Ang Pag-ibig sa Diyos
Pag-ibig ang sukatan ng ating pananampalataya, inspirasyon sa ating pagsunod, at lalim ng ating pagkadisipulo.
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay patuloy na umuunlad at nagiging mas kilala sa buong mundo. Bagaman laging may mga taong negatibo ang tingin sa Simbahan at sa mga miyembro nito, iniisip ng karamihan na tayo ay matatapat, matulungin, at masisipag. Ang nakikita ng ilan ay mga misyonerong maayos ang gupit, mapagmahal na mga pamilya, at mababait na kapitbahay na hindi naninigarilyo o umiinom. Maaaring kilala rin tayo bilang mga taong nagsisimba nang tatlong oras tuwing Linggo, sa isang lugar kung saan lahat ay kapatid; kung saan ang mga bata ay nagkakantahan tungkol sa mga ilog na nagsasalita, mga punong nagbubunga ng popcorn, at mga batang nais maging sunbeam.
Mga kapatid, sa lahat ng bagay na gusto nating makilala tayo, may mga katangian bang nangingibabaw sa lahat na dapat makita sa atin bilang mga miyembro ng Kanyang Simbahan, maging bilang mga disipulo ni Jesucristo? Mula noong huling pangkalahatang kumperensya natin anim na buwan na ang nakararaan, napag-isipan ko na ito at ang mga tanong na katulad nito. Gusto kong ibahagi sa inyo ngayon ang ilang kaisipan at damdaming dumating bunga ng pagtatanong na iyon. Ang unang tanong ay:
Paano Tayo Nagiging Tunay na mga Disipulo ni Jesucristo?
Ang Tagapagligtas ang Siyang sumagot sa malalim na pahayag na ito: “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”1 Ito ang buod ng kahulugan ng pagiging disipulo: yaong mga tumatanggap kay Cristo Jesus ay sumusunod sa Kanya.2
Ngunit maaari itong magdulot ng problema sa iba dahil napakaraming “dapat” at “hindi dapat” gawin at subaybayan lang ang mga ito ay mahirap na. Kung minsan, ang magagandang paliwanag tungkol sa mga banal na alituntunin—na marami ang di- inspirado ang pinagmulan—ay mas nakakagulo, kaya naglalaho ang kadalisayan ng banal na katotohanan sa mga idinagdag ng tao. Ang magandang ideya ng isang tao—na maaaring umubra sa kanya—ay nag-uugat at nagiging ekspektasyon. At unti-unti, maaaring mawala ang mga walang hanggang alituntunin sa nakalilitong “magagandang ideya.”
Ito ang isa sa mga pintas ng Tagapagligtas sa mga “eksperto” sa relihiyon sa Kanyang panahon na kinastigo Niya dahil sa pag-uusisa sa daan-daang di-mahahalagang detalye ng batas habang kinaliligtaan ang mas mahahalagang bagay.3
Kaya paano tayo mananatiling nakaayon sa mas mahahalagang bagay na ito? May palagiang gabay ba na makakatulong para maipriyoridad natin ang ating buhay, iniisip, at ginagawa?
Muling inihayag ng Tagapagligtas ang paraan. Nang itanong kung ano ang pinakadakilang utos, hindi Siya nag-alangan; “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong pagiisip mo,” wika Niya. “Ito ang dakila at pangunang utos.”4 Kasama ang pangalawang dakilang utos—na ibigin ang kapwa gaya ng ating sarili5—may gabay tayong pumapatnubay hindi lang sa ating buhay kundi maging sa Simbahan ng Panginoon sa magkabilang panig ng tabing.
Dahil pag-ibig ang dakilang utos, dapat ay ito ang sentro ng lahat ng ating ginagawa sa ating pamilya, sa ating mga tungkulin sa simbahan, at sa ating hanapbuhay. Pag-ibig ang balsamong nagpapahilom sa mga hidwaan sa personal na relasyon at sa pamilya. Ito ang bigkis na nagbubuklod sa mga pamilya, komunidad, at bansa. Pag-ibig ang kapangyarihang nagpapasimula ng pagkakaibigan, pagpaparaya, pagpipitagan, at respeto. Ito ang kapangyarihang dumaraig sa di-pagkakaisa at poot. Pag-ibig ang ningas na nagpapaalab sa ating buhay sa walang-kapantay na galak at banal na pag-asam. Dapat tayong kumilos at magsalita nang may pagmamahal.
