Relief Society: Isang Sagradong Gawain
Ang ating gawain ay magligtas, maglingkod, at maging banal na mga tao.
Ito ay isang magandang pagtitipon ng kababaihan ng Relief Society. Mula noong huli nating general meeting, mapalad akong mabisita ang marami sa inyo. Salamat sa inyong tapat na pamumuhay at dedikadong paglilingkod. Sa mga nakaraang general Relief Society meeting, naturuan tayo kung gaano katatag at di-natitinag ang kababaihang Banal sa mga Huling Araw sa kanilang kaalaman at pagtupad sa layunin ng Relief Society.1 Ngayong gabi sana ay mapalago ko ang ating patotoo at pag-unawa sa Relief Society bilang gawaing nakasalig sa pananampalataya. Magsasalita ako tungkol sa layunin ng gawaing ito at kung paano natin ito isinasagawa.
Alam natin na ang layunin ng Relief Society ayon sa pagkatatag ng Panginoon ay ihanda ang kababaihan para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa pagtulong sa kanila na:
-
Palakasin ang kanilang pananampalataya at personal na kabutihan.
-
Palakasin ang kanilang pamilya at tahanan.
-
Paglingkuran ang Panginoon at Kanyang mga anak.
Ang kasaysayan, layunin, at gawain ng Relief Society ay kakaiba sa lahat ng organisasyon ng kababaihan. Noong 1942, sa ika-100 taon ng Relief Society, sinabi ng Unang Panguluhan ng Simbahan:
“Walang organisasyon ng kababaihan sa buong mundo ang itinatag sa ganitong paraan… .
“Hindi dapat payagan ng mga miyembro [ng Relief Society] ang anumang awayan o paligsahan ng mga interes na maglayo sa inyo sa mga tungkulin at obligasyon, pribilehiyo at karangalan, oportunidad at tagumpay ng pagiging miyembro sa dakilang Samahang ito.”2
Kung napakahalaga para sa atin ang pagiging miyembro sa Relief Society, kailangan nating malaman kung ano ang ipinagkaiba natin sa ibang grupo o organisasyon ng kababaihan. Lahat ng ginagawa natin sa Relief Society ay mahalaga dahil binisita ng Ama sa Langit at ng Kanyang anak na si Jesucristo si Joseph Smith at, sa pamamagitan niya, ipinanumbalik ang kaganapan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lupa. Bahagi ng panunumbalik na iyan ang Relief Society. Niliwanag ni Propetang Joseph Smith ang layunin ng Relief Society at itinuro sa kababaihan ang kanilang layunin, tulad noong ituro niya sa mga lider ng priesthood sa Kirtland at Nauvoo ang kanilang layunin at gawain sa priesthood. Ang atin ay isang organisasyong patuloy na pinamumunuan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag.
Kakaiba ang Relief Society dahil ito ay binuo ayon sa “pagkakaayos sa priesthood”3 at gumagana tayo sa lokal at pangkalahatang lebel sa ilalim ng pamamahala ng mga lider ng priesthood. Nakikipagtulungan tayo sa mga lider ng priesthood, na mayhawak ng mga susing nagbibigay sa kanila ng awtoridad na mangulo sa pangalan ng Panginoon. Gumagana tayo ayon sa pamamaraan ng priesthood—ibig sabihin naghahangad, tumatanggap, at kumikilos tayo ayon sa paghahayag; nagdedesisyon sa mga kapulungan; at inaalala natin ang pangangalaga sa bawat tao. Layunin natin ang layunin ng priesthood na ihanda ang ating sarili para sa mga pagpapala ng buhay na walang hanggan sa paggawa at pagtupad ng mga tipan. Samakatwid, tulad ng mga kapatid nating may hawak ng priesthood, ang ating gawain ay magligtas, maglingkod, at maging banal na mga tao.
Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer na “ang Relief Society ay may napakalawak na mga responsibilidad.
