Maging Handa
Ang tunay na paghahanda ay gagawin ng mga kabataang lalaki na nagpapasiyang gampanan ang kanilang dakilang tungkulin bilang mga lingkod ng priesthood para sa Diyos.
Saanman ako naroon sa araw o gabi, mayroon akong maliit na lalagyan ng olive oil sa tabi ko. Inilalagay ko ito sa gitnang drawer ng mesa ko kung saan ako nagtatrabaho. May isang nasa bulsa ko kapag nasa labas ako o nasa biyahe. Mayroon din sa estante sa kusina sa aking tahanan.
Itong hawak ko ngayon ay may nakasulat na petsa. Ito ang araw nang ginamit ng isang tao ang kapangyarihan ng priesthood para ilaan ang dalisay na langis para sa pagbabasbas at pagpapagaling ng maysakit. Maaaring isipin ng mga kabataan ng Aaronic Priesthood at maging ng kanilang mga ama na medyo sobra naman ang paghahanda ko.
Ngunit ang tawag sa araw o katok sa pinto sa gabi ay palaging dumarating nang di inaasahan. May magsasabing, “Puwede po bang bilisan ninyo ang pagpunta dito?” Minsan, ilang taon na ang nakaraan, may isang amang tumawag mula sa ospital. Ang kanyang tatlong taong gulang na anak na babae ay tumilapon nang 50 talampakan (15 m) nang mabundol ng kotse habang patakbong tumatawid ng kalye para puntahan ang kanyang ina. Pagdating ko sa ospital, nagmakaawa ang ama na mailigtas ng kapangyarihan ng priesthood ang buhay ng bata. Ang mga doktor at narses ay atubiling pumayag na ipasok ang aming kamay sa plastik na harang para maglagay ng isang patak na langis sa isang siwang sa makapal na bendang nakabalot sa kanyang ulo. Sabi ng isang doktor sa akin, sa medyo inis na tono, “Bilisan ninyo kung ano man iyang gagawin ninyo. Naghihingalo na siya.”
Nagkamali siya. Nabuhay ang bata, at salungat sa sinabi ng doktor, hindi lamang siya nabuhay, kundi nakalakad ring muli.
Nang dumating ang tawag, handa ako. Ang paghahanda ay hindi lamang sa pagkakaroon ng inilaang langis sa tabi ko. Kailangang simulan ito bago pa man dumating ang krisis na nangangailangan ng kapangyarihan ng priesthood. Ang mga taong handa ay magiging handang tumugon.
Ang paghahanda ay nagsisimula sa mga pamilya, sa mga korum ng Aaronic Priesthood, at kadalasan sa pribadong buhay ng mga kabataang lalaki. Ang mga korum at pamilya ay kailangang tumulong, ngunit ang tunay na paghahanda ay gagawin ng mga kabataang lalaki na nagpapasiyang gampanan ang kanilang dakilang tungkulin bilang mga lingkod ng priesthood para sa Diyos.
Ang tadhana ng bagong henerasyon ng mga mayhawak ng priesthood ay higit pa sa paghahandang pababain ang kapangyarihan ng Diyos para pagalingin ang maysakit. Ang paghahanda ay ang kahandaang humayo at gawin anuman ang ipagawa ng Panginoon habang naghahanda ang mundo para sa Kanyang pagparito. Walang nakaaalam sa atin kung ano ang mga ipagagawang iyon. Ngunit alam natin kung ano ang dapat gawin para maging handa, upang makapaghanda ang bawat isa sa atin.
Ang kakailanganin ninyo sa mahalagang sandali ay mapapasainyo sa palagiang pagsunod at paglilingkod. Babanggitin ko ang dalawa sa mga bagay na kakailanganin ninyo at kung ano ang paghahandang gagawin.
Una ay manampalataya. Ang priesthood ay ang karapatang kumilos sa pangalan ng Diyos. Ito ang karapatang manawagan sa mga kapangyarihan ng langit. Kaya’t kailangang manampalataya kayong buhay ang Diyos at nagtitiwala Siya sa inyo kaya pinayagan kayong gamitin ang Kanyang kapangyarihan para sa Kanyang mga layunin.
Isang pangyayari sa Aklat ni Mormon ang makatutulong upang makita ninyo kung paano naghanda ang isang tao. May isang mayhawak ng priesthood na ang pangalan ay Nephi na tumanggap ng mabigat na tungkulin mula sa Panginoon. Isinugo siya ng Diyos upang manawagan sa masasamang tao na magsisi na bago pa mahuli ang lahat para sa kanila. Sa kanilang kasamaan at pagkapoot, ay pinapatay na nila ang isa’t isa. Kahit ang kanilang kalungkutan ay hindi nagdulot ng kapakumbabaan na sapat upang magsisi sila at sumunod sa Diyos.
