2009
Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo
Nobyémbre 2009


“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo”

Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa at sa halip ay isang mapagmahal na pagsamong pumihit at “muling bumaling” sa Diyos.

Elder Neil L. Andersen

Mga kapatid, anim na buwan na ngayon mula nang matawag ako sa Korum ng Labindalawang Apostol. Ang makapaglingkod ngayon kasama ang kalalakihang matagal nang mga halimbawa at guro ko ay nakapagpapakumbabang karanasan para sa akin. Taos kong pinasasalamatan ang inyong mga dalangin at boto ng pagsang-ayon. Para sa akin, naging panahon ito ng taimtim na panalangin, ng tapat na paghahangad ng pagtanggap ng Panginoon. Nadama ko na ang Kanyang pagmamahal sa sagrado at di-malilimutang mga paraan. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at na ito ang Kanyang banal na gawain.

Mahal natin si Pangulong Thomas S. Monson, ang propeta ng Panginoon. Habampanahon kong maaalala ang kanyang kabaitan nang tawagin niya ako noong Abril. Pagkatapos ng interbyu, binuksan niya ang kanyang mga bisig para yakapin ako. Si Pangulong Monson ay matangkad. Nang yakapin niya ako sa mahahaba niyang bisig at niyapos ako, dama kong para akong isang batang niyakap ng mapangalagang mga bisig ng isang mapagmahal na ama.

Nang sumunod na mga buwan pagkaraan niyon, naisip ko ang imbitasyon ng Panginoon na lumapit sa Kanya, at espirituwal na mabalot sa Kanyang mga bisig. Sabi Niya, “Masdan, ang [aking bisig] ng awa ay nakaunat sa inyo, at kung sinuman ang lalapit, siya ay tatanggapin ko; at pinagpala ang mga yaong lumalapit sa akin.”1

Binanggit sa mga banal na kasulatan na ang Kanyang mga bisig ay bukas,2 inaabot tayo,3 nakaunat,4 at nakayakap.5 Ang mga ito ay sinasabing malakas6 at banal,7 mga bisig ng awa,8 bisig ng kaligtasan,9 bisig ng pagmamahal,10 na “nakaunat … sa buong maghapon.”11

Kahit paano nadama na ng bawat isa na yakap tayo ng espirituwal na mga bisig na ito. Nadama na natin ang Kanyang kapatawaran, ang Kanyang pagmamahal at pag-alo. Sabi ng Panginoon, “Ako siya na umaalo sa iyo.”12

Ang hangarin ng Panginoon na lumapit tayo sa Kanya at mayakap ng Kanyang mga bisig ay kadalasang paanyaya na magsisi. “Masdan, siya ay nagpadala ng paanyaya sa lahat ng tao, sapagkat ang mga bisig ng awa ay nakaunat sa kanila, at kanyang sinabi: Magsisi at akin kayong tatanggapin.”13

Kapag nagkakasala tayo, tumatalikod tayo sa Diyos. Kapag nagsisisi tayo, muli tayong bumabaling sa Diyos.

Ang imbitasyong magsisi ay bihirang maging tinig ng pagpaparusa, sa halip ito ay mapagmahal na pagsamong pumihit at “muling bumaling” sa Diyos.14 Pag-anyaya iyon ng isang mapagmahal na Ama at ng Kanyang Bugtong na Anak na higitan pa natin ang ating sarili, taasan pa ang uri ng pamumuhay, magbago, at damhin ang kaligayahan ng pagsunod sa mga utos. Dahil mga disipulo tayo ni Cristo, nagagalak tayo sa pagpapala ng pagsisisi at sa kagalakan ng patanggap ng kapatawaran. Nagiging bahagi natin ito, hinuhubog ang ating isipan at damdamin.

Sa libu-libong nakikinig sa kumperensyang ito, maraming antas ng personal na pagkamarapat at kabutihan. Gayunman, ang pagsisisi ay isang pagpapala sa ating lahat. Kailangang madama ng bawat isa sa atin ang mga bisig ng awa ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng kapatawaran ng ating mga kasalanan.

Ilang taon na ang nakararaan, nahilingan akong bumisita sa isang tao na, sa isang yugto ng kanyang buhay ay namuhay nang magulo, maraming taon na ang nakararaan. Bunga ng kanyang masasamang pasiya, natiwalag siya sa Simbahan. Matagal na siyang nakabalik sa Simbahan at tapat na sinunod ang mga utos, ngunit binabagabag pa rin ang kanyang konsiyensya ng mga dati niyang ginawa. Nang makausap ko siya, nadama ko ang kanyang pagkahiya at taimtim na pagsisisi sa paglabag sa kanyang mga tipan. Pagkatapos ng aming interbyu, inilagay ko ang aking mga kamay sa kanyang ulunan para bigyan siya ng basbas ng priesthood. Bago ako nakapagsalita, nadama ko ang matinding pagmamahal at pagpapatawad ng Tagapagligtas sa kanya. Kasunod ng basbas, nagyakap kami at hayagang umiyak ang lalaki.