Kapag tunay nating naunawaan ang kahulugan ng magmahal tulad ng pagmamahal ni Jesucristo sa atin, naglalaho ang pagkalito at umaayos ang ating mga priyoridad. Mas sumasaya ang ating buhay bilang mga disipulo ni Cristo. Nagkakaroon ng bagong kahulugan ang ating buhay. Lumalalim ang kaugnayan natin sa ating Ama sa Langit. Ang pagsunod ay nagiging galak kaysa pasanin.
Bakit Natin Dapat Ibigin ang Diyos?
Hindi ibinigay ng Diyos Amang Walang Hanggan ang unang dakilang utos na iyon dahil kailangan Niya tayong ibigin Siya. Ang Kanyang kapangyarihan at kaluwalhatian ay hindi nababawasan kahit balewalain, itatwa, o lapastanganin natin ang Kanyang pangalan. Ang Kanyang impluwensya at dominyon ay hanggang buong panahon at kalawakan na walang kinalaman sa ating pagtanggap, pagsang-ayon, o paghanga.
Hindi, hindi kailangan ng Diyos na ibigin natin Siya. Ngunit ah, kailangang-kailangan nating ibigin ang Diyos!
Sapagkat ang iniibig natin ang nagpapasiya ng ating hinahangad.
Ang hinahangad natin ang nagpapasiya ng ating iniisip at ginagawa.
Ang ating iniisip at ginagawa ang nagpapasiya kung sino tayo—at kung ano ang ating kahihinatnan.
Nilikha tayo sa wangis ng ating mga magulang sa Langit; tayo ay mga espiritung anak ng Diyos. Samakatwid, malaki ang kakayahan nating umibig—bahagi ito ng ating espirituwal na pamana. Kung ano at kung paano tayo umibig ay hindi lamang naglalarawan ng ating pagkatao; inilalarawan din tayo nito bilang isang simbahan. Pag-ibig ang katangiang naglalarawan sa isang disipulo ni Cristo.
Noon pa mang unang panahon, pag-ibig na ang pinagmumulan kapwa ng lubos na kaligayahan at ng pinakamabibigat na pasanin. Sa gitna ng kasawian noong panahon ni Adan hanggang ngayon, makikita ninyo ang pagmamahal sa mga maling bagay. At sa gitna ng kagalakan, makikita ninyo ang pagmamahal sa mabubuting bagay.
At ang pinakadakila sa lahat ng mabubuting bagay ay ang Diyos.
Ang ating Ama sa Langit ay pinagkalooban tayo, na Kanyang mga anak, ng higit pa sa pang-unawa ng isang mortal. Sa ilalim ng Kanyang pamamahala nilikha ng Dakilang Jehova ang napakagandang mundong tinitirhan natin. Ang Diyos Ama ay binabantayan tayo, pinupuspos ng galak ang ating puso, pinasisigla tayo sa pinakamadidilim na sandali, pinupuno ang ating isipan ng mahahalagang katotohanan, ginagabayan tayo sa mga oras ng pangamba, nagagalak kapag tayo’y nagagalak, at sinasagot ang ating mabubuting kahilingan.
Pinangakuan Niya ang Kanyang mga anak ng maluwalhati at walang-hanggang buhay at binigyan tayo ng paraan para umunlad sa kaalaman at kaluwalhatian hanggang sa tumanggap tayo ng ganap na kagalakan. Ipinangako Niya sa atin ang lahat ng mayroon Siya.
Kung hindi pa sapat na dahilan ang lahat ng iyan para ibigin ang ating Ama sa Langit, marahil ay matututo tayo mula sa mga salita ni Apostol Juan, na nagsabing, “Tayo’y nagsisiibig, sapagka’t siya’y unang umibig sa atin.”6
Bakit Tayo Minamahal ng Ama sa Langit?