“Ang pagdalo sa miting tuwing Linggo ay maliit na bahagi lamang ng tungkulin ninyo. Ang ilan sa inyo ay hindi ito nauunawaan at nakaligtaan na ang kahulugan ng Relief Society sa paglipas ng mga taon—ang kapatiran, ang mahabagin at praktikal na mga bahagi nito.”
Paliwanag niya:
“Ang Relief Society, sabi sa atin ng Propeta [na si Joseph], ay binuo ayon sa pagkakaayos sa priesthood. Kapag may priesthood ang isang lalaki, … kailangan dito ang lubos na dedikasyon at katapatan… .
“Nagiging ganap ang matanda at batang lalaki sa pagiging miyembro sa priesthood. Saanman siya naroon, anuman ang kanyang ginagawa, sinuman ang kanyang kasalamuha, inaasahang igagalang niya ang kanyang priesthood… .
“Kung susundan ninyong kababaihan ang pamamaraang iyan, … paglilingkuran ninyo ang inyong organisasyon, ang inyong layon—ang Relief Society… .
“Nagiging ganap at banal ang bawat babae sa paglilingkod sa Relief Society. Dapat ninyong isapuso ang pagiging miyembro ninyo sa Relief Society.”4
Paglilingkod sa Paraan ng Panginoon
Kapag malinaw ang ating layunin, natural lang na may akmang paraan ng pagsasagawa ng ating mga responsibilidad. Repasuhin natin kung paano pangasiwaan ang gawain ng Relief Society na nakasalig sa pananampalataya. Isa sa pinakanatatanging bagay na mayroon tayong lahat ay oras. Karamihan sa kababaihan ay maraming responsibilidad at laging walang sapat na oras para gawin ang lahat ng bagay na nasa puso’t isipan nila. Iginagalang natin ang Panginoon at kababaihan kapag ginagamit natin ang oras ng Relief Society sa inspiradong paraan.
Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Minsan ay pinaghambing ng isang matalinong lalaki ang ‘marangal na sining ng paggawa ng mga bagay-bagay’ at ang ‘mas marangal na sining ng hindi paggawa ng mga bagay-bagay.’ Ang tunay na ‘karunungan sa buhay,’ sabi niya, ay nasa ‘pag-aalis ng di-mahahalagang bagay.’ “Pagkatapos ay itinanong ni Pangulong Uchtdorf, “Ano ang di-mahahalagang bagay na nagpapagulo sa araw ninyo at nagnanakaw ng oras ninyo? Ano ang mga gawing nakasanayan na ninyo na hindi nakakatulong? Ano ang di-tapos o di-nasimulang mga bagay na magdaragdag ng sigla, kahulugan, at galak sa buhay ninyo?”5 Magagamit natin ang tanong niyang ito sa lahat ng miting at gawain ng Relief Society.
Mga Miting ng Relief Society Tuwing Linggo
Nagdaraos tayo ng lingguhang miting ng ating samahan tuwing Linggo bilang bahagi ng ating regular na tatlong oras na miting. Kamangha-manghang isipin na tuwing Linggo, sa buong mundo, libu-libong grupo ng kababaihan ang nagtitipon upang palakasin ang kanilang pananampalataya, patatagin ang kanilang pamilya, at pag-ugnayin ang kanilang mga pagsisikap na mapaginhawa ang iba. Ang mga miting natin tuwing Linggo ay tumatagal lang nang 50 minuto, kaya sinisimulan natin ang mga miting na iyon sa pagtalakay sa mahahalagang bagay na tutulong sa atin na higit na magkaisa at maging epektibo sa gawain natin sa Relief Society. Pinananatili nating maikli, kapita-pitagan, maayos, at angkop sa ating pagkatao at kailangang gawin ang ating mga usapan .
