Kasama sa Kumperensya ang Paalala Tungkol sa Limang Bagong Templo
Binuksan ni Pangulong Thomas S. Monson ang Ika-179 Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya ng Simbahan, na ginanap noong Sabado at Linggo, Oktubre 3 at 4, 2009, sa pagbabalita ng mga lugar na pagtatayuan ng limang bagong templo sa Brigham City, Utah, USA; Concepción, Chile; Fortaleza, Brazil; Fort Lauderdale, Florida, USA; at Sapporo, Japan.
Nakilahok ang mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo sa kumperensyang isinahimpapawid sa 92 wika sa Conference Center at sa pamamagitan ng telebisyon, satellite, Internet, at radyo. Magkakaroon ng mga recording ng brodkast sa DVD at CD at online.
Dahil sa mga bagong templo, umaabot na sa 21 ang bilang ng mga templong ibinalitang itatayo o kasalukuyang itinatayo. Kapag natapos ang 21 templo, aabot na sa kabuuang 151 ang mga templo ng Simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo.
“Patuloy tayong nagtatayo ng mga templo,” sabi ni Pangulong Monson. “Hangad namin na hangga’t maaari ay mas marami pang miyembro ang magkaroon ng pagkakataong makadalo sa templo nang hindi na naglalakbay nang napakalayo.”
Ang templo sa Brigham City ang magiging pang-14 sa Utah; dalawang templo, ang Draper Utah at Oquirrh Mountain Utah Temples, ang inilaan sa Utah sa pagsisimula ng taong ito.
Sa kasalukuyan ay may 13 templong gumagana sa South America. Ang templo sa Concepción, Chile, ang magiging pangalawa sa Chile.
Ang templo sa Fortaleza, Brazil, ang magiging pang-anim sa Brazil. Isang templo sa Manaus ang ibinalita noong Mayo 2007, at may apat sa kasalukuyan.
Para matugunan ang mga pangangailangan ng mga miyembro sa South Florida at sa Bahamas, ang templo sa Fort Lauderdale, Florida, ang magiging pangalawa sa Florida.
Ang Sapporo Japan Temple ang magiging pangatlo sa bansang iyon, matapos ang Tokyo at Fukuoka Japan Temples.
Sinabi ni Pangulong Monson na 83 porsiyento ng mga miyembro ng Simbahan ang nakatira sa sakop na 200 milya (320 km) mula sa isang templo. “Ang porsiyentong iyan ay patuloy na madaragdagan habang nagtatayo pa tayo ng mga bagong templo sa iba’t ibang panig ng mundo,” sabi niya.