Isipin ang pinakadalisay, pinakamatinding pag-ibig na mawawari ninyo. Ngayo’y paramihin nang husto ang pag-ibig na iyan—at ganyan kalaki ang pag-ibig ng Diyos sa inyo.7
Hindi tumitingin ang Diyos sa panlabas na anyo.8 Naniniwala ako na hindi mahalaga sa Kanya kung nakatira tayo sa palasyo o sa kubo, kung guwapo tayo o pangkaraniwan, kung tanyag tayo o kinalimutan. Kahit nagkukulang tayo, lubos tayong mahal ng Diyos. Kahit hindi tayo perpekto, sakdal ang pag-ibig Niya sa atin. Kahit nadarama nating naligaw tayo at walang gabay, yakap tayo ng pag-ibig ng Diyos.
Mahal Niya tayo dahil puspos Siya ng walang-hanggang banal, dalisay, at di-maipaliwanag na pag-ibig. Mahalaga tayo sa Diyos hindi dahil sa ating résumé kundi dahil tayo ay Kanyang mga anak. Mahal Niya tayong lahat, maging yaong mga nagkasala, itinakwil, asiwa, malungkutin, o sawi. Napakalaki ng pag-ibig ng Diyos kaya mahal Niya kahit ang hambog, sakim, mayabang, at masama.
Ibig sabihin nito, anuman ang ating katayuan ngayon, may pag-asa tayo. Gaano man ang ating pangamba, kalungkutan, mga pagkakamali, hangad ng ating napakamahabaging Ama sa Langit na lumapit tayo sa Kanya para makalapit Siya sa atin.9
Paano Natin Mapag-iibayo ang Ating Pag-ibig sa Diyos?
Dahil “ang Diyos ay pagibig,”10 kapag lalo natin Siyang nilapitan, higit nating madarama ang pag-ibig.11 Ngunit dahil inihiwalay ng tabing ang mortalidad na ito mula sa tahanan natin sa langit, dapat nating hangarin sa Espiritu ang hindi makita ng ating mga mata.
Maaaring tila malayo ang langit kung minsan, ngunit may pag-asa sa mga banal na kasulatan: “Inyong hahanapin ako, at masusumpungan ako, pagka inyong sisiyasatin ako ng inyong buong puso.”12
Gayunman, ang paghahanap sa Diyos nang buong puso ay nagpapahiwatig ng higit pa sa simpleng pagdarasal o pagsambit ng ilang salitang nag-aanyaya sa Diyos sa ating buhay. “Sapagka’t ito ang pagibig sa Dios, na ating tuparin ang kaniyang mga utos.”13 Maaari nating sabihin nang sabihin na kilala natin ang Diyos. Maipapahayag natin sa publiko na mahal natin Siya. Magkagayunman, kung hindi natin Siya susundin, walang kabuluhan ang lahat, dahil “ang nagsasabing, Nakikilala ko siya, at hindi tumutupad ng kaniyang mga utos, ay sinungaling, at ang katotohanan ay wala sa kaniya.”14
Pinalalago natin ang ating pag-ibig sa ating Ama sa Langit at ipinakikita ang pag-ibig na iyan sa pag-aayon ng ating mga iniisip at ginagawa sa salita ng Diyos. Pinapatnubayan at hinihikayat tayo ng Kanyang dalisay na pag-ibig na maging mas dalisay at banal. Binibigyang-inspirasyon tayo nito na mamuhay sa kabutihan— hindi dahil sa takot o obligasyon kundi sa marubdob na hangaring maging higit na katulad Niya dahil mahal natin Siya. Sa paggawa nito, maaari tayong “isilang na muli [at] … malinisan sa pamamagitan ng dugo, maging ng dugo [ng] Bugtong na Anak; upang [tayo] ay mapabanal mula sa lahat ng kasalanan, at magtamasa ng mga salita ng buhay na walang hanggan sa daigdig na darating, maging ang walang kamatayang kaluwalhatian.”15
Mahal kong mga kapatid, huwag manghina kung magkamali kayo paminsan-minsan. Huwag maaba o mawalan ng pag-asa kung iniisip ninyong hindi kayo nararapat maging disipulo ni Cristo sa lahat ng oras. Ang unang hakbang sa pamumuhay sa kabutihan ay sikapin lamang ito. Dapat nating sikaping maniwala. Sikaping matuto tungkol sa Diyos: basahin ang mga banal na kasulatan; pag-aralan ang mga salita ng Kanyang mga propeta sa mga huling araw; piliing makinig sa Ama, at gawin ang mga bagay na ipinagagawa Niya sa atin. Magsikap at patuloy na magsikap hanggang sa maging posible yaong tila mahirap—at yaong tila posible lamang ay makakagawian at magiging tunay na bahagi ninyo.
