mosias 24:14–16.

  19. Alma 7:13.

  20. D at T 19:16.

  21. Alma 32:13.

  22. Tingnan sa Mosias 4:3; Alma 36:19–21.