Namangha ako sa yakap ng mga bisig ng awa at pagmamahal ng Tagapagligtas para sa taong nagsisisi, gaano man kasakim ang tinalikurang pagkakasala. Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. Maliban sa mga kasalanan ng ilang tao na pinili ang kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang pagkakasalang hindi mapapatawad.15 Napakagandang pribilehiyo para sa bawat isa sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Ang kapatawaran ng langit ay isa sa pinakamatatamis na bunga ng ebanghelyo, na pumapawi sa pagbagabag ng budhi at bigat sa ating puso at pinapalitan ito ng kagalakan at kapayapaan ng budhi. Sinabi ni Jesus, “Hindi pa ba kayo ngayon magbabalik sa akin, at magsisisi sa inyong mga kasalanan, at magbalik-loob, upang mapagaling ko kayo?”16

Maaaring kailangan ng ilang nakikinig ngayon ang “malaking pagbabago ng puso”17 sa pagharap sa mabibigat na kasalanan. Baka kailangan ang tulong ng isang lider ng priesthood. Para sa karamihan, ang pagsisisi ay tahimik at medyo pribado, habang araw-araw na humihingi ng tulong sa Panginoon na magawa ang kailangang mga pagbabago.

Para sa karamihan, ang pagsisisi ay parang isang paglalakbay, minsanang pangyayari. Hindi ito madali. Mahirap magbago. Kailangan dito ang pagtakbo nang pasalungat sa hangin, paglangoy nang pasalungat sa agos. Sabi ni Jesus, “Kung ang sinomang tao’y ibig sumunod sa akin ay tumanggi sa kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus, at sumunod sa akin.”18 Ang pagsisisi ay pagtalikod sa ilang bagay tulad ng panloloko, kapalaluan, galit, at masasamang isipan, at pagbaling sa ibang bagay, tulad ng kabaitan, pagiging di-makasarili, pagtitiyaga, at espirituwalidad. Ito ay “muling pagbaling” sa Diyos.

Paano tayo nagpapasiya kung saan dapat ituon ang ating pagsisisi? Kapag iminungkahi ng isang mahal sa buhay o kaibigan ang mga bagay na kailangan nating baguhin, kung minsan ay nagmamalaki ang likas na pagkatao natin at sumasagot ng, “Ah, akala mo pala dapat akong magbago? Teka, sasabihin ko sa iyo ang ilang problema mo.” Ang mas mabuting paraan ay magpakumbabang sumamo sa Panginoon: “Ama, ano ang nais Ninyong gawin ko?” Dumarating ang mga sagot. Nadarama natin ang mga pagbabagong kailangan nating gawin. Sinasabi ito ng Panginoon sa ating puso’t isipan.19

Sa gayon ay pinapayagan tayong pumili: magsisisi ba tayo, o lilimitahan natin ang ating kakayahang tumanggap ng mga pagpapala ng langit?

Nagbabala si Alma na, “Huwag mo nang pagsikapang bigyang-katwiran ang iyong sarili sa pinakamaliit na punto.”20 Kapag “nilimitahan [natin] ang ating sarili,” tumitigil tayo sa paniniwala sa espirituwal na tinig na nag-aanyaya sa atin na magbago. Nagdarasal tayo pero hindi tayo nakikinig. Ang ating mga dalangin ay kulang ng pananampalatayang humahantong sa pagsisisi.21

Sa sandaling ito mismo, may nagsasabing, “Brother Andersen, hindi mo naiintindihan. Hindi mo nadarama ang nadama ko. Napakahirap magbago.”

Tama ka; hindi ko lubos na naiintindihan. Pero may Isang nakakaintindi. Alam Niya. Nadama na Niya ang pasakit mo. Sinabi Niya, “Aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay.”22 Naroon ang Tagapagligtas, nakaunat ang mga kamay, sinasabi sa ating: “[Lumapit] sa akin.”23 Maaari tayong magsisi. Kaya nating magsisi!

Sa pagkaalam kung ano ang dapat nating baguhin, nalulumbay tayo sa kalungkutang dulot natin. Humahantong ito sa taimtim at taos-pusong pagtatapat sa Panginoon at, kung kailangan, maging sa iba.24 Hangga’t maaari, ibalik natin ang nasira o kinuha natin nang walang paalam.