Dahil sa paghahanda ni Nephi, pinagkalooban siya ng Diyos ng kapangyarihang magampanan ang kanyang tungkulin. Ang Kanyang magiliw at nagbibigay-kapangyarihang mga salita kay Nephi ay gagabay sa atin:
“Pinagpala ka, Nephi, dahil sa mga yaong bagay na ginawa mo; sapagkat namasdan ko kung paano mo ipinahayag nang walang kapaguran ang salita, na ibinigay ko sa iyo, para sa mga taong ito. At hindi ka natakot sa kanila, at hindi mo inalintana ang sarili mong buhay, kundi sinunod ang aking kalooban, at sinunod ang aking mga kautusan.
“At ngayon, sapagkat ginawa mo ito nang walang kapaguran, masdan, pagpapalain kita magpakailanman; at gagawin kitang makapangyarihan sa salita at sa gawa, sa pananampalataya at sa mga gawa; oo, maging ang lahat ng bagay ay magagawa mo alinsunod sa iyong mga salita, sapagkat hindi ka hihiling nang salungat sa aking kalooban.
“Masdan, ikaw si Nephi, at ako ang Diyos. Masdan, ipinahahayag ko ito sa iyo sa harapan ng aking mga anghel, na magkakaroon ka ng kapangyarihan sa mga taong ito, at parurusahan ang mundo sa pamamagitan ng taggutom, at sa pamamagitan ng salot, at pagkawasak, alinsunod sa kasamaan ng mga taong ito.
“Masdan, aking ibinigay sa iyo ang kapangyarihan, na anuman ang ibubuklod mo sa lupa ay mabubuklod din sa langit; at anuman ang paghihiwalayin mo sa lupa ay mahihiwalay rin sa langit; at sa gayon magkakaroon ka ng kapangyarihan sa mga taong ito.”1
Tulad ng nakasaad sa Aklat ni Mormon, ang mga tao ay hindi nagsisi. Kaya’t hiniling ni Nephi sa Diyos na baguhin ang mga panahon. Humiling siya ng isang himala upang tulungan ang mga tao na piliing magsisi dahil sa taggutom. Dumating ang taggutom. Nagsisi ang mga tao, at nakiusap sila kay Nephi na magpadala ang Diyos ng ulan. Humiling nga siya sa Diyos, at pinapurihan ng Diyos ang kanyang di natitinag na pananampalataya.
Ang pananampalatayang iyon ay hindi dumating nang sandaling kailangan ito ni Nephi, ni ang pagtitiwala ng Diyos kay Nephi. Napasakanya ang malaking pananampalatayang iyon at ang pagtitiwala ng Diyos sa matatag at patuloy na paglilingkod sa Panginoon. Kayong mga kabataan ay pinalalakas ang gayong pananampalataya ngayon para sa mga darating na araw na kakailanganin ninyo ito.
Siguro napakaliit na bagay ang isulat ang napag-uusapan sa deacons o teachers quorum. May mga binatilyo noon na nag-ingat ng mga rekord ng mga napagpasiyahan at ginawa ng mga batang lalaki na ilang buwan lamang ang tanda sa kanila. Nangailangan iyon ng pananampalataya na tinawag ng Diyos maging ang mga 12-taong gulang sa Kanyang paglilingkod at ginagabayan sila ng paghahayag. Ang ilan sa mga quorum secretary na iyon ay kabilang na ngayon sa mga namumuno sa Simbahan. Sila ngayon ang bumabasa ng mga talang isinulat ng iba. At ang paghahayag ay dumadaloy sa kanila ngayon tulad ng pagdaloy nito sa mga lider na pinaglingkuran nila noong mga bata pa silang tulad ninyo. Inihanda sila upang magtiwala na inihahayag ng Diyos ang Kanyang kalooban, kahit sa mga mumunting bagay, sa Kanyang kaharian.
Ngayon, sinabi ng Panginoon na mapagkakatiwalaan si Nephi dahil wala siyang hihilinging salungat sa kalooban ng Diyos. Para magtiwala nang gayon kay Nephi, kinailangang matiyak ng Panginoon na naniniwala si Nephi sa paghahayag, hinahangad ito, at sinusunod. Ang matagal na karanasan sa pagsunod sa inspirasyong mula sa Diyos ay bahagi ng paghahanda ni Nephi sa priesthood. Kailangang maging bahagi ito ng inyong paghahanda.