Tulad noong tumanggap ng tagubilin ang kababaihan sa unang mga miting ng Relief Society mula sa mga propeta at apostol, pinag-aaralan natin ang mga salita ng mga lider ng Simbahan ngayon. Kaylaking pagpapalang magkaroon ng magkakaugnay na sanggunian na nagtuturo ng doktrina at mga alituntunin upang tulungan tayong iangkop sa ebanghelyo ang ating personal na buhay at tahanan. Dahil ito ay gawaing nakasalig sa pananampalataya, pinakaepektibo ang mga aralin sa Relief Society kapag inspirado ang pagtuturo at “siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay, at magkasamang magsasaya.”6
Karagdagang mga Miting ng Relief Society
Lahat ng miting at aktibidad natin ay mga miting ng kababaihan ng Relief Society. Nitong mga nakaraang taon, tinawag natin ang karagdagang mga miting ng Relief Society na home, family, and personal enrichment meeting. Bilang tugon sa mga problema tungkol sa pagiging kumplikado ng tawag na iyan, at sa iba’t ibang interpretasyon sa layunin ng mga miting na iyon, ipinasya na huwag na itong tawaging “home, family, and personal enrichment” mula ngayon. Sa pagsangguni sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol, ipinasya na sa halip na bigyan ng pangalan ang karagdagang mga miting na ito ng Relief Society, lahat ng miting at aktibidad ng Relief Society ay tatawagin na lang ngayon na mga miting ng Relief Society. Ang mga indibidwal na miting ng Relief Society ay maaaring tawagin kung anuman ang mga ito: paglilingkod, mga klase, proyekto, kumperensya, o workshop ng Relief Society.
Ang mga karagdagang miting na ito ay mahahalagang pandagdag sa pagtuturo tuwing Linggo, lalo na para sa kababaihang naglilingkod sa Primary o Young Women o sa mga hindi nakakadalo sa mga miting tuwing Linggo. Magandang dalhin sa mga miting na ito ang ating mga kaibigang iba ang pananampalataya at isama ang kababaihan ng Relief Society na di-gaanong aktibo sa Simbahan. Lahat ng miyembro ng Relief Society at kanilang mga kaibigan ay inaanyayahang dumalo. Gayunman, hindi dapat madama ng kababaihan na pinipilit silang dumalo sa mga miting na ito.
Sa pamamahala ng bishop, magagamit ng ward Relief Society presidency ang mga miting na ito upang lutasin ang espirituwal at temporal na mga pangangailangan ng mga tao at pamilya sa ward at patatagin ang kapatiran at pagkakaisa.
Kapag nagkikita-kita ang kababaihan sa mga miting ng Relief Society sa karaniwang araw, nagkakaroon sila ng pagkakataong matuto at magkawanggawa at gawin ang mga praktikal na tungkulin ng Relief Society. Dito sila natututo at nagpapraktis ng mga kasanayang tutulong para mapalakas nila ang kanilang pananampalataya at personal na kabutihan, mapatatag ang mga pamilya at tahanan, at matulungan ang mga nangangailangan. Ang mga miting na ito ay dapat maging kasangkapan sa pagtuturo ng mga kasanayan at responsibilidad ng pagiging babae at ina sa plano ng Panginoon. Dito natututo at naiaangkop ng kababaihan ang mga alituntunin ng masinop na pamumuhay at espirituwal at temporal na pag-asa sa sarili, at umuunlad din ang kanilang kapatiran at pagkakaisa habang tinuturuan at pinaglilingkuran nila ang isa’t isa.
Ang ward Relief Society president ang namamahala sa lahat ng miting ng Relief Society. Bilang bahagi ng responsibilidad na ito, regular niyang isinasangguni sa bishop kung paano matutugunan sa mga miting na ito ang mga pangangailangan ng mga tao at pamilya sa ward.
Mapanalanging pinag-iisipan ng Relief Society presidency kung gaano kadalas sila dapat magdaos ng mga miting sa Relief Society sa buong linggo at kung saan nila dapat idaos ang mga ito. Pagkatapos ay nagrerekomenda sila sa bishop, na iniisip ang guguguling oras ng kababaihan, mga sitwasyon ng pamilya, layo at gastos ng biyahe, gagastusin ng ward, kaligtasan, at iba pang mga lokal na sitwasyon.