Ang pagsisisi ay nagiging bahagi ng ating araw-araw na buhay. Ang lingguhang pakikibahagi natin ng sacrament ay napakahalaga—dumalo nang may kababaang-loob, magpakumbaba sa harap ng Panginoon, kilalanin ang pag-asa natin sa Kanya, hilinging patawarin Niya at panibaguhin tayo, at mangako na lagi Siyang aalalahanin.

Kung minsan sa ating pagsisisi, sa araw-araw nating pagsisikap na maging higit na katulad ni Cristo, paulit-ulit tayong nagpupunyagi sa pare-parehong mga kahirapan. Tulad ng pag-akyat sa bundok na maraming puno, minsan ay hindi natin makita ang ating pagsulong hangga’t hindi tayo nakararating sa tuktok at lilingon mula sa matatarik na bangin. Huwag panghinaan ng loob. Kung kayo ay nagpupursigi at nagsisikap na magsisi, nasa proseso kayo ng pagsisisi.

Habang pinagbubuti natin, lumalawak ang pananaw natin sa buhay at nadaramang lumalakas ang impluwensya ng Espiritu Santo sa ating kalooban.

Kung minsan nagtataka tayo kung bakit naaalala pa natin ang ating mga kasalanan kahit matagal na nating tinalikuran ang mga ito. Bakit nalulungkot pa rin tayo sa mga pagkakamali natin kung minsan kahit nakapagsisi na tayo?

Maaalala ninyo ang nakaaantig na kuwento ni Pangulong James E. Faust. “Noong bata pa ako at bukid nakatira … , naaalala ko ang lola ko … na nagluluto ng masasarap na pagkain namin sa mainit na kalan na ginagatungan ng kahoy. Kapag ubos na ang panggatong sa kahon sa tabi ng kalan, tahimik na dadamputin ni Lola ang kahon, lalabas para punuin itong muli mula sa tumpok ng mga kahoy sa labas, at bubuhatin ang mabigat na kahon pabalik sa bahay.”

Puspos ng damdamin ang tinig ni Pangulong Faust nang magpatuloy: “Napakamanhid ko … nakaupo lang ako roon at hinayaan kong punuing muli ng mahal kong lola ang kahon ng panggatong. Nahihiya ako sa ginawa ko at buong buhay kong pinagsisihan ang pagkukulang ko. Sana balang-araw makahingi ako ng tawad sa kanya.”25

Mahigit 65 taon na ang lumipas. Kung naalala at pinagsisihan pa ni Pangulong Faust ang hindi niya pagtulong sa lola niya kahit maraming taon na ang nakalipas, dapat ba tayong magtaka sa ilang bagay na naaalala at pinagsisisihan pa natin?

Hindi sinasabi sa mga banal na kasulatan na malilimutan natin ang tinalikuran nating mga kasalanan sa mortalidad. Sa halip, sinasabi rito na kalilimutan ito ng Panginoon.26

Ang pagtalikod sa mga kasalanan ay nagpapahiwatig na huwag na itong balikan pa. Nangangailangan ng panahon ang pagtalikod. Para matulungan tayo, paminsan-minsan ay itinitira ng Panginoon ang ilang pagkakamali natin sa ating alaala.27 Mahalagang bahagi ito ng ating pagkatuto sa buhay na ito.

Kapag taos nating ipinagtapat ang ating mga kasalanan, ibinalik ang kaya nating ibalik sa taong nasaktan, at tinalikuran ang ating mga kasalanan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos, nasa proseso tayo ng pagtanggap ng kapatawaran. Sa paglipas ng panahon, madarama nating nababawasan ang hapis ng ating kalumbayan, napapawi “ang pagkakasala sa ating mga puso”28 at nagkakaroon tayo ng “katahimikan ng budhi.”29

Para sa mga tunay na nagsisisi, ngunit tila hindi nakadarama ng kapanatagan: patuloy na sundin ang mga kautusan. Nangangako ako sa inyo, mapapanatag kayo sa takdang panahon ng Panginoon. Nangangailangan din ng panahon ang paghilom.

Kung nag-aalala kayo, humingi ng payo sa bishop ninyo. Ang bishop ay may kapangyarihang makahiwatig.30 Tutulungan niya kayo.

Binalaan tayo ng mga banal na kasulatan, “Huwag ninyong ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi.”31 Ngunit, sa buhay na ito, kailanma’y hindi pa huli para magsisi.