Paano Natin Maririnig ang Tinig ng Ama?
Kapag humihiling kayo sa inyong Ama sa Langit, sa pagdarasal sa Kanya sa pangalan ni Cristo, sasagutin Niya kayo. Nangungusap Siya sa atin kahit saan.
Kapag binasa ninyo ang salita ng Diyos na nakatala sa mga banal na kasulatan, pakinggan ang Kanyang tinig.
Sa pangkalahatang kumperensyang ito at kalaunan kapag pinag-aralan ninyo ang mga salitang sinambit dito, pakinggan ang Kanyang tinig.
Kapag binisita ninyo ang templo at dumalo kayo sa mga miting ng Simbahan, pakinggan ang Kanyang tinig.
Pakinggan ang tinig ng Ama sa mga pagpapala at ganda ng kalikasan, sa mararahang bulong ng Espiritu.
Sa araw-araw ninyong pakikisalamuha sa iba, sa mga kataga ng isang himno, sa halakhak ng isang bata, pakinggan ang Kanyang tinig.
Kung pakikinggan ninyo ang tinig ng Ama, aakayin Niya kayo sa landas na magpaparanas sa inyo ng dalisay na pag-ibig ni Cristo.
Kapag lumalapit tayo sa Ama sa Langit, nagiging mas banal tayo. At kapag naging mas banal tayo, madaraig natin ang kawalang-paniniwala at ang ating kaluluwa ay mapupuspos ng Kanyang banal na liwanag. Kapag inaayon natin ang ating buhay sa kanyang banal na liwanag, inaakay tayo nito palabas ng kadiliman tungo sa higit na liwanag. Ang higit na liwanag na ito ay humahantong sa di-masambit na mga pagmiministeryo ng Banal na Espiritu, at ninipis ang tabing sa pagitan ng langit at lupa.
Bakit Pag-ibig ang Dakilang Utos?
Pag-ibig ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ang sentrong mensahe ng plano ng kaligayahan, na nagkabisa dahil sa Pagbabayad-sala ng Anak—ang pinakadakilang pag-ibig na mararanasan ng mundo.16
Napakalinaw ng sinambit ng Tagapagligtas nang sabihin Niya na bawat ibang utos ay batay sa alituntunin ng pag-ibig.17 Kung hindi natin kaliligtaan ang mga dakilang batas—kung talagang matututo tayong ibigin ang ating Ama sa Langit at ating kapwa nang buong puso, kaluluwa, at isipan—mangyayari ang iba pa ayon sa nararapat.
Dahil sa banal na pag-ibig ng Diyos nagiging pambihira ang mga karaniwang paglilingkod. Banal na pag-ibig ang dahilan kaya nagiging sagradong banal na kasulatan ang mga simpleng salita. Banal na pag-ibig ang dahilan kaya ang atubiling pagtalima sa mga utos ng Diyos ay nagiging pinagpalang dedikasyon at lubos na paglalaan.
Pag-ibig ang gabay na liwanag na tumatanglaw sa landas ng disipulo at nagbibigay ng buhay, kahulugan, at kagandahan sa araw-araw.
Pag-ibig ang sukatan ng ating pananampalataya, inspirasyon sa ating pagsunod, at tunay na sukatan ng ating pagkadisipulo.
Pag-ibig ang paraan ng disipulo.
Pinatototohanan ko na ang Diyos ay nasa Kanyang langit. Siya ay buhay. Kilala at mahal Niya kayo. Inaalala Niya kayo. Dinidinig Niya ang inyong mga dalangin at alam Niya ang mga hangarin ng inyong puso. Puspos Siya ng walang-hanggang pag-ibig sa inyo.
Magwawakas ako tulad ng pagsisimula ko, mahal kong mga kapatid: anong katangian ang dapat makita sa atin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?
Makilala nawa tayo bilang mga taong umiibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa, at isipan at nagmamahal sa ating kapwa tulad sa ating sarili. Kapag naunawaan at ipinamuhay natin ang dalawang dakilang utos na ito sa ating pamilya, ward at branch, bansa, at araw-araw na pamumuhay, mauunawaan natin ang kahulugan ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.