Kadalasan, idinaraos ang mga miting na ito anumang araw maliban sa araw ng Linggo o Lunes ng gabi. Karaniwan ay buwanan itong idinaraos, ngunit mairerekomenda ng Relief Society presidency na dalasan o huwag dalasan ang mga miting. Dapat pagsikapang magpulong kahit minsan lang tuwing tatlong buwan. Dapat dumalo kahit ang isang miyembro man lang ng Relief Society presidency sa bawat miting. Sa ilalim ng pamamahala ng stake presidency, maaaring magplano at magsagawa ang stake Relief Society presidency ng isa o dalawang miting ng stake Relief Society bawat taon para sa lahat ng kababaihan ng Relief Society sa stake.7
Mapanalanging pinag-uusapan ng mga lider ng Relief Society ang mga paksang magpapalakas sa kababaihan at kanilang pamilya at ang pinakamainam na mga paraan para maituro ang mga paksang iyon. Tinitiyak ng Relief Society president na aprubado ng bishop ang mga planong ito. Tinitiyak din niya na ang mga plano ay naaayon sa kasalukuyang mga patakaran tungkol sa mga aktibidad, pati na sa pananalapi. Bagaman ang Relief Society president ang namamahala sa mga miting na ito, maaari siyang magpatulong sa kanyang una o pangalawang tagapayo. Maaari rin siyang magrekomenda ng isa pang babae sa ward na matawag upang maglingkod bilang Relief Society meeting coordinator para tumulong sa pagpaplano ng panguluhan at pagsasagawa ng mga ito.
Ang mga miting ay maaaring ituon sa iisang paksa o hatiin sa mahigit sa isang klase o aktibidad. Karaniwan, dapat ay mga miyembro ng ward o stake ang mga guro sa mga miting na ito. Bawat taon, maaaring gunitain sa isang miting ang pagtatatag ng Relief Society at magtuon sa kasaysayan at mga layunin nito.
Sa pagpaplano ng mga miting ng Relief Society na idinaraos sa karaniwang araw, inuuna ng mga lider ang mga paksang magsasakatuparan ng mga layunin ng Relief Society, tulad ng pag-aasawa at pamilya, homemaking, masinop na pamumuhay at pag-asa sa sarili, mahabaging paglilingkod, templo at family history, pagbabahagi ng ebanghelyo, at iba pang paksang hiniling ng bishop.8
Kapag nagpaplano tayo, hinihiling natin kung ano ang gusto ng Panginoon na matutuhan at maging kahinatnan natin upang maging handa para sa buhay na walang hanggan. Sa karunungan ng Panginoon, bawat ward ay may sariling kakaibang mga katangian, na wala sa ibang ward. Maihahambing ito sa magkakaibang DNA ng bawat tao. Bawat bishop ay may responsibilidad para sa sarili niyang ward. Bawat ward Relief Society president ay may tungkuling tumulong sa isang bishop. Bawat bishop at Relief Society presidency ay pinatungan ng mga kamay sa kanilang ulunan upang tumanggap ng inspirasyon para sa partikular nilang mga responsibilidad at hindi para sa ibang ward o grupo ng kababaihan ng Relief Society.
Kung gagawa tayo ayon sa pag-unawang ito, maghahangad tayo ng paghahayag at makikipagtuwang sa isang bishop upang isakatuparan ang mga layunin ng Relief Society sa sarili nating ward. Dahil pinatatakbo ito sa ganitong paraan, kung kailangang ihanda ang kababaihan at mga pamilya para sa mga emerhensiya, maaaring iorganisa, ituro, at bigyang-inspirasyon ng Relief Society ang paghahandang iyan. Kung kailangang maghanda ang kababaihan at mga pamilya para sa templo, maaaring iorganisa, ituro, at bigyang-inspirasyon ng kababaihan ang paggawa niyon. Kung kailangan ng bishop ng mga dalagang magbabahagi ng ebanghelyo at magpapaaktibong muli sa kanilang mga kaibigan, maaaring iorganisa, ituro, at bigyang-inspirasyon ng Relief Society ang gawaing iyon. Kung kailangang matuto ang mga ina kung paano arugain at alagaan ang kanilang mga anak, maaaring iorganisa, ituro, at bigyang-inspirasyon ng Relief Society ang gawaing iyon. Kung kailangang matuto at magpahusay ng kasanayan sa pamamahay ang kababaihan na makakatulong para maging sentro ng espirituwal na lakas ang kanilang tahanan, maaaring iorganisa, ituro, at bigyang-inspirasyon ng Relief Society ang gawaing iyon. Tulad ng nangyari sa buong kasaysayan natin, kung kailangan ng mga lider ng priesthood na magsakatuparan ng isang mahalagang bagay, humihingi sila ng tulong sa Relief Society.