Minsan ay pinakiusapan akong kausapin ang isang may edad nang mag-asawa na nagbalik sa Simbahan. Naturuan na sila ng ebanghelyo ng kanilang mga magulang. Matapos makasal, nilisan nila ang Simbahan. Ngayon, makaraan ang 50 taon, nagbalik sila. Naaalala ko na pumasok sa opisina ang lalaki na may hilang oxygen tank. Nagpahayag sila ng pagsisisi sa hindi nila pananatiling tapat. Sinabi ko sa kanila ang kaligayahan namin dahil sa kanilang pagbabalik, na tinitiyak sa kanila ang bukas na mga bisig ng Panginoon sa mga nagsisisi. Sumagot ang matandang lalaki, “Alam namin ito, Brother Andersen. Ngunit nalulungkot kami sa mga anak at apo namin na walang mga pagpapala ng ebanghelyo. Nakabalik kami, pero wala kaming naisama.”

Hindi sila nakabalik na nag-iisa. Hindi lamang tayo binabago ng pagsisisi, kundi pinagpapala rin nito ang ating pamilya at mga mahal natin sa buhay. Sa matwid nating pagsisisi, sa takdang panahon ng Panginoon, hindi lang tayo yayakapin ng nakaunat na mga bisig ng Tagapagligtas, kundi may epekto din ito sa buhay ng ating mga anak at inapo. Ang pagsisisi ay lagi nang nangangahulugang may higit na kaligayahang darating.

Pinatototohanan ko na maililigtas tayo ng ating Tagapagligtas mula sa ating mga kasalanan. Nadama ko mismo ang Kanyang mapagtubos na kapangyarihan. Malinaw kong nakita ang nagpapagaling Niyang kamay sa libu-libong bansa sa buong mundo. Pinatototohanan ko na pinapawi ng Kanyang banal na kaloob ang pagkabagabag sa ating puso at pinapayapa ang ating budhi.

Mahal Niya tayo. Tayo ay mga miyembro ng Kanyang Simbahan. Inaanyayahan niya ang bawat isa sa atin na magsisi, talikuran ang ating mga kasalanan, at lumapit sa Kanya. Pinatototohanan ko na nariyan Siya sa pangalan ni Jesucristo, amen.

MGA TALA

  1. 3 Nephi 9:14.

  2. Tingnan sa Mormon 6:17.

  3. Tingnan sa Alma 19:36.

  4. Tingnan sa II Mga Hari 17:36; Mga Awit 136:12.

  5. Tingnan sa 2 Nephi 1:15.

  6. Tingnan sa D at T 123:6.

  7. Tingnan sa 3 Nephi 20:35.

  8. Tingnan sa Alma 5:33.

  9. Tingnan sa Alma 34:16.

  10. Tingnan sa D at T 6:20.

  11. 2 Nephi 28:32.

  12. 2 Nephi 8:12.

  13. Alma 5:33.

  14. Tingnan sa Helaman 7:17.

  15. Tingnan sa Boyd K. Packer, “The Brilliant Morning of Forgiveness,” Ensign, Nob. 1995, 19.

  16. 3 Nephi 9:13.

  17. Alma 5:12.

  18. Mateo 16:24.

  19. Tingnan sa D at T 8:2.

  20. Alma 42:30.

  21. Tingnan sa Alma 34:17–18.

  22. Isaias 49:16.

  23. 3 Nephi 9:14.

  24. Tingnan sa D at T 58:43.

  25. James E. Faust, “The Weightier Matters of the Law: Judgment, Mercy, and Faith,” Ensign, Nob. 1997, 59.

  26. Tingnan sa D at T 58:42–43; tingnan din sa Alma 36:17–19.

  27. Tingnan sa Dieter F. Uchtdorf, “Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Liahona, Mayo 2007, 101.

  28. Alma 24:10.

  29. Mosias 4:3. Pinag-uugnay ng mga banal na kasulatan ang ating kaligayahan sa buhay na ito at sa kabilang-buhay nang may payapang budhi. Pansinin ang turo ni Alma na ang kabaligtaran ng kagalakan ay pagkabagabag ng budhi (tingnan sa Alma 29:5). Iniuugnay ng ibang mga propeta ang pahirap sa masasama pagkatapos ng buhay na ito sa nadarama nilang pagkabagabag ng budhi (tingnan sa 2 Nephi 9:14, 46; Mosias 2:38; 3:24–25; Mormon 9:5). Sinabi ni Joseph Smith: “Ang tao ang magpapahirap at magkokondena mismo sa kanyang sarili. Kaya nariyan ang kasabihang, Mapupunta sila sa nagliliyab na lawa ng apoy at asupre. Ang pahirap ng pagkasiphayo sa isipan ng tao ay kasingtindi ng nagliliyab na lawa ng apoy at asupre” (sa History of the Church, 6:314).

  30. Tingnan sa D at T 46:27.

  31. Alma 34:33.