Nakikita kong nangyayari iyan ngayon. Nitong huling ilang buwan may narinig akong mga deacon, teacher, at priest na nagbigay ng mga mensahe na inspirado at mabisang tulad ng maririnig ninyo sa pangkalahatang kumperensyang ito. Kapag nadarama ko ang kapangyarihang ibinibigay sa mga binatilyo ng priesthood, naiisip ko ang bagong henerasyon na nasa ating paligid, na parang hindi kayang pigilan. Dalangin ko na tayo na mga naunang henerasyon sa kanila ay magbabangong kasama nila. Ang paghahanda ng Aaronic Priesthood ay isang pagpapala sa ating lahat gayundin sa mga paglilingkuran nila sa kanilang henerasyon at sa mga susunod pa.
Gayunman, hindi lahat ay perpekto sa Sion. Hindi lahat ng kabataan ay pipiliing maghanda. Sila ang kailangang pumili. Pananagutan nila ang kanilang sarili. Iyan ang paraan ng Panginoon sa Kanyang mapagmahal na plano. Ngunit maraming kabataan ang kakaunti lang o walang suporta mula sa mga maaari sanang tumulong sa kanilang paghahanda. Tayo na makatutulong ay pananagutin ng Panginoon. Ang amang pabaya o humahadlang sa paglago ng pananampalataya ng anak o sa kanyang kakayahang sundin ang inspirasyon ay makadarama ng kalungkutan balang-araw. Mangyayari iyan sa sinumang nasa katayuang tumulong sa mga kabataang ito na pumiling mabuti habang sila ay nasa preparatory priesthood.
Ngayon, ang pangalawang kailangan nila ay pagtitiwala na makapamumuhay sila nang marapat sa mga pagpapala at pagtitiwalang ibinigay sa kanila ng Diyos. Karamihan sa mga impluwensyang nakapalibot sa kanila ay nagiging dahilan upang pagdudahan nila ang pag-iral ng Diyos, ang Kanyang pagmamahal para sa kanila, at ang katotohanan ng kung minsan ay tahimik na mga mensaheng natatanggap nila sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ng Espiritu ni Cristo. Maaari silang himukin ng mga kaibigan nila na piliin ang kasalanan. Kung pipiliin ng mga binatilyo ang kasalanan, ang epekto sa kanila ng mga mensahe mula sa Diyos ay manghihina.
Matutulungan natin silang piliin ang maghanda sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanila, pagbibigay-babala, at pagtitiwala sa kanila. Ngunit mas makatutulong tayo sa pagiging halimbawa natin ng isang tapat at inspiradong tagapaglingkod. Sa ating mga pamilya, sa mga korum, klase, at sa pakikisalamuha natin sa kanila, makakikilos tayo bilang mga tunay na mayhawak ng priesthood na ginagamit ang kapangyarihan nito ayon sa turo ng Diyos.
Para sa akin, ang tagubiling iyan ay malinaw na nakasaad sa ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Binalaan tayo ng Panginoon sa bahaging iyon na maging dalisay sa ating mga hangarin: “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”2 Sa pag-akay at pag-impluwensya natin sa mga kabataang lalaki, kailanman ay hindi natin dapat gawin ito upang bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan o pangarap. Huwag tayong mamimilit sa anumang antas ng kawalang-katwiran. Iyan ay mataas na pamantayan ng halimbawang kailangan nating ipakita sa ating kabataan.
Nakita kong ginawa ito noong ako ay teacher at priest pa lamang. Ang bishop ko at ang iba pang kasama niyang naglilingkod ay determinadong hindi maliligaw ang sinuman sa amin. Sa nakikita ko, ang kanilang determinasyon ay dahil sa pagmamahal sa Panginoon at sa amin, hindi sa ano pa mang makasariling layunin.
Ang bishop ay may sistema. Dapat kontakin ng bawat adviser ng bawat korum ang bawat kabataang lalaking hindi niya nakausap sa Linggong iyon. Hindi sila dapat matulog hangga’t hindi nila nakakausap ang batang hindi nakadalo, o ang kanyang mga magulang, o malapit na kaibigan. Nangako ang bishop sa kanila na hindi siya magpapatay ng ilaw hangga’t wala siyang balita tungkol sa bawat batang lalaki. Sa palagay ko hindi niya sila inutusan. Nilinaw lang niya na hindi niya inaasahang magpapatay sila ng kanilang mga ilaw hangga’t hindi sila nakapagrereport.