Ang angkop ng paggamit ng mga miting sa Relief Society ay magdaragdag sa kakayahan ng mga Relief Society na makipagtulungan sa mga lider ng priesthood sa bawat ward. Sabi nga ni Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan:
“Huwag ituring na maliit na bagay ang mga ito ng sinumang tao; sapagkat marami pang naghihintay sa hinaharap, na may kinalaman sa mga banal, na nakasalalay sa mga bagay na ito.
“Nalalaman ninyo, [mga kapatid], na ang isang malaking sasakyang-dagat ay labis na natutulungan ng isang napakaliit na timon sa oras ng bagyo, sa pamamagitan ng paggamit nito nang naayon sa hangin at mga alon.”9
Mga lider ng Relief Society, ang mensaheng ito ay magsisilbing kasalukuyang opisyal na patakaran ninyo tungkol sa karagdagang mga miting ng Relief Society. Kung may mga tanong kayo tungkol sa anumang bagay na itinuro namin dito matapos pag-aralan ang mensaheng ito, mangyaring mag-usap-usap kayo sa sarili ninyong ward at stake upang tuklasin ang mga kalutasang kailangan ninyo.
Visiting Teaching
Karamihan sa mahalagang gawain natin sa Relief Society ay hindi nangyayari sa mga miting. Magtuon tayo ngayon sa pag-unawa tungkol sa visiting teaching. Dahil sinusunod natin ang halimbawa at mga turo ni Jesucristo, mahalaga sa atin ang sagradong atas na magmahal, umalam, maglingkod, umunawa, magturo, at magministeryo alang-alang sa Kanya. Ito ang isang tungkulin natin sa Simbahan kung saan tiyak tayong tutulungan ng Panginoon kung hihilingin natin ito. Ito ang isang responsibilidad na tiyak na magpapalakas sa ating pananampalataya at personal na kabutihan at magpapatatag sa sarili nating tahanan at pamilya kapag tunay tayong nakipagtuwang sa Panginoon. Walang ibang responsibilidad ang isang babae sa Simbahang ito maliban sa kanyang pamilya na may potensyal na makagawa ng kabutihang nagagawa ng visiting teaching.
Dahil ito ang programa ng pangangalaga ng Panginoon sa Kanyang mga anak na babae, inaprubahan ng Unang Panguluhan ang mga patakaran sa visiting teaching ayon sa nakabalangkas sa Hanbuk ng mga Tagubilin ng Simbahan. Dahil nakatuon ang visiting teaching sa bawat babae, hindi iginugrupo ng mga lider ng Relief Society ang kababaihan para mag-visiting teaching.
Hindi kaya ng bishop, na naorden bilang pastol ng ward, na bantayan ang lahat ng tupa ng Panginoon nang sabay-sabay. Umaasa siya sa tulong ng inspiradong mga visiting teacher. Alam natin na dapat nating piliing kaibiganin ang lahat sa ating ward, ngunit responsibilidad ng bishop at Relief Society president na tumanggap ng paghahayag kung sino ang dapat atasang magbantay at magpalakas sa bawat babae. Ang mainam, dapat bantayan at palakasin ng bawat babae ang kahit isa pang babae man lang sa kanyang ward. Pagpapalang ipagdasal ang isa pang babae gabi’t araw at tumanggap ng inspirasyon kung paanong pangangalaga ang gustong ipagawa sa atin ng Panginoon sa isa sa Kanyang mga anak.