Siya at ang mga kasama niyang naglilingkod ay hindi lamang nagbantay sa amin. Ipinakikita nila sa amin sa pamamagitan ng halimbawa kung ano ang ibig sabihin ng pangalagaan ang tupa ng Panginoon. Walang napakahirap na gawain para sa kanya o sa mga kasama niyang naglingkod sa aming mga korum. Sa pamamagitan ng kanilang halimbawa, itinuro nila sa amin ang ibig sabihin ng di nagmamaliw na paglilingkod sa Panginoon. Inihahanda kami ng Panginoon sa pamamagitan ng halimbawa.
Hindi ko alam kung naisip ba nila na walang sinuman sa amin ang magiging espesyal. Ngunit ipinakita nilang espesyal kami at handa silang gawin ang lahat para hindi mawala ang aming pananampalataya.
Hindi ko alam kung paano natipon ng bishop ang gayon karaming tao para magkaroon ng ganoon kataas na mga ekspektasyon. Batay sa nakita ko, ginawa iyon “sa pamamagitan ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig.” Ang “hindi pagpatay ng mga ilaw” na paraang ginamit ng bishop ay hindi epektibo sa ilang lugar. Ngunit ang halimbawa ng walang-maliw na pangangalaga sa bawat kabataang lalaki at agad na pagtulong ay naghatid ng kapangyarihan ng langit sa aming buhay. Ganyan palagi. Tinulungan nito ang mga kabataang lalaki na maghanda para sa mga araw na kakailanganin sila ng Diyos sa mga pamilya at sa Kanyang kaharian.
Ang tatay ko ay halimbawa sa akin ng itinuturo ng Panginoon sa ika-121 bahagi tungkol sa pagtanggap ng tulong mula sa langit sa paghahanda sa mga kabataang lalaki. Noong bata pa ako, paminsan-minsan ay nalulungkot siya sa ginagawa ko. Ipinaaalam niya ito sa akin. Sa tinig niya ay dama kong iniisip niya na mas mabuti pa doon ang magagawa ko. Ngunit ginawa niya iyon sa paraan ng Panginoon: “Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman, kapag pinakikilos ng Espiritu Santo; at pagkatapos ay magpakita ng ibayong pagmamahal sa kanya na iyong pinagsabihan, at baka ka niya ituring na kaaway.”3
Alam ko, kahit sa kabila ng pinakatuwirang pagwawasto, na ang pagsansala ni Itay ay ibinigay nang may pagmamahal. Sa katunayan, ang pagmamahal niya ay tila lalong nadaragdagan kapag ginamit sa pinakamatinding pagwawasto, ang tingin na may pagtutol at kalungkutan. Siya ang aking lider at trainer, hindi kailanman namimilit, at natitiyak ko na ang pangakong ibinigay sa Doktrina at mga Tipan ay matutupad para sa kanya. Ang kanyang impluwensya sa akin ay madarama niya “magpakailanman.”4
Maraming ama at mga lider na kapag narinig ang mga salita sa ika-121 bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay madaramang kailangan nilang taasan pa ang kanilang pamantayan. Ganyan ako. May naaalala ba kayong sandali na pinagalitan ninyo ang isang anak o kabataan nang may kataliman at nadama ito nang walang inspirasyon? May naaalala ba kayong pagkakataon na sinabihan ninyo ang isang anak na gawin ang isang bagay o sakripisyo na ayaw naman ninyong gawin mismo? Ang panghihinayang ay makahihikayat sa ating magsisi upang maging mas katulad ng mga halimbawang ipinangako natin.
Sa pagtupad natin sa ating mga tungkulin bilang mga ama at lider, matutulungan natin ang susunod na henerasyon na bumangon tungo sa kanilang maluwalhating kinabukasan. Mas mabuti ang magagawa nila kaysa nagawa natin, tulad ng pagsisikap ninyong maging mas mabubuting magulang kumpara sa inyong mga magulang at mas mabubuting lider kaysa mga dakilang lider na tumulong sa inyo.
Dalangin ko na magpapasiya tayong pagbutihin pa ang ating mga ginagawa sa bawat araw upang maihanda ang bagong henerasyon. Sa tuwing may makikita akong bote ng inilaang langis, maaalala ko ang gabing ito at ang hangarin kong gumawa pa upang tulungan ang mga kabataang lalaki na maghanda para sa kanilang mga araw ng paglilingkod at pagkakataon. Dalangin ko na pagpalain sila upang sila ay makapaghanda. Tiwala ako na, sa tulong natin at ng Panginoon, sila ay magiging handa.
Nagpapatotoo ako na ang Diyos Ama ay buhay at si Jesucristo ay buhay at pinamumunuan ang Simbahang ito. Siya ang perpektong halimbawa ng priesthood. Si Pangulong Thomas S. Monson ang mayhawak at gumagamit ng lahat ng susi ng priesthood sa lupa. Iyan ay totoo. Iyan ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.