Ang visiting teaching ay nagiging gawain ng Panginoon kapag nagtuon tayo sa mga tao sa halip na sa dami ng ating nabisita. Ang totoo, hindi natatapos kailanman ang visiting teaching. Higit itong isang paraan ng pamumuhay kaysa isang gawain. Ang tapat na paglilingkod bilang visiting teacher ay katibayan ng ating pagiging disipulo. Ipinakikita natin ang ating pananampalataya at sinusunod natin ang pamamaraang ipinakita ng Panginoon kapag nag-uulat tayo tungkol sa ating tungkulin buwan-buwan. Kung ang babantayan lang natin ay pag-uulat na narinig nga ng bawat babae sa ward ang Mensahe sa Visiting Teaching na nakalimbag sa Ensign at Liahona, mas mabuti pang basahin na lang ito nang malakas sa lahat sa sacrament meeting. Malaking tulong ang mga ulat natin sa bishop at Relief Society president kapag ipinaalam natin sa kanila ang espirituwal at temporal na kapakanan ng kababaihan at kung paano natin sila pinaglingkuran at minahal.
Labis akong nagpapasalamat sa lahat ng visiting teacher ko, na sa pagdaan ng mga taon ay nagpakita ng kanilang pananampalataya nang paglingkuran, turuan, palakasin, at mahalin nila ako sa inspiradong mga paraan.
Pagkakawanggawa at Mahabaging Paglilingkod
Ang ating mahabaging paglilingkod at pagtulong sa mga nangangailangang indibidwal at pamilya ay bunga ng visiting teaching. Nalalaman ng Relief Society president ang pangangailangan ng mga tao sa kanyang ward sa tulong ng mga visiting teacher at ng sarili niyang pagbisita sa mga miyembro ng ward. Kung minsan inoorganisa niya tayo para tulungan ang iba, at kung minsan naman ay naglilingkod tayo “ayon sa likas [nating] kabaitan,”10 sa pagsunod sa mga inspirasyon ng Espiritu Santo. Maraming taon na ang nakararaan natuto ako mula kay Sister Camilla Kimball, asawa ni Pangulong Spencer W. Kimball, na “huwag supilin ang isang mabuting kaisipan.” Sa pagsunod sa kanyang payo, maaari nating malaman nang may katiyakan na personal tayong kilala ng ating Ama sa Langit dahil isinusugo Niya tayo upang maging Kanyang mga kamay at puso sa mga nangangailangan. Kapag ginawa natin ito, lalakas ang ating pananampalataya sa Kanya.
Katapusan
Nabubuhay tayo sa masaya at kapana-panabik na panahon ng pag-unlad sa kasaysayan ng Simbahan, at bahagi ang Relief Society sa takbo ng kasaysayang iyan. Sabi ni Joseph Smith, “Ipaunawa sa bawat lalaki, babae at bata ang kahalagahan ng gawain, at kumilos na para bagang sa kanyang pagsisikap lamang nakasalalay ang tagumpay; pagawin ang lahat dito, at pagkatapos ay ipaturing sa kanila na isang araw lamang sila mabubuhay, isang kaisipang umantig sa kalooban ng mga hari, Propeta, at mga taong matwid libu-libong taon na ang nakararaan—ang pag-asa natin ngayon ang nagbigay-inspirasyon sa pinakamatatamis nilang himig, at pinakadakilang mga awit, kaya kaysigla nilang magsalita tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan.”11
Nagagalak akong malaman na mahal tayo ng Panginoon nang sapat para gabayan tayo sa gawaing ito sa pamamagitan ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag at tayo ay kabilang sa isang Simbahang pinatatakbo ayon sa patuloy na paghahayag. Natitiyak ko na kapag ginawa ng bawat babae ang kanyang bahagi para tiyaking natutupad ang mga layunin ng Relief Society, makakasama natin ang mga anghel at makakabahagi tayo sa kamangha-manghang mga himala. Ginugunita at pinasasalamatan natin ang mahalaga at sagradong gawaing ibinigay sa atin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.